Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Marso, 2025

Payo sa tulad kong Libra

Imahe
PAYO SA TULAD KONG LIBRA horoscope nga'y bihira kong basahin subalit ngayon, ako'y napatingin aba, ang payo sa tulad kong  Libra tila payo sa mga aktibista na  "Talasan ang pakiramdam lalo sa mga mapang-abuso. " ay, opo! dinagdag pa,  "Huwag kang tatahimik kapag may nakita kang mali."  korek! ganyan nga ako kaya isang tibak ayaw kong masa'y gumapang sa lusak dapat lahat, kasama sa pag-unlad at pinunong bugok, dapat ilantad sistemang bulok ay dapat palitan at itayo'y makataong lipunan - gregoriovbituinjr. 03.13.2025 * mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 13, 2025, p.7

Almusal

Imahe
ALMUSAL nakakagutom sa madaling araw kaya bumili muna ng pandesal mamaya lang, puputok na ang araw habang nariritong nag-aalmusal nalilirip ay samutsaring paksâ hinggil sa buhay at isyu ng masa bakit naghihirap pa rin ang dukhâ? bakit ba nagdidilim ang umaga? bakit salot ang kontraktwalisasyon? bakit manggagawa'y di maregular? tibak na Spartan ba'y anong misyon bakit ba trapo'y pulos lang paandar? maraming napagninilayang kwento, tula't sanaysay habang kumakain ng pandesal, anong linamnam nito ang tibak nga'y nagiging malikhain - gregoriovbituinjr. 03.12.2025

Palawan pala'y inaangkin na ng Tsina?

Imahe
PALAWAN PALA'Y INAANGKIN NA NG TSINA? nabasa ko lang sa pahayagan kanina Palawan pala'y inaangkin na ng Tsina? akala ko ang Tsina'y Oso, iba pala tulad na ba sila ng bundat na buwaya? dahil ba may langis sa isla ng Palawan? sinong magtatanggol sa islang anong yaman? ang mga dukha? Pilipinong makabayan? o kapitalistang limpak ang pakinabang? sinong nasa Palawan? anong mga tribu? may Intsik ba roong gubat na'y kinakalbo? nagprotesta'y may panawagang nabasa ko: igalang ang international maritime law! marahil nga't wasto lamang ang maghimagsik kung sariling lupa'y inaagaw ng Intsik laban sa pananakop nila't paghahasik upang kunin ang lupa ng bayang tahimik - gregoriovbituinjr. 03.12.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 12, 2025, p.2

Mag-ingat sa 50℃ na init sa Abril

Imahe
MAG-INGAT SA 50℃ NA INIT SA ABRIL mag-ingat tayo, O, kababayan sa Abril, kaytindi raw ng init abot limampung degri ba naman kahit klima na'y nagmamalupit iyan ang prediksyon ng PAGASA iyan ay paghandaan na natin paalala saanman magpunta payong at tubig ay laging dalhin magsuot ng damit na maluwag inom ng tubig bago mauhaw panatilihing basa ang balat lumabas pag di tirik ang araw iwasan nating magka-heat istrok magsuot ng sumbrero, magpayong magpaalam, di muna papasok kung palagay mo't tamang desisyon - gregoriovbituinjr. 03.12.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante, Marso 12, 2025, p.2 * PAGASA - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration

Ang payo ng KWF

Imahe
ANG PAYO NG KWF sa inyo, Komisyon sa Wikang Filipino agad akong sumang-ayon sa payo ninyo na ating gamitin ang Wikang Filipino sa paglilingkod sa taumbayan, saludo! bilang makata at aktibistang Spartan wikang Filipino'y tinataguyod naman sa aming pananalita, sa pulong bayan sa mga akda, sanaysay, kwento't tula man mababasa sa Taliba ng Maralita na aming pahayagan sa kilusang dukha wikang Filipino ang gamit naming sadya upang mapatagos sa masa ang adhika sa wikang ito'y nag-uunawaan kami sa ganitong paraan nakakapagsilbi sa taumbayang higit na nakararami salamat sa payo at kaygandang mensahe - gregoriovbituinjr. 03.12.2025 * mapapanood ang bidyo ng KWF sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/16MZY1t1jc/  

Nagpatiwakal nang dahil sa pag-ibig?

Imahe
NAGPATIWAKAL NANG DAHIL SA PAG-IBIG? O, pagsintang labis ng kapangyarihan ang sabi nga noon ni Kiko Balagtas sa panahong ito ay nabalitaan dalawang binata, sarili'y inutas nagpatiwakal nang dahil daw sa sinta isa'y sa Lucena, at isa'y sa Romblon nagkakalabuan, tila di kinaya ang nasa damdamin, at nangyari iyon bakit ba nangyari ang gayon, Kupido sa puso ng dilag, may ibang kahati? tadhana'y nagbiro, binata'y seryoso may third party nga ba't may ibang nagwagi? kayraming balitang pagpapatiwakal ang pag-ibig nga ba'y sa hangal o banal? - gregoriovbituinjr. 03.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 4, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Tanim-bala, ayon kay Lolit Solis

Imahe
TANIM-BALA, AYON KAY LOLIT SOLIS lumang drama na umano ang Tanim-Bala sinulat ni Lolit Solis sa kolum niya naulit na naman ba iyan sa NAIA? kaytindi ng sabi niya:  Nakakaloka! paanong sa bagahe bala'y naisaksak buti na lang, tatlong empleyado'y sinibak sa modus nila'y kayraming mapapahamak pawis ng biktima'y talagang tatagaktak nakagagambala sa mga pasahero iyang modus operandi ng mga loko sana'y matigil na ang modus nilang ito pigilan ang modus ng mga walang modo mabibiktima nila'y talagang kawawa tanim-bala sana'y tuluyan nang mawala dapat nang matukoy sino ang may pakana at mga suspek ay maparusahang sadya - gregoriovbituinjr. 03.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 11, 2025, p.6, at pahayagang Bulgar, Marso 11, 2025, p.1 at 2

Ngunit, subalit, datapwat

Imahe
NGUNIT, SUBALIT, DATAPWAT nang kinapanayam si Canelo Alvarez o ang boksingerong si Juan Manuel Marquez sinasabi nila'y 'pero' na 'but' sa Ingles sa salitang ito'y di ako nakatiis isa ang 'pero' sa aking iniiwasan sa pagkatha ng tula, kwento't sanaysay man may salita kasi tayong katumbas niyan na dapat palaganapin sa taumbayan wikang Espanyol o Meksikano ang 'pero' gamitin ito'y di masikmurang totoo mayroon tayong salitang pamalit dito: 'ngunit, subalit, datapwat'  katumbas nito paumanhin kung sa katha ko'y di magamit mabuti pang gamitin ang  'ngunit', 'subalit' kaya sa mga akda ko'y iginigiit ang taal nating salita nang di mawaglit - gregoriovbituinjr. 03.11.2025 P.S. may Pinoy na salita sa 'pero' 'ngunit, subalit, datapwat' ito tara, gamitin nating totoo sa ating sanaysay, tula't kwento

Anak ni Pacman, muling lalaban

Imahe
ANAK NI PACMAN, MULING LALABAN katukayo pala ni Pacman ang boxer na anak na nagngangalang  Emmanuel Joseph "Eman" Bacosa na muling lalaban sa Blow-by-Blow, nakagagalak may anak siyang boksingerong palaban talaga si Eman, dalawampu't isang anyos, taga-GenSan sa dibisyong lightweight ay kakasa sa taga-Congo sa rekord nga'y mayroon lang siyang anim na laban una'y draw, at apat ay knockout sa limang panalo matangkad pa kaysa ama, na taas ay five-foot-ten si Pacman ang kanyang inspirasyon at motibasyon tulad din ng ama, ang kanyang kamao'y bigatin na talagang paluluhurin ang kalaban doon apelyido'y iba man, anak sa ibang babae ni Pacman, sa karakas ay mana sa kanyang tatay isang boksingerong dapat pa ring ipagmalaki kaya kay  Eman Bacosa , mabuhay ka! mabuhay! - gregoriovbituinjr. 03.10.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 10, 2025 * boxing rekord mula sa kawing na:  https://www.tapology.com/fightcenter/fighters/403555-eman-bacosa  

Kamatis at tuyo, na naman

Imahe
KAMATIS AT TUYO, NA NAMAN kamatis at tuyo ang ulam sa agahan sa tanghali, kamatis at tuyo na naman ang inuulam ay kung anong naririyan wala nang pili, mahalaga'y mabusog lang simpleng pagkain, puspusang pakikibaka simpleng pamumuhay ng isang aktibista kinakain ay tulad sa dyip, gasolina ng katawan upang makakilos sa masa pagkatapos magtipa ng mga sulatin pagkatapos ng gawaing bahay, kakain muling mag-oorganisa, at hahanapin ang mga isyung dapat ipaglaban natin paminsan-minsan lang ang tuyo at kamatis bukas, sa bawang at sibuyas magtitiis mahalaga'y malusog pa tayong aalis at matatag kahit katawan ay manipis - gregoriovbituinjr. 03.10.2025

Pagtuligsa sa pagpaslang sa pusa

Imahe
PAGTULIGSA SA PAGPASLANG SA PUSA nabasa ko lang sa pahayagang Remate na may pinatay palang pusa sa Makati suspek pala rito'y dayuhan, isang Intsik na ugaling pinakita'y sadyang mabagsik kaytagal ko na ring animal rights activist bukod sa pagiging political activist sa opisina, may asong inalagaan sa bahay, alaga ko'y mga pusa naman baka kaya suspek ay may mental health problem kaya nakagawa ng karima-rimarim bakit pinagmalupitan niya ang pusa? pinagtripan? nakursunadahan bang sadya? dapat kahit sa hayop maging makatao 'Be kind to animals!'  panawagang totoo - gregoriovbituinjr. 03.10.3035 * ulat mula sa pahayagang Remate, Marso 8, 2025, p.8

Pag-asa

Imahe
PAG-ASA habang may buhay ay may pag-asa lahat ay pagbabakasakali kailangan lamang kumilos ka upang makamtan ang minimithi habang may buhay ay may pag-asa kaytagal na nitong kasabihan na nababatid pa rin ng masa sa pagharap sa kinabukasan kayhirap mawalan ng pag-asa lalo na't dama mo'y laging bigo sa harap ng tambak na problema ay walang kalutasang mabuo habang may buhay ba'y may pag-asa? iyan ang panghahawakan natin baka mayroong bagong umaga at mga problema'y malutas din - gregoriovbituinjr. 03.09.2025 * larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 9, 2025, p.11

Panawagan sa plakard

Imahe
PANAWAGAN SA PLAKARD simpleng panawagan ang nasa plakard na tangan ng isang kababaihan na dapat maunawaan at dinggin nang malutas ang mga suliranin ng masa sa kaharap na usapin "Trabaho at Kabuhayan, Ngayon Na!" at  "Kabuhayan Para sa Lahat"  pa pati  "Paalisin ang Korporasyong Palakaya sa Fifteen Kilometrong Municipal Waters!"  ako'y sang-ayon halina't dinggin ang kanilang tinig at samahan silang magkapitbisig lutasin ang mga nariyang isyu karapata'y ipaglabang totoo hanggang isyu nila'y maipanalo - gregoriovbituinjr. 03.09.2025 * litratong kuha ng makatang gala noong Araw ng Kababaihan, malapit sa Mendiola

Isa na namang mental health problem na krimen

Imahe
ISA NA NAMANG MENTAL HEALTH PROBLEM NA KRIMEN ay, grabe talaga ang tampok na balita na krimen sa kapatid na nakababata kapatid na tatlong taon lang ginahasa ng kanyang kuya, ulat na nakabibigla labing-anim na taon ang suspek na praning ginawa ang krimen nang siya na'y malasing may mental health problem ba't ang utak na'y himbing? napagtripan ang kapatid imbes nilambing? batang babae'y kaawa-awa nga roon hustisya sana'y makamtan ng batang iyon nadakip ang suspek na tiyak makukulong baka kaya nagawa sa droga pa'y lulong may Republic Act na tayo, ang Mental Health Act subalit kayrami pa ring napapahamak marami pa ring ganyang krimen ang palasak sugat ay di maghilom, tuloy ang pag-antak - gregoriovbituinjr. 03.09.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, 03.09.2025, p.1 at 2, at pahayagang Pilipino Star Ngayon, 03.09.2025, p.9 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of  Enhancing the Delivery of Integrated Mental H...

Uulan na naman

Imahe
UULAN NA NAMAN madilim ang kalangitan nagbabadya ang pag-ulan tulad ng inaasahan tila may bagyo na naman baka bumuhos na tunay ang ulan kaya sinampay agad pinasok sa bahay habang aking naninilay: kung may parating na sigwa kung sakali mang bumaha kahit paano'y maghanda upang di rin matulala ganyan naman taon-taon tayo ba'y sanay na doon? magsisimula sa ambon hanggang lumakas na iyon dapat batid ang gagawin kung paano di lamunin ng unos ang bahay natin o saan lilikas man din - gregoriovbituinjr. 03.09.2025

Raliyista kanina, ngayon ay labandero

Imahe
RALIYISTA KANINA, NGAYON AY LABANDERO raliyista kanina, ngayon ay labandero ganyan nga ang aktibistang Spartan tulad ko matapos ang rali, may iba pang misyon tayo may mga toka roon at may toka pa rito bukod sa bayan, pamilya'y inaasikaso kailangang maglaba, magkusot, at magbanlaw saka naman isusunod yaong pagsasampay mabuti kung iyon pa'y mainitan ng araw kasama talaga ang paglalaba sa buhay upang may suutin pag mainit o maginaw pag natuyo naman, tuloy ang pakikibaka para sa makataong lipunan at hustisya may maayos tayong suot pagharap sa masa may respeto sa atin ang inoorganisa mapakitang marangal ang mga aktibista - gregoriovbituinjr. 03.08.2025

Ngayon pong Araw ng Kababaihan

Imahe
NGAYON PONG ARAW NG KABABAIHAN  ngayon pong Araw ng Kababaihan  ako'y taaskamaong nagpupugay sa mga ilaw ng bawat tahanan sa lahat ng lola at mga nanay babae kayong nagluwal sa amin nag-alaga, nagpasuso ng gatas nagpalaki, nagmahal, nagpakain gabay namin sa maayos na landas kayo'y mga asawang iniibig di sinasaktan pagkat minamahal kayo ang kalahati ng daigdig kayong sa mundo'y bumuhay, nagpagal kayo'y lola, ina, tiya, kapatid, pinsan, kaklase, katrabaho, mare, kayong pag-ibig ang inihahatid kayo'y Gabriela, Oriang, bayani salamat po sa inyong sakripisyo mula sinapupunan, nag-aruga maraming salamat, nariyan kayo na mga ginawa'y sadyang dakila - gregoriovbituinjr. 03.08.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/v/1Gpe23Vv9k/  

97-anyos, lalahok sa rapid chess

Imahe
97-ANYOS, LALAHOK SA RAPID CHESS edad na siyamnapu't pitong anyos ay isa nang malaking gantimpala iyon pa kayang lalaban kang lubos sa chess, aba'y sadyang kahanga-hanga pagpupugay sa iyo, Tatay Domeng na tatlong taon pa'y sandaan ka na ilalabas mo pa ang iyong galing sa torneo ng chess sa Marikina nawa'y makamit mo sa iyong edad ang unang pwesto sa larangan ng chess pag nagkampyon ka, tunay kang mapalad lalo't laro ng utak ang ahedres salamat, isa ka nang inspirasyon upang tularan ka ng kabataan maabot ang edad mo'y aking layon kaya sa chess ako na'y ginanahan - gregoriovbituinjr. 03.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Marso 7, 2025, p.12

Sa Araw ng Kababaihan

Imahe
SA ARAW NG KABABAIHAN pakikiisa ko'y mahigpit sa  Araw ng Kababaihan sasama ako't igigiit kanilang mga karapatan bukas ay dadalo sa rali upang ipagdiwang ang Araw ng magigiting na Babae at sila rin ang bumubuhay sa mamamayan ng daigdig silang kalahati ng mundo sila ang pusong nagpapintig sa akin, sa masa, sa tao lola, ina, tiya, kapatid, asawa, kasintahan, guro, sa bawat babae ang hatid ko'y pagpupugay, buong-buo at sa Dakilang Araw nila kalalakiha'y kikilos din kapitbisig at sama-sama na lipunang ito'y baguhin - gregoriovbituinjr. 03.07.2025

Pag-ambag ng dugo

Imahe
PAG-AMBAG NG DUGO bilang aktibista, nais kong makatulong sa aking kapwa, kahit magbigay ng dugo para sa nangangailangan, nilalayon kong ang masa'y maging malusog, di tuliro makapag-ambag ng dugo'y magandang gawâ di lang pulos pakikibaka sa kalsada malaking tulong sa karaniwan mang dukhâ lalo na't dugo pala'y kailangan nila simpleng gawa, simpleng misyon sa sambayanan kaya nang sa Farmers, Cubao ay makita ko na may Blood Donation Drive ay nagkusa naman bilang tibak ako'y agad nagboluntaryo upang sa sinuman dugo ko'y maisalin dahil saksi ako sa aking misis noon sa ospital, sa unang araw pa lang namin dugong tatlong bag sinalin kay misis doon kaya pagbibigay ng dugo'y naidagdag sa aking misyon dito sa mundong ibabaw kaysarap sa pakiramdam na may naambag sa kapwa upang makapagdagdag ng búhay - gregoriovbituinjr. 03.06.2025 * litratong kuha sa Blood Extraction Area ng Philippine Red Cross QC Chapter sa Farmer, Cubao, Marso 6, 2025

Unang 50,000 puntos sa kasaysayan ng NBA

Imahe
UNANG 50,000 PUNTOS SA KASAYSAYAN NG NBA si Lebron James ay lumikha ng kasaysayan nang ikalimampung libong puntos ay nagawa sa isports na basketbol na kanyang larangan na ikinatuwa ng mga tagahanga nangyari iyon sa laban ng Los Angeles Lakers kontra New Orleans Pelicans na tambak ng higit dalawampung iskor, na mabilis ang katunggali'y sa alikabok sinadlak nilampasan niya si Kareem Abdul Jabbar na puntos ay tatlumpu't walong libong higit kay Lebron James naman ay matinding paandar na unang limampung libong syut ay nakamit pagpupugay kay Lebron James sa nakamit niya sa NBA regular season pa talaga - gregoriovbituinjr. 03.06.2025 * NBA - National Basketball Association * ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Marso 6, 2025

Isa nang alamat si Rubilen Amit

Imahe
ISA NANG ALAMAT SI RUBILEN AMIT tulad ni Efren "Bata" Reyes si Rubilen Amit sa pandaigdigang kumpetisyon nakapagkamit ng koronang naipagwagi sa labanang gitgit at nakilala na ang husay niya't takong bitbit nasungkit ni world billiard champion Amit ang korona ng Women Challenge of Champions sa Las Vegas, Nevada na patunay sa husay ng atletang Pilipina premyong labinlimang libong dolyar ay nakamit pa tulad ni Efren, si Amit ay isa nang alamat na mga ipinakita'y sadyang nakagugulat sa ambag sa bilyar, taospusong pasasalamat at pangalan ng ating bansa'y muling iniangat sa iyo, Rubilen Amit, mabuhay ka! MABUHAY! makatang ito sa iyo'y talagang nagpupugay! * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 27, 2025, p.12, at pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 2, 2025, P.12

Ang dapat maluklok

Imahe
ANG DAPAT MALUKLOK katatapos lang ng bayan sa paggunitâ sa anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa isang aral na nakita ko'y maging handâ kung sakali mang mag-alsa muli ang masa napagnilayan ko ang uring manggagawà, maralita, kababaihan, magsasaka mga inang dahil sa tokhang lumuluhà ay, paano ba babaguhin ang sistema kung ang Pag-aalsang Edsa'y muling mangyari dapat dahil sa pagbabagong ating mithi dahil ang mapagsamantala't mapang-api ay dapat mawala't di na makapaghari wasto lang na tunguhin nati'y tamang landas kung saan wawakasan ang sistemang bulok itatag natin ang isang lipunang patas at mula uring manggagawa ang iluklok - gregoriovbituinjr. 03.06.2025

Maaliwalas na umaga

Imahe
MAALIWALAS NA UMAGA maaliwalas ang umaga na nagbibigay ng pag-asa upang nagdaralitang masa ay patuloy na makibaka nang asam na hustisya'y kamtin na iyon ang pangarap man din na pati presyo ng bilihin ay tuluyan nang pababain ang umaga'y maaliwalas na tanda ng magandang bukas at tumungo sa nilalandas na asam na lipunang patas hayo, magpatuloy sa layon dukha't obrero'y magsibangon tuparin ang yakap na misyon nang bagong sistema'y matunton - gregoriovbituinjr. 03.05.2025

Suot ang bota kapag namatay

Imahe
SUOT ANG BOTA KAPAG NAMATAY kung sakali mang ako'y matsugi nais kong tangan pa rin ang mithi na magwagi ang mga kauri na baguhin ang sistemang imbi di ang mamatay sa katandaan di ang maratay sa karamdaman mas nais kong mamatay sa laban tungong pagbabago ng lipunan may isang popular na idiom sabi'y  "I'd like to die with my boots on." iyan din ang aking nasa't layon hanggang maipagwagi ang misyon mamatay sa misyon ay kaytamis isang halimbawa ay kaparis ng pagkapaslang kay  Archimedes na isang mathematician sa Greece ito ako, karaniwang tao kapiling ng masa at obrero tagumpay sana'y masilayan ko habang naririto pa sa mundo - gregoriovbituinjr. 03.05.2025 * mula sa Wikipedia:  "To "Die with your boots on" is an idiom referring to dying while fighting or to die while actively occupied/employed/working or in the middle of some action. A person who dies with their boots on keeps working to the end, as in "He'll never quit—he'll die wi...

Ayaw isuko ang 'Bataan'

Imahe
AYAW ISUKO ANG 'BATAAN' isang metapora yaong nabasa naman pananalitang nangyari sa kasaysayan nasa pamagat ng ulat sa pahayagan: sabi'y  "Arvin ayaw pa isuko Bataan" panahon noon ng pananakop ng Hapon nang Bataan ay bumagsak sa mga iyon naiba naman ang paggamit nito ngayon ginamit sa basketbol ang salitang yaon sa unang tatlong laro'y pulos sila talo ngunit umaasa si Arvin Tolentino ng Batang Pier sila rin ay mananalo ayaw isuko ang 'Bataan' ay positibo hanggang ngayon, Bataan ay huwag isuko taga-Bataan man at Pinoy, di susuko lalabanan ang mananakop at hunyango itataguyod ang laya saanmang dako - gregoriovbituinjr. 03.04.2025 * batay sa ulat sa pahayagang Abante, Marso 4, 2025, p.8

Tinuhog kaya bali ang pakpak

Imahe
TINUHOG KAYA BALI ANG PAKPAK matitinding pamagat sa mga balita sa volleyball, kaytindi ng paglalarawan: "Tin, Lady Tams tinuhog Eagles"  ang ulat nga at  "Blue Eagles bali ang pakpak sa Lady Tams" umuunlad na ang mga mamamahayag sa pananalita nilang may metapora kakaiba na ang kanilang pagbubunyag tila sila'y makata sa literatura Lady Tamaraws  ang volleybelles ng  FEU ang tamaraw yaong may sungay na pantuhog Lady Blue Eagles  nama'y volleybelles ng  AdMU ang agila kung lumipad ay anong tayog paglalarawang ito'y pang-agaw atensyon kaya balita nila'y kaysarap basahin na pumupukaw sa ating imahinasyon pag-uulat nila'y tutunghayan na natin - gregoriovbituinjr. 03.04.2025 * FEU - Far Eastern University * AdMU - Ateneo de Manila University * "Tin, Lady Tams tinuhog Eagles" mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 3, 2025, p. 8 * "Blue Eagles bali ang pakpak sa Lady Tams" mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 3, 2025, p. 8

Sa pagtatagumpay

Imahe
SA PAGTATAGUMPAY maraming dapat gawin upang magtagumpay sa ating buhay, sa bahay, sa hanapbuhay anumang suliranin ang nakabalatay ay malalampasan kapag tayo'y nagsikhay ang buhay nati'y di pulos laban at galit dahil sa mga karapatang pinagkait dahil binubusabos na ang maliliit kundi mayroon ding panahon ng pag-awit buhay ay punong-puno ng pakikibaka lalo na't hanap ay panlipunang hustisya paano wakasan ang mga dinastiya na isang dahilan ng bulok na sistema magtatagumpay lang tayo sa minimithi kung sama-samang kikilos ang ating uri upang wakasan na ang sangkaterbang hikbi dahil sa kagagawan ng kuhila't imbi - gregoriovbituinjr. 03.03.2025

Esensya

Imahe
ESENSYA matagal ko nang itinakwil ang sarili upang sa uri at sa bayan ay magsilbi lalo na't ayokong maging makasarili sapagkat buhay iyong di kawili-wili mabuti pa ngang magsilbi tayo sa masa magsilbi sa maliliit, di sa burgesya labanan ang mga kuhila't dinastiya kahulugan ng buhay ay doon nakita esensya ng buhay tuwina'y nalilirip kapiling ng masa't dukhang dapat masagip mula sa hirap, ginhawa ba'y panaginip? tibak na tulad ko'y kayraming nasa isip uring manggagawa, hukbong mapagpalaya ang laging isinisigaw ng aking diwa manggagawa't magsasaka ang mapagpala na sana'y magtagumpay sa inaadhika - gregoriovbituinjr. 03.03.2025

Pipino at mansanas

Imahe
PIPINO AT MANSANAS iyon lang ang pananghalian niya pipino at mansanas lang talaga istabilidad ay hinahanap pa kung anong wastong pagkain sa kanya kaytagal, hanggang ngayon hinahanap kung anong sanhi ng sakit at hirap tatlong testing na, wala pa ring ganap ang mga doktor na'y nagsusumikap doon sa ospital na mamahalin sanhi'y di pa batid, ano ang lihim ng sakit na nagpahirap pa man din sa kabila ng milyong tumaginting kinain niya'y pipino't mansanas baka maibsan ang sakit na danas baka ito ang kailangang lunas baka... baka?! baka siya'y lumakas - gregoriovbituinjr. 03.02.2025

Ang nanilay

Imahe
ANG NANILAY sa totoo lang ay nais kong huwag nang magising at masaksihan ang pamimilipit mo sa sakit ang pinapangarap ko'y tuluyan ka nang gumaling mawala na ang tuwi-tuwina'y pamimilipit apektado na rin ang buo kong pangangatawan na binabalewala ko lang, inuuna kita nawa'y lumakas ka na't bumuti ang kalusugan nais kong mawala na ang sakit mong dinurusa sa ngayon, nilalakasan ko lang ang aking loob puso ko ma'y lumuluha dahil sa iyong lagay sa mga gawain man at trabaho, ako'y subsob naririto pa rin akong sa iyo'y nagbabantay habang may buhay, may pag-asa, anang matatanda na payo at gabay sa matagal na pagtalunton sa daigdig na puno ng talahib na sariwa upang kumilos pa rin at tuluyang makabangon - gregoriovbituinjr. 03.01.2025

Ang pinutol na puno sa EDSA

Imahe
ANG PINUTOL NA PUNO SA EDSA naraanan ko'y isang putol na puno sa EDSA na napapalibutan ng semento sa bangketa ano kaya ang kwento sa likod ng kwento nito? ang puno kayang pinutol dito'y ginawang troso? kung nilipat naman ang puno ay saan nalipat? subalit hindi, pagkat naiwan doon ang ugat! balewala na lang siya sa mga nagdaraan o baka makatisod, sanhi ng kapahamakan... marahil, mayroong kasaysayan doong natago na hindi ko alam kung atin pa bang mahahango naging saksi ba sa himagsikan ang punong iyon? ng mga Katipunero o panahon ng Hapon? sakaling punong iyon ay makapagsasalita ay kayrami nang kwento ang ating maitatala bakas na lamang niya yaong naiwan sa atin ugat na pinanatili't anong pamanang angkin? - gregoriovbituinjr. 03.01.2025

Ang mensahe sa plakard

Imahe
ANG MENSAHE SA PLAKARD nakunan ko'y isang mahalagang mensahe sa anibersaryo ng pag-aalsang Edsa "Marcos-Duterte Panagutin!"  yaong sabi at  "Baguhin ang sistema, hindi ang klima!" sa nakasaad sa plakard ako'y sang-ayon na ginawang gatasan ang kaban ng bayan pinakamasahol na badyet ngayong taon higit sangmilyon sang-araw ang ginastusan di mapigil ng dinastiyang pulitikal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin tinig ng taumbayan na'y gumagaralgal nais nilang sistemang bulok na'y putulin tatlong bente pesos na ang kilo ng bigas mabuti't UniThieves na'y nagkawatak-watak dapat mahalal na pinuno'y yaong patas upang taumbaya'y di gumapang sa lusak - gregoriovbituinjr. 03.01.2025 * litratong kuha ng makatang gala noong 02.25.2025 sa Edsa Shrine kasabay ng ika-39 anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa

Ang panulat

Imahe
ANG PANULAT pluma ko'y di hihinto sa panitikang tanto saknungan ay binuo mula danas sa mundo pluma ko'y di titigil tadtad man ng hilahil magsalita ma'y garil o kaya'y nanggigigil laging magsisiwalat ng anumang naungkat upang ang nagsasalat ay sakaling mamulat matamis ang salita maasim ang sikmura buhay man ay mapakla patuloy sa pagkatha - gregoriovbituinjr. 03.01.2025