nakakahiyang gumawa ng mga kalokohan
kapag aktibista ka't seryosong ginagampanan
ang niyakap na tungkuling baguhin ang lipunan
lalo't may akibat na adhika't paninindigan
may inaalagaang dignidad ang aktibista
kaya nga nagpapakatao sila sa tuwina
pakikipagkapwa'y mabuting asal, disiplina
kumikilos nang makalos ang bulok na sistema
tunay na aktibista'y matino, di nagloloko
nag-oorganisa ng obrero, di lasinggero
pinag-aaralan ang lipunan, di babaero
tinuturo ang pagkakapantay, di sugalero
karapatang pantao'y isinasaalang-alang
sa pananalita't pagkilos, marunong gumalang
kalaban ng mga mapang-abuso't pusong halang
papalitan ang bulok na sistemang mapanlamang
nawa ang simulain nila'y maipagtagumpay
pagsasamantala't pang-aapi'y mawalang tunay
kumikilos upang sistema'y maging pantay-pantay
sa kanila, ako'y taas-kamaong nagpupugay!
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Paalala sa publiko
PAALALA SA PUBLIKO palasak ang No ID, No Entry saanmang tanggapan o gusali n'ung pandemya, No Facemask, No Entry sa opis, mall, ...
-
ANG AWITING "ISANG KAHIG, ISANG TUKA" Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr. Inilarawan ng awiting "Isang Kahig, Isang Tu...
-
KUNG WALANG SAGOT, MALI BA ANG TANONG? Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa Enero 14, 2024 isyu ng palaisipang Aritmetik sa pahayag...
-
ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bon...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento