Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hunyo, 2019

Pagkatha

PAGKATHA di ako ang tipo ng taong walang ginagawa ayokong sa araw-gabi ako'y nakatunganga nakatitig man sa kisame ay katha ng katha isinasatitik ang kanilang inginangawa bakasakaling makatulong sa inaadhika - gregbituinjr. * Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu Hunyo 16-30, 2019, p. 20

Panibagong hamon [matapos ang eleksyon]

PANIBAGONG HAMON [MATAPOS ANG ELEKSYON] apatnapu't limang milyong manggagawa sa bansa ay paano pagkakaisahin ng manggagawa bilang uri, bilang nagkakapitbisig na madla upang maitayo ang lipunang malaya may "labor vote" ba talaga o boto ng obrero? baka wala pa nito upang obrero'y manalo? tulad ng nangyari sa lima nating kandidato na mga lider-obrerong tumakbo sa senado kulang na kulang pa tayo sa pag-oorganisa wala pang dalawampung porsyento pag pinagsama yaong boto ng ating kandidato, nilang lima pagpapatunay na wala pang "labor vote", wala pa nakakawalang sigla ang pagkatalo subalit ang misyon ng uring manggagawa'y dapat iguhit mayorya ang bilang ngunit sa botoha'y kayliit tila sa sistemang ito, lahat na'y pinagkait humayo tayo't magpatuloy sa pakikibaka uring manggagawa'y dapat nating maorganisa dapat maunawa ang panlipunang papel nila sa lipunan nila'y kamtin, baguhin ang sistema - gregbituinjr.

Halina't makisangkot, makibaka

HALINA'T MAKISANGKOT, MAKIBAKA "The hottest place in Hell is reserved for those who remain neutral in times of great moral conflict." ~ Martin Luther King Jr. anila, namamatay sa laban ang matatapang at nabubuhay ng matagal ang may karuwagan mas matagal din ang buhay ng walang pakialam makasarili at sa kapwa'y walang pakiramdam sa panahon ng kagipitan, tahimik ka lang ba? bayan mo na'y sinasakop, tutunganga ka lang ba? natatakot ka bang masangkot sa pakikibaka? kahit kapwa mo'y nangangailangan ng hustisya? natatakot ka bang sa kilos-protesta'y sumali? dahil baka magkasakitan lang doon sa rali? kung alam mong mali, magiging bulag ka ba't bingi? sa pagkilos ba'y mananatili kang atubili? anong silbi mo sa bayan, kumain at matulog? makinig lang sa sinasabi ng pinunong hambog? pag sinama sa rali, tuhod mo ba'y nangangatog? o baka nais mo nang parisan ang hipong tulog? di ka dapat maging walang pakialam o nyutral pagkat magpah

Ako'y aktibista, di Adonis ng iyong panagimpan

nais mo bang patayin ang apoy sa aking puso? gusto mo bang paslangin ang ningas sa aking dugo? ibig mo bang maging tuod ako't nakatalungko? nais mo bang agiw lang ang laman ng aking bungo? sige, ako'y iyong pigilan sa pakikibaka sige, gawin mo akong robot na walang pandama sige, pilayan ako sa pagiging aktibista sige, gawin mo ang gusto't nang ako'y mawala na nais mong ang aking buong pagkatao'y baguhin at sa nais mong imahe'y doon ako hubugin nais mong buong ako'y mabago't diwa kong angkin di pala ako't ibang tao ang iyong naisin ako'y ako, aktibista, mandirigmang Spartan nasa aking puso't diwa'y baguhin ang lipunan manggagawa't maralita'y kasangga't kasamahan iyan ako, di Adonis ng iyong panagimpan - gregbituinjr.

Esensya ng buhay ay wala sa pagpapayaman

esensya ng buhay ay wala sa pagpapayaman kundi nasa pakikibaka't masa'y paglingkuran di ba't nakasulat sa Kartilya ng Katipunan "ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan ay kahoy na walang lilim o damong makamandag" di baleng ako'y naghihirap sa pakikibaka upang kapwa ko dukha'y lumaya sa pagdurusa ako'y kikilos pa upang baguhin ang sistema upang maisaayos ang kalikasan at klima maging bahagi sa paglutas ng mga problema tangan ang prinsipyo ng aktibistang mandirigma pagkakaisahin bilang uri ang manggagawa oorganisahin bilang hukbong mapagpalaya marami kaming aktibistang ganyan ang adhika - gregbituinjr.

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Imahe
MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON Maikling kwento ni Greg Bituin Jr. Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame. Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi. Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon. Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagaw

Nilay-Aklat: Ang aklat na "HELEN KELLER"

Imahe
Nilay-Aklat (BukRebyu): Ang aklat na "HELEN KELLER" maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina. Ang aklat na ito'y bahagi ng serye ng mga aklat na Rebel Lives. Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa. Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known fo

Kung ako'y maging pangulo

KUNG AKO'Y MAGING PANGULO kung ako'y maging pangulo, bansa'y aayusin ko na bawat karapatan ng tao'y nirerespeto na di na pangunahin ang pag-aaring pribado na makikinabang ang lahat sa serbisyo-publiko na likasyaman ng bansa'y ibabahaging wasto dalawampung bahagdan, laan para sa palayan dalawampung bahagdan, laan para sa gulayan at tatlumpung bahagdan ang para sa kagubatan habang labinlimang bahagdan para sa tirahan at labinlimang bahagdan para sa kalakalan bansa'y aayusin nang wala nang mapang-aglahi wala nang mayayamang may pribadong pag-aari dudurugin ang mapagsamantala, hari't pari igagalang ang mga babae't kanilang puri pagkakaisahin ang manggagawa bilang uri nawa kung maging pangulo'y maging katanggap-tanggap na mula sa uring manggagawa yaong lilingap sa bansa, at bayang ito'y pauunlaring ganap bakasakali mang ito'y matupad na pangarap kapwa maralita'y mahahango na rin sa hirap - gregbituinjr.

Sanay na akong kalahati ang inuupuan

SANAY NA AKONG KALAHATI ANG INUUPUAN sanay na akong kalahati ang inuupuan lalo doon sa pampasaherong dyip na siyaman dapat paupuin ang matanda lalo't siksikan pati na bata't magandang dalaga sa sasakyan sa kalahati mang pag-upo sa dyip na'y nasanay kahit minsang sa tagal ng pag-upo'y nangangalay iyon ay dahil sa wasto lang maging mapagbigay at ito'y maituturing ding bayanihang tunay nakikipagsiksikan kahit kalahating upo upang sa bahay ipahinga ang katawang hapo ilan nama'y sasabit, sa estribo'y nakatungo sumisiksik makarating lang kung saan patungo minsan kailangan ding makipagsiksikan sa dyip upang makauwi na't habulin ang panaginip at bakasakaling doon kanyang sinta'y masagip mula sa sasakyang muntik-muntikang makahagip - gregbituinjr.

Papel sa lipunan

nais kong hanapin ang aking papel sa lipunan ayokong umupo't tumunganga lang sa kawalan nais kong harapin ang anumang isyu ng bayan at kumilos ng buong puso't may paninindigan ako man ay isang abang aktibista sa lungsod kumikilos pagkat ayokong laging nakatanghod bilang pamilyadong manggagawa'y kayod ng kayod upang negosyante'y kumita, nagpapakapagod habang di tumbas sa lakas-paggawa yaong sahod ayokong pulos pahinga't lagi lang sa bahay sa nangyayari sa bayan, di ako mapalagay tutunganga na lang ba ako't pulos pagninilay na balewalang kumilos pagkat baka madamay ako'y isang tibak na sa bayan ay may tungkuling: dapat gampanan upang makamit ang simulain dapat ipagwagi ang prinsipyo't pangarap natin dapat ipagtagumpay ang niyakap na layunin dapat itayo ang lipunang ating adhikain - gregbituinjr.

Punglo

Imahe
PUNGLO nakatitig ako sa bituin sa kalawakan nagniningning hanggang binaybay ko ang karanasan nakita kong nananalamin ang dagat sa buwan habang nahihimbing pa ang araw sa kalangitan naghahanda ang pulu-pulutong na mandirigma at pupula ang tubig sa dagat, ilog at lawa tila baga may malaking digmaang nagbabadya habang nagsusumbatan yaong malalaking bansa saan patungo ang bayang may iba't ibang uri naglalabanan dahil sa pribadong pag-aari nagpataasan ng ere ang mga hari't pari at sa paglalaro nila, bayan na'y namumuhi mabubuti ba'y pipi lang hanggang sila'y maglaho? trapo't hunyango'y magpapalitan lang ba ng baho? sa kahirapan ba mga dukha pa'y mahahango? o kadenang ginto'y dapat nang lagutin ng punglo? - gregbituinjr.

Pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho

PAG AKO'Y NAKATUNGANGA, AKO'Y NAGTATRABAHO pag ako'y nakatunganga, ako'y nagtatrabaho pag nakatitig sa kisame, nagninilay ako pag nakatingin sa kawalan, kayraming usyoso at maya-maya lang ay isusulat ko na ito kinikiskis ko ang utak sa loob ng kisame naroon sa laot habang nakatitig sa balde pinipitas ang agiw habang naroon sa katre nakatitig sa kalangitang akala mo'y kapre nagtatrabaho ako pag ako'y nakatunganga sinisipat sa isip ang nangyayari sa madla habang makina'y pinatatakbo ng manggagawa habang inaararo naman ang binagyong lupa sapagkat ako'y isang mangangatha, manunulat itinititik sa papel, sa diwa sinisipat - gregbituinjr.

Mabuti ang adhikain ng mga aktibista

MABUTI ANG ADHIKAIN NG MGA AKTIBISTA isa akong aktibistang marangal ang layunin ang magkaroon ng pagbabago sa bayan natin kung saan walang dukha't walang mayaman sa atin pagkakapantay sa lipunan ang prinsipyong angkin mabuti ang adhikain ng mga aktibista para sa daigdig, sa ating bayan, at sa masa ipinaglalaban nila'y panlipunang hustisya nagsasakripisyo't inaalay ang buhay nila kongkretong nagsusuri sa kongkretong kalagayan batid bakit may laksang dukha't mayamang iilan bulok na sistema'y binabaka upang palitan at taos-pusong nakikipagkapwa sa lipunan nag-oorganisa't handa sa pakikipagtuos upang wakasan lahat ng klaseng pambubusabos tanikala ng kahiraoa'y kakalaging lubos pagpupugay sa bawat aktibistang kumikilos - gregbituinjr.

Katarungan sa mga batang tinokhang!

Imahe
KATARUNGAN SA MGA BATANG TINOKHANG! (Tula sa Daigdigang Araw ng mga Inosenteng Batang Biktima ng Agresyon - International Day of Innocent Children Victims of Aggression - Hunyo 4, 2019) Anong sakit sa kanilang loob bilang magulang nang anak nilang inosente'y nadamay sa tokhang. Di maubos-maisip bakit anak ay pinaslang na edad ay pito, lima, apat na taong gulang... Ating tandaan ang ngalang Danica Mae Garcia, Althea Barbon, Michael Diaz, Sonny Espinosa, Aldrin Castillo, Joshua Cumilang, Francis Mañosca, Angel Fernandez, Carl Arnaiz, at Jonel Segovia. Nariyan din yaong pangalang Kian Delos Santos, Kristine Joy Sailog, Angelito Soriano, Jayross Brondial, Saniño Butucan, Joshua Cumilang, musmos pa sila't marami pang batang buhay ay tinapos! Pumaslang sa kanila'y dapat managot, mausig! Ginawa sa kanila'y dapat matigil, malupig! Hustisya sa mga batang ito ang ating tindig. Panagutin ang maysala, ito'y dapat marinig! - gregbituinjr.,06/04/2019

Tibak na maglulupa

TIBAK NA MAGLULUPA huwag mong hahanapin sa akin ang ibang tao tanggapin mo ang pagkatao ko't kung sino ako huwag mo akong hubugin sa taong pantasya mo di ako robot, ako'y may sariling pagkaako bakit nais mo akong magmukhang kapitalista ako pa'y mag-a-Amerikana't nakakurbata balat ang sapatos, na mukhang nasa opisina ibang tao ang hanap mo, di ang aking kagaya nang ako'y iyong makilala, ako'y maglulupa at isang organisador ng mga maralita aktibistang kakampi ng hukbong mapagpalaya palabang propagandista ng uring manggagawa kaya huwag mong hanapin ang di ako sa akin ako'y maglulupang tibak na dapat mong tanggapin kung ako'y parang ibang taong iyong huhubugin di ako ang mahal mo, di ako ang iibigin tanggapin mo ako kung ano ako, isang tibak isang maglulupang ang kamay ay kayraming lipak isang dugong Spartan na gumagapang sa lusak na handang lumaban at mamatay, di pasisindak - gregbituinjr.

Ang nais ko

Imahe
ANG NAIS KO nais kong mamatay na sumasagot ng sudoku tulad ni Archimedes na isang dakilang tao problema sa aldyebra'y nilulutas na totoo nang siya'y sinaksak sa likod ng isang sundalo nais kong mabuhay na totoong nakikibaka para sa karapatang pantao at sa hustisya nabubuhay tangan ang prinsipyo para sa masa at ang dukha't manggagawa ay inoorganisa nais kong magtanim ng puno at ito'y madilig nang kalikasan ay nakakahingang may pag-ibig nais kong magtanim ng prinsipyo't magkapitbisig kasama ang obrero sa bawat adhika't tindig nais kong mangolekta ng iba't ibang magasin upang maging libangan habang nagninilay na rin nais kong bilhin ang isang maliit na lupain upang maging libingan nitong katawan kong angkin - gregbituinjr.

Pag nanalo ang trapo

PAG NANALO ANG TRAPO kung sinong may mga T.V. ads, silang nagwawagi at ang kapangyarihan nila'y napananatili baha man sa iskwater, nilulusong hanggang binti pag nanalo'y yayain mo roon, hindi nang hindi pulitiko'y nagiging mabait pag kampanyahan pulos pangako, akala mo'y pag-asa ng bayan kung umasta, akala mo'y sila ang kalutasan sa iba't ibang isyu't problema ng mamamayan ngunit pag nanalo ang mga tusong kandidato kaydaling hanapin, kayhirap lapitan ang trapo imbes na serbisyo, nasa utak lagi'y negosyo kapara nila'y bangaw sa malaking inidoro ilampaso na ang mga trapo sa arinola pag nangyari ito'y tiyak magbubunyi ang masa - gregbituinjr.