Mga Post

Tangi kong handog

Imahe
TANGI KONG HANDOG patuloy kong mamahalin ang tanging irog kahit pa ang aking araw na'y papalubog patuloy kaming mangangarap ng kaytayog at abutin ito habang kami'y malusog pisngi ko man ay payat na't di na pumintog at ang mangga'y manibalang pa't di pa hinog siya'y rosas pa rin at ako ang bubuyog na iwi kong pag-ibig ang tangi kong handog - gregoriovbituinjr. 04.14.2023

Felicisimo Ampon, Pinoy tennis champ

Imahe
FELICISIMO AMPON, PINOY TENNIS CHAMP magaling na tennis player mula sa Pilipinas si Felicisimo Ampon, dakilang manlalaro medyo kaliitan man siya'y kanyang pinamalas kung gaano kagaling ang Pinoy sa buong mundo naging kinatawan siya ng bansa sa Davis Cup sa loob ng sinasabing halos tatlumpung taon natamo niya'y mga medalya sa pagsisikap na dalhin sa rurok ang bansa't makilala roon sa Far Eastern Games ay nakamit ang tennis gold medal sa Pan American Games ay tennis singles gold medal sa Asian Games natamo ang tennis doubles gold medal sa Chinese Open Tennis ay doubles title ang medal ngalang Felicisimo Ampon, dakilang atleta ay ating tandaan, itaguyod ang larong tennis sumusunod sa yapak niya'y isang dalagita, si Alex Eala, mahusay, di basta magahis tandaan natin ang ngalang Felicisimo Ampon magaling na atleta, taospusong pagpupugay sa ating bansa, alamat na siya't inspirasyon O, Felicisimo Ampon, mabuhay ka! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. 04.13.2023 * litrato mula sa...

Araw at buwan sa lumang kalendaryo

Imahe
ARAW AT BUWAN SA LUMANG KALENDARYO nang masaliksik ang El Calendario Filipino sa Apendice J ng disyunaryong Cebuano may lokal palang katumbas ang buwan ng Enero hanggang Disyembre, pitong araw din ng buong linggo Tagurkad ang araw ng Linggo, Damason ang Lunes Ligid ang Sabado, Dukotdukot naman ang Martes Baylobaylo ang Miyerkules, Danghus ang Huwebes habang Hingot-hingot naman ang araw ng Biyernes Ulalong ang Enero, Dagangkahoy ang Pebrero buwan ng Abril ay Kiling, Dagangbulan ang Marso Himabuyan ang Mayo at Kabay naman ang Hunyo Dapadapon ang Hulyo, Lubadlubad ang Agosto tinawag na Kanggorasol ang buwan ng Setyembre habang Bagyobagyo naman ang buwan ng Oktubre Panglot Ngadiotay naman ang buwan ng Nobyembre habang Panglot Ngadaku yaong buwan ng Disyembre Miyerkules at Oktubre ang kapanganakan ko taon ng Unggoy, ka-birthday ni Gandhi, October two may rima ang araw at buwan nang isilang ako araw ng Baylobaylo at buwan ng Bagyobagyo kalendaryo kayang ganito'y ating pausuhin upang mait...

Sa silid

Imahe
SA SILID umulan ng madaling araw kaya ngayon ay giniginaw na sa buto ko'y humahataw kailangang gumalaw-galaw pagkat amihan ang hinatid sa kalamnan ay sumisigid pumapasok dito sa silid sa lamig ka ibinubulid kanina ako na'y nahimbing nakakumot, pabiling-biling sa panaginip ko'y hiniling na ang diwata'y makapiling subalit nagising sa lamig katawan ay nangangaligkig diwata sana'y makaniig na kukulungin ko sa bisig sa puyat ay nananatili nais ko pang matulog muli ngunit ginaw ang humahati sa buong silid naghahari - gregoriovbituinjr. 04.13.2023

Paniwang

Imahe
PANIWANG paniwang ang tawag sa panlinis ng palikuran na dati-rati'y basta pangkuskos ang tawag riyan ngayon, may Sinaunang Tagalog pala - paniwang na nais ko na ring gamitin sa kasalukuyan tinatawag ko ngang "yung pang-ano" sa C.R. noon kumbaga sa kaldero, iyon 'yung pang-isis doon sa kasilyas, panlinis sa dingding ng C.R. iyon at sa inidoro, nang pumuti ang loob niyon kung 'pansuro' ang dustpan, na sa kwento'y nabasa ko ang 'paniwang' naman ay magagamit ding totoo habang itinataguyod ang wikang Filipino sa mga tumutula at nagsusulat ng libro gamitin din natin sa katalamitam na madla pahiram ng paniwang, gagamitin ko pong sadya lilinisin ko lang ang palikurang anong sama umitim na sa dumi ang kubetang napabaya kukuskusin ko ang mga dingding nitong paniwang sa inidoro, ibabaw, ilalim, pati siwang maiging linisin, paputiin nang walang patlang nakakapagod man ay gawing parang naglilibang - gregoriovbituinjr. 04.12.2023 * mula sa UP Diksiyonaryong Fili...

Makabagbag-damdaming editorial cartoon

Imahe
MAKABAGBAG-DAMDAMING EDITORIAL CARTOON kaygandang dibuho sa editorial cartoon na naglalarawan sa nangyayari ngayon ganyan ang editoryal na ang nilalayon madla'y magsuri bakit nagaganap iyon ang iginuhit ay makabagbag-damdamin dahil nasasapul ang diwa't puso natin isang tao'y naroong yakap-yakap man din ang isang kabang bigas na nagmahal na rin "Ang mahal mo na"  ang namutawing salita sa harap ng kabang bigas na minumutya at ako bilang mambabasa'y naluluha sa katunayang nagpapahirap sa madla nahan ang sangkilong bente pesos na bigas na pinaniwalaang dala'y bagong bukas ngunit pangakong isa lang yatang palabas na parang pelikulang iba ang nilandas pag inunawa mo ang kaygandang dibuho  parang patsutsada sa napakong pangako panibagong kalbaryo na nama't siphayo'y daranasin ng madlang laging sinusuyo - gregoriovbituinjr. 04.12.2023

Tibuyô

Imahe
TIBUYÔ tingni't naririto ang munti kong tibuyô na hanggang ngayon ay di ko pa napupunô sinusuksukan ko lagi ng tigsasampû na barya, pati na bente pesos na buô nawa'y mapunô ko ito sa Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto, o kaya'y bago mag-Pasko akin namang ilalagak ito sa bangko o kaya'y bibili ng pantalon at libro sa mga diksyunaryo, tibuyô pa'y wala ngunit batid na ito nang ako pa'y bata pagkat si Ama'y ito ang sinasalita alkansya'y tibuyô sa Batangas na wika iyon ngang hawot ay nasa diksyunaryo na  maging ang tuklong na isang munting kapilya nawa tibuyo'y mailagay din talaga kawayan man o bao'y talagang alkansya kinasanayan kong sa tibuyô mag-ipon kahit barya-barya, lalagô rin paglaon nang kami ni misis ay makapaglimayon sa Tokyo, Berlin, Paris, o New York man iyon  - gregoriovbituinjr. 04.12.2023

GISIKABA

Imahe
GISIKABA (GInisang SIbuyas, KAmatis, BAwang) niluto ko'y ginisang sibuyas, kamatis, bawang upang maiulam ko mamayang pananghalian aba'y masyado na raw akong nagbe-vegetarian sabi ko'y hindi, ako lang ay nagba-budgetarian nagawan ko pa ito ng daglat na  GISIKABA na tila nagtatanong ng ganito:  Gising Ka Ba? lalo't madaling araw pa lang ay nagigising na kaya ramdam pa ri'y puyat paggising sa umaga inalmusal ay pianonong naiwan ni misis na dapat ay binaon niya sa kanyang pag-alis ngayong pananghalian, uulamin ko'y kamatis, bawang, at sibuyas, na ginisa kong anong tamis GISIKABA?  baka naman itanong mo sa akin ang sagot ko, aba'y oo, iyan ang uulamin tara, mag- GISIKABA , ako'y saluhan mo na rin lalakas pa ang katawan sa ganitong gulayin - gregoriovbituinjr. 04.12.2023

Pianono

Imahe
PIANONO naiwan ni misis ang kanyang pianono naiwan? o iniwan nang buong pagsuyo? anong meryenda niya pag siya'y nahapo? ganito ang naisip habang nagluluto tanong sa isip, bakit naiwan ay tatlo ang ibig bang sabihin niyon ay  "I love U" kaytamis ng pianono nang kinain ko kaysa masira, bibili na lang ng bago animo'y pagsintang kaytamis ng tinapay na sadyang magpapangiti sa iyong tunay kaya loob ko't isip ngayon ay palagay habang ginagawa ang tungkulin at pakay naiwan ba o iniwan? di ko masagot sa lambing ni misis, ako'y di nalulungkot sa pianono pa lang, panay yaring hugot at kinain iyon nang walang pahintulot - gregoriovbituinjr. 04.12.2023

Umaga

Imahe
UMAGA sumalubong ang umagang maaliwalas habang nagising sa ibong huni'y kaylakas sa iwing diwa'y may kung anong nawawatas na sa anyo ng mukha'y iyong mababakas kinain ang bahaw na kagabi niluto upang tanggalin ang gutom at pagkahapo isinulat kaagad upang di maglaho ang mga nasa isip ng buong pagsuyo sa guniguni'y may lumalambi-lambitin kaagad uminom ng tubig nang mahirin tila may kung anong mga alalahanin na dapat suriin, pag-isipan, lutasin umiikot ang buhay habang gumagawa nagkakayod-kalabaw habang naghahanda sa bukas ng pamilya habang tumatanda kayganda ng umaga habang kumakatha - gregoriovbituinjr. 04.12.2023

Pahimakas kay Lola Yuen

Imahe
PAHIMAKAS KAY LOLA YUEN una ko siyang nakilala sa Lagman Law Office kausap pa niya noon si Ka Sara Rosales hanggang makasama namin siya nang ilang beses sa mga pagkilos sa mga isyung di matiis pagkat kailangang magsalita sa mga isyu na talagang tumatama sa karaniwang tao si Lola Yuen ay nagtatalumpating totoo upang masabi ang panig ng tao sa gobyerno sa matagal na panahon ay di na nagkasama dahil sa magkaibang samahan kami napunta subalit sa mga gawain, minsan nagkikita siya'y gayon pa rin, napakamahinahon niya nakikita siya sa Freedom from Debt Coalition, sa P. M. C. J., at iba't ibang organisasyon na kinatawan ng Partido Manggagawa roon at kita mong masigasig siya sa nilalayon sa iyo, Lola Yuen, taospusong pagpupugay salamat sa panahon at buhay mong inialay para sa uri at bayan, mabuhay ka! MABUHAY! muli, Lola Yuen, taaskamaong pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 04.11.2023 * Binasa ng makata sa parangal para kay Lola Yuen

Kapag ako'y pinatula

Imahe
KAPAG AKO'Y PINATULA kapag ako'y pinatula ako'y agad naghahanda basta batid ko ang paksa lalo na't hinggil sa madla di na ako humihindi at nagbabakasakali may tulang mamumutawi mula sa diwa ko't labi bihirang pagkakataon yaong ganyang imbitasyon kaya agad yaring tugon upang makabigkas doon laking pasasalamat ko sa nag-imbitang totoo tula'y bibigkasing todo wala mang salapi rito pagbibigyan bawat hiling kung makakatulong man din pagtula ang aking sining na lagi't laging gagawin - gregoriovbituinjr. 04.11.2023

Ang nais kong banghay ng una kong nobela

Imahe
ANG NAIS KONG BANGHAY NG UNA KONG NOBELA nais kong makalikha ng isang nobela isang nobela muna, iyon pa ang kaya kaya sa pagkatha ng kwento'y magsanay pa saka paghandaan ang maging nobelista kaya dapat pag-aralan pa ang lipunan pagkat mula roon ang banghay ng kwentuhan walang bida o iisang bidang tauhan kundi ang bida'y yaong buong sambayanan anti-hero kumbaga ang aking estilo pagkat ang pangarap kong bida'y kolektibo nagsama-sama ang dukha't uring obrero laban sa mga mapagsamantala't tuso ayoko ng bidang prinsesa, hari't pari na dahilan kaya masa'y napapalungi ang nais kong bida'y masang may minimithi na pangkalahatan, anumang kanyang lipi di natin kailangan ng mga Superman na may isang manunubos ng santinakpan kundi sama-sama itong kilos ng bayan iyan ang nobela kong nais, ganyang-ganyan - gregoriovbituinjr. 04.11.2023

Salin ng mga termino sa matematika't agham

Imahe
SALIN NG MGA TERMINO SA MATEMATIKA'T AGHAM kung salin ng siyensya ay agham ang matematika ay sipnayan habang artitmetik ay bilnuran geometry naman ay sugkisan aba'y sinalin na pala ito sa sariling wikang Filipino aba'y lalo tayong matututo kung gamit ay wika natin dito ang set algebra'y palatangkasan habang ang algebra'y panandaan trigonometry ay tatsihaan statistics ay palautatan danumsigwasan ay sa hydraulics buhagsigwasan sa pneumatics initsigan sa thermodynamics habang liknayan naman sa physics timbulog, salin ng spherical tulad ng laumin sa integral tingirin naman sa differential ah, pagsalin na'y ating itanghal salin ng calculus ay tayahan biology naman ay haynayan salin ng equation ay tumbasan ang dynamics naman ay isigan salin ng monomial ay isakay sa binomial naman ay duhakay salin ng trinomial ay talukay at sa polynomial ay damikay tingni: isa, duha, talu, dami sa mono, bino, trino, at poly kapnayan ang salin sa chemistry haykapnayan sa biochemistry sa...

Naiibang Sudoku

Imahe
NAIIBANG SUDOKU Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Naiiba ang klase ng larong Pinoy Sudoku sa Philippine Star, na nasa pahina 4, isyu ng Abril 9, 2023. Naiiba dahil hindi siya karaniwang Sudoku, pagkat ang given ay 18 digits lamang, kumpara sa karaniwang Sudoku na ang given ay 45 digits. Ang ganda pa ng pamagat ng Pinoy Sudoku: Feed Your Mind. Ibig sabihin, pakainin mo ang iyong isipan upang mabusog. Talagang nakakabusog ng utak ang paglalaro ng Sudoku lalo na't pag nabuo mo ito'y dama mo ang ginhawa ng pakiramdam. Ang Sudoku ay may 81 maliliit na parisukat, kung saan siyam na numero ang pahalang, siyam din sa pababa, at may siyam na parikukat na tigatlo ang digit sa pahalang at pababa. At dapat walang magkaparehong numero sa pahalang, pababa, at tatluhan. Kundi mula 1 hanggang 9 ang sagot. Sumatotal ay 45 pag in-add ang lahat ng digit. Ang karaniwang Sudoku, kung papansinin ninyo ang Larawan 1, ay may 45 given digits. Sa bawat tatluhang parisukat, may 5 given digits, ...

Mula sa Parnaso

Imahe
MULA SA PARNASO tapos na ang mahabang bakasyon sa malayong paraisong iyon luluwas muli sa lungsod ngayon upang magbalik-trabaho roon mag-asawa'y nakapagpahinga nagbalik tuloy sa alaala ang kwentong Malakas at Maganda sa ating katutubong memorya lilisanin na ang paraiso na animo'y bundok ng Parnaso ng mga makata't musa rito mula sa sinaunang Griyego aming dinama roon ang saya habang sa pahinga'y nagbabasa ng naipon kong tula't nobela sa mga aklat na magaganda at nagtampisaw kami sa tubig naliligo habang magkaniig diwata'y sadyang kaibig-ibig na aking ikinulong sa bisig - gregoriovbituinjr. 04.10.2023

Libangan

Imahe
LIBANGAN sa dyaryo'y may napaglilibangan na palagi kong inaabangan lalo na yaong palaisipan may payo pa sa naguguluhan ah, nakalilibang ba ang payo o 'yung payo'y may itinuturo nang iwing buhay ay di gumuho mabatid ang problema't siphayo sa krosword ay di ka maiinip pagkat isang hamon, nag-iisip isasagot anumang nalirip animo'y mayroon kang nasagip sa ibang dyaryo'y sasagutan ko ang palaisipan sa numero may Aritmetik at may Sudoku na talagang kagigiliwan mo ganyan ang buhay ko pagkaminsan kapag wala sa mga labanan problema't payo'y babasahin man ay sasagot ng palaisipan - gregoriovbituinjr. 04.10.2023

Pananghalian

Imahe
PANANGHALIAN tarang mananghalian may tatlo tayong okra sinaing na tulingan at talbos ng kangkong pa mga simpleng pagkain talagang pampalusog dito'y magsalo na rin upang kita'y mabusog kaysarap pag may gulay na laging inuulam diwa'y napapalagay pati na pakiramdam ang patis ng sinaing sa kanin ko'y sinabaw ramdam kong gumagaling ang mata ko't pananaw - gregoriovbituinjr. 04.10.2023

Ang alibughang anak

Imahe
ANG ALIBUGHANG ANAK may kwentong  Prodigal Son  o  Ang Alibugang Anak na sa isipan ng marami'y talagang tumatak lumayas, nagliwaliw, nagsaya, kasama'y alak nagpasya lang umuwi nang wala na siyang pilak Ang Alibughang Anak  ay tinanggap pa ng ama lumayas man at naghirap ay anak pa rin siya nagpatay ng hayop, nagpiging na animo'y pista dahil anak na kaytagal nawala'y nagbalik na ngayon ay mayroon na namang alibughang anak na lumiham sa dyaryo, at nalathala sa pitak naglayas naman sa magulang na talak ng talak nang maghirap sa pagsosolo'y pag-uwi ang balak nagpayo namang maayos ang sinulatang guro balikan mo ang magulang nang may buong pagsuyo matutuwa ang magulang pag bumalik kang buo humingi ng tawad, makinig sa aral, mangako madalas, nauulit ang maraming karanasan ang kwento noon ay mayroon sa kasalukuyan mahalaga'y natututo tayo sa nakaraan at ginagawa anong tama sa kinabukasan - gregoriovbituinjr. 04.10.2023 * litrato mula sa pahayagang Bulgar, Abril 10, 2023,...

Sigaw pa rin ay hustisya matapos ang kwaresma

Imahe
SIGAW PA RIN AY HUSTISYA MATAPOS ANG KWARESMA may Muling Pagkabuhay, Easter Sunday ng Kristyano matapos ang tatlong araw ay nabuhay si Kristo habang inaalala ang tinokhang ng berdugo kayraming biktimang batang inosenteng totoo buti si Kristo, nabuhay sa Muling Pagkabuhay yaong mga natokhang, di na talaga binuhay di kasi sila si Kristo, sila'y basta pinatay buti si Dimas, kasama si Kristo nang mamatay kayraming ina ang hanggang ngayon ay lumuluha dahil buhay ng anak nila'y inutas, nawala pinaslang sa atas ng poon ng mga kuhila kahit di nanlaban, gawing nanlaban, atas pa nga lumutang sa dugo ang mga nabiktima nito Kian pa ang pangalan ng isa, tandang-tanda ko "May pasok pa ako bukas..." ang huli nitong samo ngunit siya'y dinala roon sa kanyang kalbaryo buti si Kristo, buhay; sila'y nanatiling bangkay hanggang ngayon, kayraming inang lumuluhang tunay nahan ang hustisya! ang sigaw nilang nalulumbay makamit sana ang hustisyang asam nila't pakay - gregoriovbitui...