Ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas

lata ng sardinas ay ginawa ko nang titisan
at tipunin doon ang titis at upos na iyan
dapat din nating alagaan ang kapaligiran
na kung di mo malinisan ay huwag mong dumihan

ilagay sa titisan ang abo ng sigarilyo
simpleng bagay lang itong hinihiling ko sa iyo
anong paki ko kung sinusunog mo ang baga mo
basta ilagay mo sa tama ang upos mo't abo

ginagawa kong titisan ay ibinabahagi
sa kakilala kong sunog-bagang di ko mawari
di ko sila mapipigilan sa bisyong masidhi
ang payo ko lang ay ayusin ang kanilang gawi

ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas
nang magamit nyo't titis ay di kumalat sa labas
kaya munting payong ito'y aking pinangangahas
upang magandang kapaligiran ang namamalas

- gregbituinjr.

* titisan - salitang Batangas sa ash tray

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot