Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Bukrebyu: BANAAG AT SIKAT ni Lope K. Santos
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko nitong Hulyo 26, 2019 ng hapon ang aklat na "Banaag at Sikat" ni Ka Lope K. Santos sa Popular Bookstore sa halagang P295.00. Ito ang ikalawa kong pagbili ng aklat na ito, pagkat naiwala ko o marahil ay nasa hiraman, na di ko na matandaan, ang una kong aklat na nabili ko noong Hulyo 4, 2008, sa halagang P250.00. (Natatandaan ko ang petsang iyon pagkat naisalaysay ko na ito sa isa pang artikulo.)

Ang Banaag at Sikat ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa ating bansa. Isinulat niya ito ng serye sa pahayagang Muling Pagsilang noong 1904-05 at nalathala naman bilang ganap na aklat noong 1906. Ayon kay LKS, "Ang unang pagkalimbag nitong Banaag at Sikat ay noong 1906. May dalawang taong sinulat ko araw-araw at inilathala sa pahayagang Muling Pagsilang, at nang matipon na at mabuo, ay ibinigay ko sa imprenta McCullough, at doon nga ginawa ang paglilimbag."

Binubuo ng 588 pahina ang kabuuan ng aklat, at 547 pahina nito ay ang buong nobela. May siyam na pahinang pagsusuri sa nobela si Efren R. Abueg, kilalang nobelista rin at bahagi ng grupong Agos sa Disyerto. Pitong pahina ang inialay naman bilang paunang salita sa paraang Paunawa ang sinulat ni G. Macario Adriatico na may petsang Disyembre 1906. Sa huling bahagi ng aklat ay nakapagsulat ng sanaysay si LKS na may petsang Abril 1959, sa gulang na 80 taon.

Nais kong sipiin ang isang talata sa Banaag at Sikat, p. 42:

-- Hindi po ako -- anya -- ang una-una lamang nakapagsabi ng ganyan, kundi ang pantas na si Goethe, nang isulat niya ang sagutan ng isang maestro at isang alumno, tungkol sa buong pinagmulan at kasaysayan ng yaman o pag-aari.

Itinanong daw ng NAGTUTURO: -- "Turan mo, saan galing ang kayamanan ng iyong ama?" -- "Sa ama po ng aking ama," itinugon daw naman ng NAG-AARAL. -- At ang sa ama ng iyong ama?" -- "Sa ama ng ama ng aking ama." -- "At sa ama ng ama ng iyong ama?" -- "Ninakaw po."...

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), p. 15, isyu ng Agosto 1-15, 2019

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Sa landas ng tatlong bayan

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?