Bukod sa aktibismo'y may iba pa akong mundo

bukod sa aktibismo'y may iba pa akong mundo
anila'y di nila maunawaan ang mundo ko
bukod sa aktibismo, mundo ko'y tula at kwento
mga sanaysay hinggil sa lipuna't pagbabago

di naman pinid ang pintuan ng aking daigdig
kung saan sa aking haraya'y kayraming tinig
kahit pipi'y nagsasalita, dinig mo ang pintig
bulag ay nakakakita, bingi'y nakakarinig

nagniniig ang mga salita sa daigdig ko
pinasasayaw ko ang nagbabagang alipato
nakakaligtas pa ang mga api sa asunto
na dulot ng mga sakim at mayayamang tuso

naglalakbay ako sa daigdig ng panitikan
isinusulat ko ang literatura ng bayan
pasensya kung minsan, di mo ako maunawaan
doon sa mundo ko'y may dignidad ang mamamayan

pagkat sa aking mundo'y ako ang manlilikha
isang inspirasyon ang maging ganap na malaya
minsan, mayaman ako, at madalas ako'y dukha
mahalaga'y kumakatha ako ng kwento't tula

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?