Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2025

Maramihan ng si: SILA o SINA?

Imahe
MARAMIHAN NG SI: SILA O SINA? tanong sa Labing-Apat Pababa: ano raw ang  "Maramihan ng si" ? ang lumabas na sagot ay SILA imbes dapat na sagot ay SINA tanong na iyon ay tinamaan ang nasa Labingsiyam Pahalang ang tanong ay Lakers sa N.B.A. sagot ay Los Angeles o L.A. ang isahan ng SILA ay SIYA SI naman ang isahan ng SINA kaya mali yaong katanungan sa sinagutang palaisipan sa maling tanong, kawawa tayo tila ginagawa tayong bobo parang ito'y di na iniedit ng editor gayong merong sabit - gregoriovbituinjr. 12.31.2025 * krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Disyembre 31, 2025, p.7

Ang kahalagahan ng tuldik

Imahe
ANG KAHALAGAHAN NG TULDIK talagang mahalaga ang gamit ng tuldik na nilalagay sa ibabaw ng patinig upang maunawà ang bigkas ng salitâ at wastong kahuluga'y mabatid ding sadyâ halimbawa sa nailathalang balità: doble ang kahulugan ng  "magkakaanak" "magkakaának"  kung sila'y magkamag-anak "magkakaanák"  kung buntis na ang kabiyak pansinin mo ang tuldik na  "á"  sa salitâ naroon ang diin ng bigkas ng katagâ upang kahulugan ay agad maunawà bagamat di nagamit doon sa balità saan dapat itapat ang tuldik-pahilis ay dapat batay sa bigkas at kahulugan kaiba sa tuldik-paiwâ at pakupyâ na nararapat lang nating maintindihan - gregoriovbituinjr. 12.31.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025, p.2    

Solo man sa bisperas ng Bagong Taon

Imahe
SOLO MAN SA BISPERAS NG BAGONG TAON di ko hinahanap ang kasiyahan sa pagpalit ng taon, bakit naman? buti kung sistema ang napalitan natayo na'y makataong lipunan sasalubungin ko ba ng paputok ang Bagong Taong namumuno'y bulok kung mga buwaya ang nakaluklok kung mga buwitre ang nasa tuktok aanhin ko ang maraming pagkain kung simpleng buhay sapat na sa akin buti pang may aklat na babasahin kaysa daliri'y maputukan man din Bagong Taon nga, kayrami pang buktot na pondo ng bayan ang kinurakot tumitindi ang sistemang baluktot may pag-asa pa ba, nakalulungkot sa Bagong Taon, patuloy ang laban hangga't kaytindi ng galit ng bayan sa mga trapong walang kabusugan na buwis ng bayan ang sinasagpang - gregoriovbituinjr. 12.31.2025

12-anyos, patay sa paputok

Imahe
12-ANYOS, PATAY SA PAPUTOK akala ba ng batang ang pinulot na paputok ang maging sanhi ng maaga niyang pagkamatay isang produktong pampasaya raw ng Bagong Taon subalit masaya bang masayang ang kanyang buhay? dahil sa maling paniniwala at delikado dahil sa maling kulturang pinamayani rito sinong mananagot? ang pabrika ba ng paputok? sinong sasagot sa gastusin, hustisya't kabaong? kapitalista ng paputok ba ang sumasagot sa mga gastusin sa ospital at mga gamot? hindi! tubò, kita lang ang kanilang pakialam produkto man nila'y makasakit o pumatay man dapat nang baguhin ang ganyang maling paniwalà nagbago lang ang petsa, mga produkto'y nilikhâ upang pagtubuan at payamanin ang gahaman at lumawak ang imperyo nila't kapangyarihan katarungan sa batang walang malay at namatay oo, negosyante ng paputok ang pumapatay kunwari'y masayang salubungin ang Bagong Taon ng paputok, nilang buwitreng masa'y nilalamon - gregoriovbituinjr. 12.30.2025 * ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Dis...

Sa Araw ni Rizal

Imahe
SA ARAW NI RIZAL sa Araw ng Kamatayan ni Doktor Rizal ako'y nasa Luneta, naroong matagal nagnilay laban sa mga korap at hangal na ginawâ sa bayan ay malaking sampal sapagkat buwis ng bayan ay kinurakot ng mga trapo't lingkod bayang manghuhuthot binulsa ng mga kawatan at balakyot sinubi ng mga mandarambong at buktot anong sasabihin ng pambansang bayani sa kalagayan ng bansa't mga nangyari na pulitiko'y di totoong nagsisilbi sa bayan kundi sa bulsa nila't sarili dapat lang nating panatilihin ang galit ng masa sa mga pulitikong kaylupit dapat pigilan ang kanilang pangungupit sa kabang bayan, lalo sa pambansang badyet - gregoriovbituinjr. 12.30.2025

Dispalinghadong flood control, gumuhò

Imahe
DISPALINGHADONG FLOOD CONTROL, GUMUHÒ may dispalinghadong flood control ang nabisto na halaga'y walumpu't pitong milyong piso nasayang lang ang pondo, nakapanlulumò nang proyektong flood control ay biglang gumuhò sa kabilâ ng kawalan ng bagyo, lindol o bahâ, sayang tuloy ang mga ginugol kung di pala pulido ang pagkakagawâ ng panlaban sa bahâ, kawawà ang madlâ winalang bahala ang ulat na may bitak ang proyekto, hanggang pagguho na'y naganap mga residente na mismo ang nagsuplong sa awtoridad, binalewala ang sumbong dapat talagang nangyari'y imbestigahan na kayâ di pulido ay may kurakutan sa ganyan, masa'y dapat talagang magalit at sinumang kurakot ay dapat mapiit - gregoriovbituinjr. 12.29.2025 * ulat mulâ sa pahayagang Remate, DIsyembre 17, 2025, pahina 1 at 2

Kasaysayan at kabayanihan

Imahe
KASAYSAYAN AT KABAYANIHAN kahapon lamang ay nag-usap ang Kamalaysayan o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan ano nga ba ang kasaysayan ng kabayanihan? ano ang kabayanihan ng nasa kasaysayan? nakapag-usap kami sa bahay ni Ninong Dadò hinggil sa buhay, samahan ba'y saan patutungò? saysay ng kasaysayan, paano bansa'y nabuô? sa pamilya ni Sidhay, ngalan nila'y katutubò kasamang Kikò sa pamumuno'y nagpanukalà: sa limang Ga mamulat mga pinunò sa bansâ yaong Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpalà mula katutubong lirip, di kanluraning diwà nabanggit ko ang kay Jacinto'y Liwanag at Dilim malayang akdang sa kaytinding liwanag ay lilim lalo ngayong ang bansa'y kinakanlungan ng lagim ng mga kurakot sa krimeng karima-rimarim kay Ka Jed, panulat na Baybayin sa Amerika binalita ng anak niyang antropolohista salitang busilak, tapat at taya'y nabanggit pa mga bayani'y itinaya ang buhay talaga nagbigay ng malalim na diwa si kasamang Ric na saliksik sa kasaysaya'y d...

Pagkatha't lampungan

Imahe
PAGKATHA'T LAMPUNGAN kaysarap masdan ng mga pusà sa lampungan habang kumakathâ ang makatâ ng mga akalà o ng samutsaring sapantahà kapwa pusa'y kanyang dinilaan tulad ng paglinis sa katawan o tandâ rin ng pagmamahalan ng mga pelina sa lansangan ganyan lang kahit mumunting bagay isinasama sa pagninilay baka may katotohanang alay na nilantad sa atin ng búhay ang pagkatha'y pagkamalikhain at ginagawâ di man kumain lalo't walang salaping maangkin likha ng likha kahit gutumin - gregoriovbituinjr. 12.28.2025 * nasa bidyo ang mga pusà at ang poster na nakasulat ay  "Don't think! Thinking is the enemy of creativity." ~ Ray Bradbury" * pelina - feline sa Ingles * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/17PYRJRe9b/  

Paglalakbay sa búhay

Imahe
PAGLALAKBAY SA BÚHAY palakad-lakad, pahakbang-hakbang sa isang malawak na lansangan animo'y nagpapatintero lang sa maraming tao at sasakyan tumatawid sa mga kalsada sa dinaraanang sanga-sanga habang naglalakbay na mag-isa at nadarama'y lumbay at dusa mahalaga'y maraming manilay na isyu man o pala-palagay kayâ mga kathang tula'y tulay patungo sa pangarap na búhay: isang lipunang mapagkalingà bansang maunlad at maginhawà walang balakyot at walanghiyâ wala ring kurakot at kuhilâ - gregoriovbituinjr. 11.28.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/1ANtdYnMX2/  

Maging bayani

Imahe
MAGING BAYANI nakodakan puntang pulong hinggil sa kasaysayan mula sa kitaan ay amin itong nadaanan paalala'y:  "Be a hero to our heroes' children" maging bayani tayo, aba'y kaygandang isipin kaytinding usapin ngayon ang malalang korapsyon mga bayani kung nabuhay pa'y tiyak babangon palalayain ang bayan mula sa pagkasadlak sa kumunoy ng katiwalian, pusali, lusak anong lalim ng kanina lang ay pinag-usapan ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan): kultura, konsepto, pagkatao, ang pagkabuo ng bansa, anong tungkulin dito paano matanaw ang liwanag sa laksang dilim lalo na't ngayon korapsyon ay karima-rimarim sinagpang ng ahas, pating, buwaya, at buwitre ang buwis at pondo ng bayan, talagang salbahe kaya hamon sa atin ang nasabing paalala na laban sa korapsyon, tayo'y may magagawa pa dinastiya't oligarkiya'y tuluyang mabuwag pangarap na sistemang patas ay dapat itatag - gregoriovbituinjr. 12.27.2025

Kayrami palang search engine

Imahe
KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kang may hinahanap mga impormasyong dapat mabasa man din nariyan ang  Rambler, Infospace, Blekko, Yahoo, Altavista, Gigablast, Webopedia, Blingo, Yandex, Google, Dogpile, Naver, Lycos, Otalo, Excite, Hotbot, Mamma, Yippy, Iwon, Mahalo samutsaring makina sa pananaliksik Yahoo  at  Google  lang ang madalas kong gamit ang iba'y susubukan kong may pagkasabik lalo't may hinahanap ako't hinihirit salamat at may  Word Search  o  Hanap Salità at ganitong datos ay nahanap kong biglâ - gregoriovbituinjr. 12.27.2025

Nakapagngangalit na balità

Imahe
NAKAPAGNGANGALIT NA BALITÀ sinong di magngangalit sa ganyang balità: nangangaroling, limang anyos, ginahasà at pinatay, ang biktima'y napakabatà kung ako ang ama, di sasapat ang luhà dapat madakip at maparusahang tunay ang mga suspek, dapat silang binibitay may kinabukasan pa ang batang hinalay sa ganyang kasamaa'y di mapapalagay anang ulat, ang bata'y inumpog, sinakal, isinako, kamatayang talagang brutal sa sibilisadong mundo'y malaking sampal umaming durugista ang dalawang hangal kahiya-hiya ang krimen nilang ginawâ angkan nila tiyak sila'y ikahihiyâ - gregoriovbituinjr. 12.26.2025 * ulat mulâ sa headline at pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025    

Hayaan n'yong magkwento ako

Imahe
HAYAAN N'YONG MAGKWENTO AKO hayaan n'yong magkwento ako sa bawat sandali pagkat pagkukwento naman ay di minamadali salaysay ng mga nangyari, dinanas at sanhi hanggang itanong sa sarili, anong aking mithi? bakit mga trapong kurakot masamâ ang budhi? ang Paskong tuyó ba'y pagtitiis lamang sa tuyó may letson nga subalit ang buhay ay nanunuyô pagkat walâ na ang tanging pagsintang sinusuyò kahit tahakin ko man ang ilaya hanggang hulô di ko na batid kung paano tupdin ang pangakò hayaan n'yong makathâ ko pa ang nobelang nais upang kamtin ang asam na tagumpay na matamis sa kabilâ ng mga naranasang pagtitiis hanggang aking matipunong katawan ay numipis - gregoriovbituinjr. 12.25.2025

Paskong tuyó

Imahe
PASKONG TUYÓ ano bang aasahan ng abang makatâ sa panahong ipinagdiriwang ng madlâ kundi magnilay at sa langit tumungangà kahit nababatid ang samutsaring paksâ tandâ ko pa ngayon si Heber Bartolome noong buhay pa't nakakapunta pa kami sa kanyang bahay, talakayan ay matindi at may konsyertong Paskong Tuyó siya dati ngayon, mag-isa akong nagpa-Paskong Tuyó walâ na si misis, walâ nang sinusuyò singkwenta pesos ang isang tumpok na tuyó binili kahapon, kanina inilutò minsan, tanong ko, sadyâ bang ganyan ang buhay ako'y makatâ at kwentistang mapagnilay tanging naisasagot ko'y magkakaugnay habang patuloy pang nakikibakang tunay - gregoriovbituinjr. 12.25.2025

Regalong isdâ sa tatlong pusang galâ

Imahe
REGALONG ISDÂ SA TATLONG PUSANG GALÂ sadyang ipinaglutò ko sila ng isdâ upang madama rin ng mga pusang galâ ang diwà ng ipinagdiriwang ng madlâ bagamat Paskong tuyó ang dama kong sadyâ sa panahong yuletido ay naririto pa ring kumakathâ ng mga tula't kwento wala pang pahinga ang makatang biyudo buti't may mga pusang naging kong kasalo ang isa'y inahing pusang may tatlong anak ang dalawa'y magkapatid, nakagagalak walâ si alagà, saan kayâ tumahak? habang pusò nitong makata'y nagnanaknak sige, mga pusang galâ, kayo'y kumain kaunti man ang isdâ, ipagpaumanhin basta nandyan kayo'y laging pakakainin upang walang magutom isa man sa atin - gregoriovbituinjr. 12.25.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/r/1693EHNwHx/  

Noche Buena ng isang biyudo

Imahe
NOCHE BUENA NG ISANG BIYUDO nagsalita ang D.T.I., atin daw pagkasyahin iyang limang daang piso sa Noche Buena natin maraming nagprotesta, huwag daw tayong ganyanin habang kurakot ay bundat sa ninakaw sa atin may Noche Buena Challenge, diyata't aking tinanggap Noche Buena ng isang manunulat na mahirap ang sinabi ba ng D.T.I. ay katanggap-tanggap? sa bisperas ng Pasko, buhay ko'y aandap-andap ang Noche Buena ko'y wala pang limandaang piso unang Noche Buena ko ito mula mabiyudo sa karinderya'y sisenta pesos ang tasang munggo ang isang tumpok ng hipon ay isandaang piso balot ng kamatis, tatlo ang laman, bente pesos pati sibuyas na tatlo ang laman, bente pesos santumpok ng anim na dalanghita, trenta pesos isang pirasong mansanas, halaga'y trenta pesos sampû ang santaling okra sa hipon inihalò tatlong nilagang itlog na ang bawat isa'y sampû  limampung piso naman ang isang tumpok na tuyó  pitumpung piso pa ang Red Horse na nakalalangô  limampung piso ang sangkilong Bac...

Pagbabasa't pagninilay

Imahe
PAGBABASA'T PAGNINILAY patuloy lang akong nagniniay nagtatahi ng pala-palagay magpa-Pasko subalit may lumbay pagkat nag-iisa na sa buhay abang makatâ sa kanyang kwarto ay pinaligiran na ng libro paksa'y pulitika, kuro-kuro tulâ, saliksik, pabulâ, kwento balik-balikan ang kasaysayan ng daigdig, iba't ibang bayan basahin pati na panitikan ng katutubo't mga dayuhan ganyan ang gawain ko tuwina pag walang rali, magbasa-basa at magsulat ng isyu ng masa nang sistema'y baguhin na nila - gregoriovbituinjr. 12.24.2025

Bantiláw

Imahe
BANTILÁW bihirang gamitin / ang lumang salitâ sa panahon ngayon, / ngunit sa balità sa dyaryo'y nabása / aba'y anong rikit salitang " bantiláw " / sa isports ginamit kayâ inalam ko / sa  Diksiyonaryong Adarna  kung anong / kahulugan nito: di sapat ang init / ng apoy sa kalan upang makaluto / ng kanin at ulam di rin daw masinop / ang pagkakagawâ na kapag  bantiláw , / madaling masirà kumbaga, ginawa'y / di pala pulido maiinis ka lang / pag ginamit ito maraming salamat / at kalugod-lugod wikang Filipino'y / naitataguyod nang itong " bantiláw " / nabása sa ulat may bagong salitang / sa atin nagmulat - gregoriovbituinjr. 12.24.2025 * pamagat ng ulat sa isports ng pahayagang Bulgar: "Ancajas Nabantilaw ang Title Eliminator Dahil sa Injury", Disyembre 24, 2025, p.12

Nasa higaan ko si alagà

Imahe
NASA HIGAAN KO SI ALAGÀ kadarating ko lang galing pamamalengke nang si alagà ay nakitang nasa katre ayos lang, 'kako, sa akin agad tumabi baka raw may uwing isda mulâ palengke binidyuhan ko't siya'y aking kinausap tilà pawis ko sa kama'y nilanghap-langhap agad siyang pinababâ, aking pinagpag ang higaan baka may balahibong lagas salamat, alagà, bantay ka nitong bahay kayâ mga daga'y di makalarong tunay naririyan ka habang ako'y nagninilay upang kumatha ng kwento, tula't sanaysay ngayong Pasko, mga pusà ang kasama ko sa Noche Buena'y sila ang aking kasalo tig-isang pritong isdâ ang tanging regalo habang Paskong tuyó naman ang aking Pasko - gregoriovbituinjr. 12.24.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/r/17e1KpKw5Y/  

Salamat sa pamasko ng karinderya

Imahe
SALAMAT SA PAMASKO NG KARINDERYA mula sa kinakainan kong karinderya sa kanilang suki ay nagregalo sila pamaskong handog sa mga kostumer nila ang natanggap ko'y sando, salamat talaga bihira rin ang mga ganitong pamasko na mga suki nila'y bibigyang regalo marahil ay swerte sila sa taóng ito bilang pasasalamat, namigay ng sando kaninang umaga'y doon ako kumain ng sinigang na isda't kangkong ang gulayin sa kanto ang karinderya ni  Ate Arlene doon munting regalo'y inabot sa akin katabi kong kumain ay nagpasalamat sapagkat pareho rin kaming nakatanggap "Merry Christmas" , si Ate Arlene ang nangusap "Merry Christmas din po" , tugon kong walang kurap - gregoriovbituinjr. 12.23.2025 * makikita sa regalo, nakasulat ay Ate Arlene's Eatery

Bawat butil, bawat patak

Imahe
BAWAT BUTIL, BAWAT PATAK pag ikaw ay magsasaka bawat butil mahalaga sa paggamit man ng tubig bawat patak mahalaga ang isa'y pinaghirapan nang may makain ang bayan tinanim, inalagaan laking galak pag anihan kapwa galing kalikasan ating pinagtrabahuhan nang pamilya't kabuhayan kaginhawaha'y makamtan  kayâ ganyan kahalaga bawat butil, bawat patak tiyaking di maaksaya ang natanggap na biyaya - gregoriovbituinjr. 12.23.2025 * larawan mula sa google

Mga tulâ ko'y di magwawagi

Imahe
MGA TULÂ KO'Y DI MAGWAWAGI batid kong sapagkat makamasa, makabayan, makamaralitâ, pangkababaihan, magsasaka, aktibista, makamanggagawà mga tulâ ko'y di magwawagi sa anumang mga patimpalak pawang magaganda'y napipili gayunpaman, ako'y nagagalak sa mga akda nilang nanalo ako sa kanila'y nagpupugay salamat at buháy pa rin ako patuloy ang katha't pagninilay pagkat tulâ ko'y upang magsilbi sa nakikibakang mamamayan, sa mga maliliit, naapi, sa nais mabago ang lipunan kung sakaling tulâ ko'y magwagi tiyak di galing sa akademya kundi sa pagbabakasakali na gantimpala'y mula sa masa - gregoriovbituinjr. 12.22.2025

Muli, sa Fiesta Carnival

Imahe
MULI, SA FIESTA CARNIVAL sa Fiesta Carnival ay muling tumambay upang iwing kalooban ay mapalagay dito kami noon nagkikita ni Libay upang kumain, upang magkwentuhang tunay alaalang laging binabalik-balikan lalo't magpa-Paskong punô ng kalumbayan mabuti't may madalas pagkaabalahan magsaliksik, kumatha't rali sa lansangan magbenta ng mga libreto kong nagawâ planong magsalibro ng mga bagong akdâ subukan namang nobela yaong malikhâ magsulat ng maikling kwento, di lang tulâ kayraming nakathâ sa Fiesta Carnival habang naroong sa diwa'y may nakakintal dito'y madalas nakatambay ng matagal kakathâ habang nagugunita ang mahal - gregoriovbituinjr. 12.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/r/17bjRd841V/  

Di ko ginagamit ang "pero" sa akdâ

Imahe
DI KO GINAGAMIT ANG "PERO" SA AKDÂ matagal ko nang di ginagamit ang "pero" salitang Kastilà, salitang Mehikano gayong may katumbas sa wikang Filipino na dapat gawing palasak, gamitin ito sa wikang Ingles, ang salitang"pero" ay "but" sa ating wika'y ngunit, subalit, datapwat ang mga iyan ang gamit ko sa panulat sa tula, kwento, sa ganyan ako maingat nais kong patampukin ang sariling wikà bilang makatâ sa katutubong salitâ upang mapatampok din ang ninunong diwà habang nakikibaka kapiling ng dukhâ  ngunit, subalit, datapwat , bagamat mithî mga salitang ganito'y pinanatili di wikà ng mga mananakop na imbi kung may katumbas naman, gamiting masidhi - gregoriovbituinjr. 12.21.2025 * kahulugan ng mga salita mula sa Diksiyonaryong Adarna

Dilis pa lang, walang pating

Imahe
DILIS PA LANG, WALANG PATING ang nakulong pa lang ay dilis wala pang nakulong na pating di ba iya'y nakakainis gayong mga korap na'y buking at ang sigaw ng taumbayan: ikulong lahat ng kurakot! kanilang tinig ay pakinggan ikulong ang lahat ng sangkot paulit-ulit yaong sigaw inuulit-ulit ng masa nararamdaman mo ang hiyaw upang makamit ang hustisya magpa-Pasko lang sa kulungan ay yaong maliit na isdâ wala pang pating sa piitan walang balyenang dambuhalà - gregoriovbituinjr. 12.21.2025 * litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa, Disyembre 20, 2025, headline at pahina 2

Nagbabakáy si alagà

Imahe
NAGBABAKÁY SI ALAGÀ nagbabakáy si alagà sa pagbukas ng pintô gayong pahingahan niya'y di roon, ibang dakò baka siya'y gutóm, kung makapagsasalitâ lang sasabihing  "nais kong kumain, ako'y pagbuksan." minsan, pag-uwi ko, sa banig na'y naroon siya nakahigâ na sa tulugan ko't nagpapahinga at sa bangkô ako'y tatalungkô na lang sa antok doon panagimpan ay hahabihin sa pagtulog at ngayon, hinihintay akong siya'y papasukin nakapikit siya, at ayoko nang istorbohin marahil, may hinahabi rin siyang panaginip samantalang ako'y nagising at muling iidlip sana'y umayos na ang paglakad niya't napilay baka nalaglag sa bubong isang gabing kay-ingay dapat ang pahinga't tulog namin ay walong oras upang katawan, puso't isipan ay mapalakas - gregoriovbituinjr. 12.21.2025

Tama ang Thailand fans!

Imahe
TAMA ANG THAILAND FANS! tamâ ang Thai fans, nandayà ang Pilipinas sa paggamit ng mga banyagà sa Gilas na di gumagamit ng katutubong Pinoy na tingin sa mga katutubo'y kolokoy ginamit ay mga naturalized citizen na di naman kabayang tumubò sa atin para lang makapaglarô sa bansang ito pinasok ang pagiging naturalisado sadyang matindi ang colonial mentality walang tiwala sa katutubo't sarili ang mga lider ng isports sa ating bansâ sa mga atletang banyagà nagtiwalà para silang mga kurakot sa flood control kitang kita na ang kanilang pambubudol para kamtin ng bansâ ang medalyang gintô ay di nagsikap magsanay ng katutubò nakakahiyâ, kaytinding katotohanan pati pala sa isports, uso ang dayaan kayâ Thailand, mabuti't inilantad ninyo mabuhay kayo sa pagsabi ng totoo - gregoriovbituinjr. 12.20.2025 * ulat mula sa SportsTalkPh sa kawing na: h ttps://www.facebook.com/share/p/1Cf6GWfftE/ at sa JerAve 24 page sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1APyDPBWBS/   

Pagsusulat

Imahe
PAGSUSULAT nagsusulat ako anumang oras di kung kailan lang may oras ako di kung kailan lang handâ na ako at di kung kailan ko lamang gusto nagsusulat sapagkat manunulat nagsusulat upang makapagmulat sa masa ng anumang mabibigat na isyung sa bayan nati'y pabigat di ako tititig sa blangkong papel o sa screen man ng laptop computer kung wala pang anumang sasabihin kung wala pang isyung nakakagigil basta pluma't kwaderno'y nakahandâ sa bulsa't bag, nang agad makakathâ iyan ang katangian ng makatâ may nalilikhâ kahit namumutlâ - gregoriovbituinjr 12.20.2025

Bawal mapagod

Imahe
BAWAL MAPAGOD bawal mapagod ang diwà, puso't katawan magpahinga pa rin ng madalas at minsan habang naghahanda sa matitinding laban sa pagsulat at pagkilos para sa bayan matulog tayo ng walong oras, ang sabi payò ng matatanda'y sundin araw-gabi walong basong tubig ang inuming mabuti katawa'y ipahinga kahit super-busy minsan, hatinggabi'y gising pa't nagsusulat nang musa ng panitik ay naritong sukat antok ako'y di na pinigilang magmulat upang likhain ang tulang may tugma't sukat O, Musa ng Panitik, diwa ko't diwatà pagkat likhang tula'y aking tulay sa madlâ - gregoriovbituinjr. 12.20.2025

Pagpupugay sa iyo, Alex Eala!

Imahe
PAGPUPUGAY SA IYO, ALEX EALA! tagumpay ang buong taon para sa iyo sa simulâ pa lang, bigatin ang tinalo huling tagumpay mo'y iyang gintong medalya sa  Southeast Asian Games  ay ikaw ang nanguna sa kabila ng isyung kurakutan ngayon O, Alex Eala , isa kang inspirasyon ang mga kurakot, kahihiyan ng bansâ ngunit ikaw,  Alex , karangalan ng bansâ mahalaga sa bansa ang iyong tagumpay dahil pinataas ang moral naming tunay sa kabilâ ng krimen ng mga kurakot gintong medalya mo'y pag-asa ang dinulot ang ngalan mo'y naukit na sa kasaysayan lalo't pinataob ang maraming kalaban nang pinakita sa mundo ang iyong husay mabuhay ka, taaskamaong pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 12.19.2025