Anak ng tokwa

ANAK NG TOKWA

nagninilay-nilay habang nagpiprito ng tokwa
buhay pa rin ay salat, anak ng tokwa talaga
ang diwata ng swerte'y di man lamang bumisita
bakasakaling ang kapalarang ito'y mag-iba

di man ako naniniwala diyan sa kapalaran
na kaya ka mahirap ay dahil sa kamangmangan
kundi may sanhi bakit dinanas mo'y karukhaan
kaya dapat mo lamang pag-aralan ang lipunan

bakit may ilang mayaman, laksa-laksa'y mahirap
anak ng tokwa! bakit karukhaan ay laganap
walang bahay, pagkain, buhay ay aandap-andap
mga dukha'y may nabubuo pa kayang pangarap

iyang tokwang mumurahin ang aming uulamin
at pagsasaluhan namin kaysa walang makain
pangarap mong yumaman? tumingin ka sa salamin
at baka may muta ka pa'y iyo munang tanggalin

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Sa landas ng tatlong bayan