Utang

patakaran ko sa buhay, di ako mangungutang
sapagkat batid kong di ko ito mababayaran
aba'y mas mabuti pang ako'y mamatay na lamang
kaysa naman mangutang akong di mababayaran

di ako mangungutang, paraan ang gagawin ko
upang malutas ang mga problemang sangkot ako
huwag lang mangutang, aba'y ibabayad ko'y ano?
buti pang magsikhay at mag-ipon kahit magkano

di ako uutang, prinsipyo iyong dapat tupdin
wala akong pambayad, iyan ang iyong isipin
mamatay na 'ko sa gutom, mangutang ay di pa rin
baka buhay na'y ipambayad ko't maging alipin

sa harap ng pinagkakautangan, ako'y dungo
di ako mangungutang, prinsipyong tagos sa puso
sanay na akong magutom, magdusa't masiphayo
huwag lang sa mga utang ako'y mapapasubo

- gregbituinjr

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot