Magastos magkasakit kaya bawal magkasakit

Mahal magkasakit, subalit mura magpalibing...
Kaya sa dalawa, ano ba ang wastong piliin?
Yaong pangmayaman, o pangmahirap na gastusin?
Mahal magkasakit kaya dapat kang magpagaling!

Depende, kung ano bang kaya nitong bulsang butas
Ang bumili ng mamahaling bitamina't ubas
Habang dukha'y bibili lang ng mumurahing prutas
At kakain ng tuyo't gulay upang magpalakas.

Mahal magkasakit dahil mahal magpaospital
Gamot sana ang mga kwentuhan, kape't pandesal
Kumain ng hapunan, tanghalian at almusal
Dahan-dahan lang nang di mabulunan at humingal.

Magastos magkasakit kaya bawal magkasakit!
Kaya ito ngayon ang ating sinasambit-sambit
Halina't maayos na kalusugan ay igiit
Upang iwing buhay, di agad mapunta sa bingit.

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot