Sentimyento

sentimyento'y paano tatakas sa kahirapan
pulos pagtakas, imbes na suriin ang lipunan
kaya nagsisipag magtrabaho sa pagawaan
nag-iipon upang anak ay mapag-aral lamang

makakaalpas nga ba sa hirap ng kanya-kanya
imbes kolektibo nating lutasin ang problema
sa sipag ba't tiyaga'y makakaalpas sa dusa
o dapat nating baguhin ang bulok na sistema

kayod-kalabaw ang di nagkakaisang obrero
magsipag at tiyaga lang daw ay uunlad tayo
kahit nagpapaalipin man sa kapitalismo
at makakaipon ka rin para sa pamilya mo

iyan ang palasak na kaisipang umukilkil
di makitang pribadong pag-aari'y sumisikil
dukha'y nananatiling dukha, masa'y kinikitil
pati karapatang pantao nila'y sinusupil

di pagtakas sa kahirapan ang ating solusyon
kundi suriin bakit may dusang laganap ngayon
pribadong pag-aari'y sanhi ng dusa't linggatong
dapat sistema'y palitan, dukha'y magrebolusyon

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot