Dapat baguhin ang sistema't tigpasin ang bugok

tambak pa ang mga ulol dito sa daigdigan
di pa maubos-ubos ang kanilang kasamaan
nakakairita bakit ba ganyan ang lipunan
dahil lang sa pribadong pag-aari'y nagkaganyan

pribadong pag-aari'y ganap na pribilehiyo
lang ng iilan, habang laksa'y mahirap sa mundo
kung sanlibong ektarya'y ari lang ng isang tao
magsasakang walang lupa'y tiyak kayrami nito

dahil sa lintik na titulo, kayraming mahirap
di na maari ang lupang sinaka nilang ganap
ang umalis sa lupang ninuno'y nasa hinagap
kung nais mabuhay, kahit di iyon ang pangarap

halina't bakahin ang ganitong sistemang bulok
na sa salinlahi ng tao'y sadyang umuuk-ok
subalit di wastong magmukmok lang sa isang sulok
dapat baguhin ang sistema't tigpasin ang bugok

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?