Bakit malupit mag-yosi break?

BAKIT MALUPIT MAG-YOSI BREAK?

yosi break na rin ang tawag ko sa munting pahinga
di naman nagyoyosi't tunganga lang sa kalsada
naroong nagninilay habang namamalikmata
na may naglalakad na isang magandang dalaga

kailangang mamahinga sandali't mag-yosi break
lalo't napakabanas at araw ay nakatirik
di man nagyoyosi, sa pamamahinga na'y sabik
pagkat panahon ng pagkatha, ilantad ang hibik

ang iba'y nagyoyosi't nasasarapang humitit
ramdam nila'y ginhawa habang upos nakadikit
sa labi, habang nagkukwento siya't nangungulit
sa kausap, at baka may kung anong hinihirit

anong lupit mag-yosi break, humihiram ng alwan
kahit man lang sumandali, ginhawa'y maramdaman

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Bukrebyu - Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?

Nagrambulan dahil sa kulangot