Palaban ang aktibista

PALABAN ANG AKTIBISTA

“Kaysa isang katawang malaya na may kaluluwang alipin, ibig ko pa ng isang katawang busabos na may kaluluwang malaya.” – Lázaro Francisco (1898-1980)

palaban tulad ni Spartacus ang aktibista
nagsasakripisyo man, tuloy sa pakikibaka
kaysa obrerong di mulat sa loob ng pabrika
na para sa sweldo'y alipin ng kapitalista

may mukhang malaya ngunit diwa pala'y alipin
di maisip na nambubusabos ay palayasin
may kayod-kalabaw subalit nagsusuri na rin
kung paanong bayang sawi'y kanilang palayain

tinatahak ng aktibista'y bihirang daanan
pagkat pagbabagong mithi'y madawag na larangan
pagkat pakikibaka'y masalimuot na daan
pagkat ang tinatahak ay maputik na lansangan

di dapat maging alipin ang isip, puso't gawa
kundi makibaka tayo patungo sa paglaya

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan