Sa iyo, Ka Pedring, taas-kamaong pagpupugay!

Siya'y anong talas mag-isip, di nagpapakahon
Inalam ang samutsaring isyung napapanahon
At sinuri ang lipunang kinasadlakan noon
Nais niyang sa hirap, maralita'y makaahon
Lider-maralitang magiting, Ka Pedring Fadrigon

Matagal nang kasama sa maraming tunggalian
Sa palengke, sa barangay, o sa komunidad man
Inaayos ang gusot, ang mali'y nilalabanan
Inalay ang panahon at buhay sa uri't bayan
Kasamang tunay sa pakikibaka sa lansangan
Sadyang mahusay na ama sa kanyang mga kawan

Si Ka Pedring ay magaling na lider-maralita
Nirerespesto ang diwa niyang mapagpalaya
Kumikilos, nakikibaka, di basta ngangawa
Sa anumang problema'y nagsusuri, naghahanda
Nang maigpawan ang anumang dumatal na sigwa

Sa iyo, Ka Pedring, taas-kamaong pagpupugay!
Para sa amin, ang iyong diwa'y di mamamatay
Sa puso't isip nami'y mananatili kang buhay
Maraming salamat sa panahon mong inialay
Maraming salamat sa mga gabay mo't patnubay
Ang sigaw namin: Mabuhay ka, Ka Pedring! Mabuhay!

- gregbituinjr.
* Si Ka Pedring Fadrigon (May 18, 1945 - October 6, 2019) ang aming pangulo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot