Wala nang palamig sa bangketa

WALA NANG PALAMIG SA BANGKETA

hinahanap ko ang mga palamig sa bangketa
limang pisong sago, sampung pisong buko't iba pa
subalit wala nang vendor, bangketa'y nilinis na
di na sila pinagtinda, itinaboy na sila

wala nang mapwestuhan ang mga vendor sa lungsod
sa bangketa'y bawal nang magtinda, wala nang kayod
ang pagtitinda man sa bangketa'y nakakapagod
nagsisipag upang sa pamilya'y may ipamudmod

sa malalaking grocery't mall ka na magpalamig
produkto ng kapitalista'y iyong makakabig
mag-softdrinks ka na lang, mahal na ang mga palamig
upang malunasan ang uhaw mo o pagkabikig

kapitalista ba'y nagplanong vendor ay mawala
malalaking negosyante'y kinalaban ang dukha
tinanggalan ng ikabubuhay ang maralita
upang produkto sa mga mall ang bilhin ng madla

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot