Itim ang suot bilang sagisag ng protesta

ITIM ANG SUOT BILANG SAGISAG NG PROTESTA

pulitikal ang pagsuot ko ng t-shirt na itim
dahil ang bulok na sistema'y puno ng panindim
dahil sangkatutak ang krimeng karima-rimarim
dahil kayraming rosas ang ginahasa't sinimsim
dahil laksang inosente ang pinaslang, kaylagim

pagsuot ko ng kamisetang itim ay protesta
kahit pa kay-init nito habang nasa kalsada
kahit nasa gitna ng alab ng pakikibaka
di dapat nakatunganga lang habang nakikita
na maraming lugmok ang naghahanap ng hustisya

hangga't sistema ng lipunan ay napakalupit
hangga't niyuyurakan ang dangal ng maliliit
patuloy akong magsusuot ng itim na damit
bilang protesta, at hustisya'y aking igigiit

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot