Di ko alam kung ako ba'y leyong sumisingasing

di ko alam kung ako ba'y leyong sumisingasing
habang malakas ang hilik sa kabila ng dingding
sarili'y hinimay-himay ko habang nahihimbing
at hinahamon sa paligsahan ang magagaling
maaabot kaya ang matayog na toreng garing

di maaaring basta na lang natin mairaos
ang bawat aktibidad kahit tayo'y kinakapos
makakakain ba ng matamis na paradusdos
habang sinasakatuparan ang layuning lubos
paano ba dapat mabalasa ang haring bastos

habang tulad ng isnayper, naroong nakatitig
sa samutsaring isyu't problema'y di matigatig
paano bang bagong tanim na puno'y madidilig
paano bang uring obrero'y magkakapitbisig
paano bang tiwali sa gobyerno'y mauusig

di basta-basta mag-organisa ng mga dukha
paano ba mapapakilos ang mga walang-wala
ang masa pa ba'y daluyan ng aktibista't isda
masang tulad ng dagat, umaalon, bahang-baha
paano bang bulok na sistema'y sinasagupa

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot