Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2025

Look Forward tayo kay Attorney Luke

Imahe
Look Forward tayo kay Attorney Luke Lider-manggagawa siyang subok Sa Senado ay ating iluklok Lalo 't sistema'y di na malunok Iboto natin,  Luke Espiritu Na dapat maupo sa Senado Siya ang kailangan, Bayan ko Tungo sa tunay na pagbabago! - gregoriovbituinjr. 02.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/xVuJe1tdSQ/

Dahil sa political dynasty

Imahe
Dahil sa political dynasty  Trapo sa masa'y di nagsisilbi Pulos ayuda lang sa kakampi Upang mabago ang nangyayari Iboto natin si Ka Leody Para Senador ng ating bansa  Tiyak na siya'y may magagawa  Sa isyu ng manggagawa 't dukha Iboto ang Senador ng madla Si  Ka Leody de Guzman  na nga! - gregoriovbituinjr. 02.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/xVoYOxfcWS/  

Ang mga nalilirip

Imahe
ANG MGA NALILIRIP iniisip ko pa ring kumatha ng nobelang tatatak sa madla inspirasyon ang danas ng dukha upang sa hirap ay makalaya nagsasalimbayan ang nalirip na paksang umaalon sa isip pati mga isyung halukipkip upang masa sa dusa'y masagip bawat pagkatha'y di isusuko kahit ang nadarama'y siphayo pinangarap sana'y di gumuho at ang asam na akda'y mabuo nawa'y masimulan at matapos ang nobela hinggil sa hikahos wakasan na ang pambubusabos ng sistemang sa dibdib umulos - gregoriovbituinjr. 02.21.2025

Nang-hostage dahil di ibinigay ang sahod

Imahe
NANG-HOSTAGE DAHIL DI IBINIGAY ANG SAHOD grabeng isyu itong dapat mabigyang pansin hinggil sa isang obrerong kayod ng kayod binalewala siya ng amo pa man din kaya nang-hostage nang di binigay ang sahod bakit ba isyu'y pinaabot pa sa ganyan kaytindi ngang ulat kung iyong mababasa ang kanyang lakas-paggawa'y ayaw bayaran ng employer niyang tila ganid talaga hinabol pa siya ng kapwa empleyado upang pagtulungan, upang siya'y itaboy doon humingi ng tulong ang kanyang amo di malaman ang gagawin, nang-hostage tuloy hanggang mga pulis na ang nakipag-usap na nag-ambagan nang sahod niya'y mabuo manggagawang di binayaran, di nilingap ay napiit na't nag-sorry nang buong puso sahod naman niya ang kinukuhang tiyak upang kanyang pamilya'y di naman magutom hinihingi niya'y para sa mga anak komento ko lang sa isyu'y kamaong kuyom - gregoriovbituinjr. 02.20.2025 * ulat mula sa pahayagang Tempo, Pebrero 20, 2025, p.5

February 20 - World Day of Social Justice

Imahe
PEBRERO 20 - WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE dapat may hustisya para sa lahat para sa makataong komunidad at para sa buhay na may dignidad para ang ating bansa'y may pag-unlad Pebrero a-Bente, Pandaigdigang Araw ng Katarungang Panlipunan isang araw na nararapat lamang alalalahanin nating mamamayan tulad nito ang mahalagang isyu ng Araw ng Karapatang Pantao hustisya'y dapat makamit ng tao lalo yaong mga naagrabyado wakasan na ang pagsasamantala ng ilan sa nakararaming masa ipaglaban, panlipunang hustisya at baguhin ang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 02.20.2025

Ang makatang Percy Bysshe Shelley

Imahe
ANG MAKATANG PERCY BYSSHE SHELLEY hanga rin ako sa makatang Percy Bysshe Shelley pagkat siya'y makatang radikal na masasabi mithi kong tula niya'y isalin sa ating wika upang mga katha niya'y mabasa rin ng madla may nakita akong aklat siya ang tinalakay di pa mahiram sa opis na pinuntahang tunay radikal mag-isip lalo't itinaguyod naman pantay na pamamahagi ng yaman sa lipunan ang kanyang aktibismo't mga akdang pulitikal ay mababasa kung gaano siya ka-radikal napagnilayan din niya noon ang Rebolusyong  Pranses, pati na ang pamumuno ni Napoleon sumuporta sa himagsik laban sa monarkiya sa Espanya, pati nang mga Griyego'y mag-alsa laban sa imperyong Ottoman, makatang idolo na itinuturing na sosyalista katulad ko  sana'y mahiram ko't mabasa ang libro sa opis na sana'y di anayin o kainin lang ng ipis mahalagang talambuhay niya'y aking manamnam inspirasyon siya kaya libro'y nais mahiram - gregoriovbituinjr. 02.19.2025

Huwag nang iluklok ang walang nagawa

Imahe
HUWAG NANG ILUKLOK ANG WALANG NAGAWA wala raw nagawa ang kapitan ang puna ng isang mamamayan nais ng anak pumalit dito pag natapos na raw ang termino simpleng puna lang ng Mambubulgar katotohanang nakakaasar ganito'y hahayaan lang natin? sila pa ba ang pananalunin? tila komiks ay nagpapatawa ngunit hindi, komiks ay konsensya ng bayan at mga naghihirap dahil nakaupo'y mapagpanggap pangako, bayan daw ay uunlad subalit progreso'y anong kupad matuto na tayo, O, Bayan ko huwag nang iluklok iyang trapo - gregoriovbituinjr. 02.18.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, 02.18.2025, p.4

Balaw

Imahe
BALAW bagong salita sa akin bagamat luma na nasa palaisipan: Walo Pababa tanong: ilaw o sulo para sa taong nasa madilim na landas, sagot ay  BALAW  pala ang "nasa madilim na landas" ba'y karimlan? kaya  balaw  yaong gagamiting ilawan o iyon ay isang talinghagang nawatas na nangangahulugang "naligaw ng landas" balaw  ba'y isang gabay, patnubay, o payo upang naligaw ng landas ay mapanuto paano iyon ginamit sa pangungusap? "Sindihan ang  balaw , karimlan na'y laganap" dagdag kaalaman sa makatang tulad ko na adhika'y gamitin sa tula ko't kwento ang  balaw  ding ito sa akin ay nagmulat upang tuntunin ang minulan ng alamat - gregoriovbituinjr. 02.18.2025 * palaisipan sa pahayagang Bulgar, Pebrero 17, 2025, p.11

Ipon sa tibuyô

Imahe
IPON SA TIBUYÔ sa bote ng alkohol na ginawa kong tibuyô pinagtipunan ng baryang sampû at benteng buô nakatatlong libong piso rin nang aking binuksan na akin namang inilagak sa bangko ng bayan mabuti na ring mag-ipon sa tibuyô ng barya kung kinakailangan, may mabubunot talaga may pangmatrikula na sakaling ako'y mag-aral may pambayad din pag nadala ako sa ospital sadyang kayhirap pag wala kang anumang naipon kaya pag-iipon ay isa kong malaking layon lalo't aktibista akong pultaym at walang sahod pag may kailangan, ayoko namang manikluhod kaya mag-ipon sa tibuyô hangga't kakayanin habang malakas pa't obal ay kaya pang takbuhin ayoko namang pag gurang na'y manghingi ng limos kaya ngayon pa lang, nag-iipon na akong lubos - gregoriovbituinjr. 02.17.2025

Nilay

Imahe
NILAY kung anu-ano ang nalilirip o marahil walang nasa isip mga problemang dapat masagip o pulitikang dapat mahagip sa kisame'y muling titingala baka lang makasagap ng paksa ano bang pakinabang ng madla sa tula? wala na nga ba? wala? pipilitin kong makapagsulat ng anumang makapagmumulat paksang magaan man o mabigat o yaong paksang nakagugulat bagamat tuliro man sa bahay tulala ang makata ng lumbay patuloy lang akong magninilay upang puso't diwa'y mapalagay - gregoriovbituinjr. 02.17.2025

Paumnahin at di makakadalo

Imahe
PAUMANHIN AT DI MAKAKADALO nais ko sanang saksihan ang proclamation rally ng pambato sa Senado, na sina  Ka Leody de Guzman  at  Ka Luke Espiritu  mamayang gabi subalit may sakit si misis, di ako puwede madaling araw nagtungo na sa unang ospital walang kama, na-dextrose sa upuan, di nagtagal ay lumipat na kami sa ikalawang ospital may higaan, habang naka-dextrose ang aking mahal isusulat ko sana sa pahayagang  Taliba ng Maralita  ang proklamasyon ng manggagawa at ating isigaw: M anggagawa Naman!  sa madla nais ko man ay di ako makasaglit mamaya ako lang kasama ni misis sa bahay at buhay inuna ko siya upang loob ko'y mapalagay gayunman, proklamasyon sana'y maging matagumpay at sa mga dadalo, mabuhay kayo! mabuhay! - gregoriovbituinjr. 02.16.2025

Reseta

Imahe
RESETA kaytagal din namin noon sa pribadong ospital madaling araw nang tiyan ni misis ay sumakit dinala ko na siya sa pampublikong ospital buti't mababa ang bill sa ospital na malapit bago iyon, kagabi ay kumain sa kasalan ramdam naming kayganda't kaysaya, may kantahan pa at umuwi kami, natulog sa aming tahanan nagising na lamang akong siya'y suka ng suka anong sakit ng tiyan, kami'y nagpaospital na subalit walang kama, puno sa unang ospital matapos ma-dextrose ng nakaupo, na-discharge na nakahiga na siya sa ikalawang ospital may bagong resetang ibinigay ng manggagamot upang mawala ang sakit, agad binili ito sabi sa sarili, kalma lang, di dapat manlambot di iiwan si misis ang sa kanya'y pangako ko - gregoriovbituinjr. 02.16.2025

Paksa

Imahe
PAKSA kahit natutulala patuloy ang pagtula anumang naitala di binabalewala makata ng lansangan ako kung maturingan hinggil sa sambayanan ang paksang tangan-tangan dibdib ay napupunit ng aleng kumalabit para sa baryang hirit buti't di nang-uumit ang kamao ko'y kuyom dahil kayraming gutom bibig ko man ay tikom pluma ko'y di uurong titingin sa kisame sa diwa'y may mensahe paksang nakabibingi sa tula sinasabi - gregoriovbituinjr. 02.16.2025

Nadakip si Kupido

Imahe
NADAKIP SI KUPIDO sa komiks lang nakita ito at napasaya akong sadya nadakip kasi si Kupido sapagkat may hawak na pana naka-brief lang, kaya hinuli baka may pusong mapadugo baka makapanakit kasi sa sinumang nasisiphayo ayon daw sa mitolohiya layunin niya ang panain ang dalawang pusong nagkita upang bawat isa'y ibigin datapwat sa panahon ngayon si Kupido'y alamat na lang patuloy man ang kanyang misyon sa komiks na'y kinatuwaan - gregoriovbituinjr. 02.15.2025 * mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 14, 2025, p.7

Tula lang ng tula

Imahe
TULA LANG NG TULA madalas mang zero o walang like ang mga tula di iyon dahilan upang tumigil sa pagkatha masakit mang walang pumapansin sa nalilikha ay di pa rin ako titigil sa pagmamakata sa Noli Me Tangere nga'y may magandang pinayo kay Crisostomo Ibarra si Pilosopo Tasyo sa Kabanata Dalawampu't Lima'y nakukuro di pangkasalukuyan ang mga akdang nahulo baka sa hinaharap, mga tula ko'y matanggap ng madla, dahil ito'y talaga kong sinisikap na kathain mula puso, diwa't pinapangarap na lipunang makatao, at walang mapagpanggap habang narito ako't marami pang naninilay wala mang mag-like ay tutula pagkat tula'y tulay tungo sa hinaharap na walang hirap at lumbay tula lang ng tula at sa tula'y magpakahusay - gregoriovbituinjr. 02.15.2025

Pagtatanggol sa sarili

Imahe
PAGTATANGGOL SA SARILI bata pa'y nakilala na si Bruce Lee mga akda niyang libro'y binili hinggil sa JiKunDo, pati na sine niya'y pinanood ko at nawili sumunod, pelikula ni Jackie Chan walang aklat niya akong nalaman pagsusulat ba'y di nakagawian kundi panoorin lang sa sinehan nariyan din sina Jet Li, Samo Hung, at marami pa, kung sila'y magsabong tila sa kalaban di umuurong sa sarili ako'y napapatanong kung fu nila ay nais kong basahin kanilang akda'y tiyak kong bibilhin aralin, suriin, sanayin, gawin nang sarili'y maipagtanggol natin bata pa'y inaral na ang tae kwon do may YawYan din ang mga Pilipino na si Nap Fernandez ang guro nito kay Bruce Lee, salamat sa iyong libro - gregoriovbituinjr. 02.15.2025

Anong oras ka uuwi?

Imahe
ANONG ORAS KA UUWI? anong oras ka uuwi? tanong ni misis na sinasagot ko nang may buong pagsuyo ikapito ng gabi, tugong walang mintis kaya pagsasama'y nananatiling buo natural lang o likas ang tanong ng sinta pag siya'y wala pa, ako'y nagtatanong din ganyan talaga, lalo't kami'y mag-asawa na sumumpang bawat isa'y pakamahalin nag-aalala rin ang pusong di palupig kung isa sa ami'y wala pa sa tahanan pag di pa nakita ang sintang iniibig dapat mabatid kung isa't isa'y nasaan ganyan ang buhay may-asawa, naghihintay, nagmamahalan, nagsusuyuan palagi pag pagsinta'y nawala, iba na ang bahay wala nang tanong: anong oras ka uuwi? - gregoriovbituinjr. 02.14. 2025 * litrato mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 13, 2025, p.7

Dalawang sagot sa isang sudoku

Imahe
DALAWANG SAGOT SA ISANG SUDOKU ilang beses ko nang nakaenkwentro dalawang sagot sa isang sudoku doon nga'y salitan ang dos at otso parehong tama kapag binuo mo ganyang sudoku ay bihira naman pagkat madalas, sagot ay isa lang kaya natutuwa akong pagmasdan at pagsusuri'y binalik-balikan blangko sa litrato'y pagmasdan mo na nasa pang-apat at panglimang linya ilagay mo man ang otso sa una numero dos naman sa pangalawa subukan mong salitan ang otso't dos alinman sa dalawa'y di ka kapos tiyak sudoku'y iyong matatapos at makikitang tama iyong lubos - gregoriovbituinjr. 02.14.2025 * sudoku mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 13, 2025, p.7

Pusong gising

Imahe
PUSONG GISING anibersaryo ng unang kasal binasbasan ng meyor ng Tanay pampitong taon, ganyan katagal sumpa'y magsasama habambuhay nananatiling gising ang puso at patuloy itong sumusuyo tila puso'y kapara ng ginto na pag-ibig ay di maglalaho sa Araw ng mga Puso noon nang dalawang puso'y sumang-ayon na bigkisin sa iisang layon ang pagsasama hanggang maglaon anumang suliraning dumating ang iwing puso'y di mahihimbing araw man o gabi, pusong gising itong patuloy na maglalambing - gregoriovbituinjr. 02.14.2025

Pusang antok

Imahe
PUSANG ANTOK madaling araw na, iidlip na aba'y malapit nang mag-umaga sa kompyuter pa'y tipa ng tipa ang alaga'y antok ding talaga nariritong kami'y naghihikab tandang dapat matulog nang ganap nang tahiin ang mga pangarap na sa diwa't puso'y nag-aalab si alaga'y aking pinagmasdan na malaking karton ang higaan ano kaya kung siya'y bidyuhan artista siyang muli pag ganyan mamaya, alarm clock na'y tutunog habang nadarama na ang hamog buti pa'y pumikit na't matulog may tula na namang ihahandog - gregoriovbituinjr. 02.14.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/xK0bhCr-1W/  

Lasi

Imahe
LASI Tatlumpu Pahalang, ang tanong: Pagtastas ng dahon sa buto katanungang animo'y bugtong pababa muna'y sinagot ko LASI ang sagot na lumabas sa diksyunaryo ay tiningnan anong kahulugang nawatas ano bang nakasaad diyan uri ng kabibe rin pala balakubak sa medisina pagbiyak sa kahoy o tabla gilagid sa anatomiya tila malapit ang tanong sa ikatlong kahulugan niyon: pagbiyak sa kahoy o tabla doon sa pagtastas ng dahon bagamat magkaibang sadya dagdag kaalaman sa diwa kaya natanto kong salita ay gagamitin sa pagkatha - gregoriovbituinjr. 02.13.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Abante, Pebrero 9, 2025, p.7 * sanggunian: UP Diksiyonaryong Filipino, p.681

Pagbabasa sa madaling araw

Imahe
PAGBABASA SA MADALING ARAW naalimpungatan akong sadya nang may kumaluskos sa kusina tila ba naglalaro ang daga mula sa labas, nasok ang pusa at di na rin ako nakatulog pagkat nawala na rin ang antok sa pagbabasa na lang uminog ang mundo kong puno ng pagsubok hanggang aklat ay aking nagalaw nagbasa na sa madaling araw libro na ang aking kaulayaw dito'y may pag-asang natatanaw ngunit nais ko pa ring umidlip upang ituloy ang panaginip kung saan ako'y may sinasagip na sa tren ay muntik nang mahagip - gregoriovbituinjr. 02.13.2025

Depresyon

Imahe
DEPRESYON mula ikatatlumpu't siyam na palapag nang limampung anyos na babae'y lumundag marahil sa problema'y di napapanatag kaya nagawa nga iyon, kahabag-habag sa kalooban niya'y may problemang bitbit? agad tinapos ang buhay sa isang saglit ngunit may Mental Health Act na tayo, subalit mayroon pa ring nagpapatiwakal, bakit hanggang narinig na lang ng gwardyang naroon ang lagabog ng katawan ng babaeng iyon paano ba mababatid kung may depresyon ang isang tao upang tayo'y makatugon sapat ba ang Mental Health Act na ating batas upang dalahin nila'y magkaroong lunas upang kanilang suliranin ay malutas upang ang sarili nila'y di inuutas - gregoriovbituinjr. 02.12.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 7, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Tula'y tulay

Imahe
TULA'Y TULAY tula'y tulay ko sa manggagawa tulang kinatha ukol sa dukha tula upang umugnay sa madla kaya naritong nagmamakata dito natagpuan ang pag-ibig taludtod at saknong ang kaniig kinatha'y nilupak at pinipig kahit nakatihaya sa banig tahakin ma'y pitong kabundukan maging madawag na kagubatan nasa lansangan man o piitan kakatha't kakatha pa rin naman tula'y aking tulay sa daigdig bibigyang boses ang walang tinig kuhila't burgesya'y inuusig na hustisya ang pinandidilig - gregoriovbituinjr. 02.12.2025

Larga masa

Imahe
LARGA MASA dapat matibay ang larga masa upang mapanatag ang titira sa tahanang itinayo nila lumindol man, di madidisgrasya ayon sa isang diksiyonaryo: larga masa'y pinaghalong sukat na dami ng buhangin, semento,  graba't tubig, nang lalong tumibay ang gusali't bahay na tinayo o tulay at lansangang daanan matibay pala ang larga masa di lang ito para sa konstruksyon pag lumarga ang mulat na masa tutunguhin nila'y rebolusyon may matibay na pagkakaisa matatag na prinsipyo't pundasyon tara, masa, tayo nang lumarga baguhin ang bulok na sistema ibagsak ang gahamang burgesya, oligarkiya at dinastiya! - gregoriovbituinjr. 02.12.2025 * larga masa - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.680

Karahasan

Imahe
KARAHASAN pulos karahasan ang laman ng balita Grade 8 na nakipag-break, sinaksak ng Grade 10 sinaksak ng ex ni misis ang kanyang mister isang tatay ang sinuntok ng anak, patay taas-singil sa kuryente, pahirap sadya pawang karahasan ang bumungad na ulat lalong malala ang pananaksak ng kapwa sariling ama'y di na ginalang ng anak presyo ng kuryente'y pahirap na sa madla matitinding karahasan ang nababasa selos ba't init ng ulo kaya nanaksak bakit pinili nilang kapwa'y mapahamak presyo ng kuryente'y karahasang palasak ramdam ng masa'y pinagagapang sa lusak upang bayaran ang kuryente'y nasisindak pawang mental health problem ba ang pandarahas na ang di kayang emosyon ay nang-uutas ng kapwa imbes pag-usapan nang parehas gayong problema nila'y dapat nilulutas kung ganyan, di sapat ang Mental Health na batas - gregoriovbituinjr. 02.12.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 12, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Ac...

Tama ang ginawa ni Heart

Imahe
TAMA ANG GINAWA NI HEART binigyan daw ni Alden ng bulaklak si Heart nagpapahiwatig ng pag-ibig si Alden? aba'y bakit gayon? may asawa na si Heart akala ko ba'y mayroon na siyang Kathryn? mabuti na lang, maganda ang sagot ni Heart na relasyon sa kanyang asawa'y mabuti simple lamang ang tinugon kay Alden ni Heart: ibigay mo na lang 'yan sa ibang babae tingin ba ni Alden, siya'y makakaisa mapapaibig si Heart dahil siya'y pogi dahil pambansang bae, si Heart ay makukuha sagot ng ginang: naghuhumindig na hindi! batid ni Heart ang wasto niyang kalalagyan sapagkat di siya babaeng kaladkarin siya'y matino, tapat, may pinag-aralan at may mister siyang dapat pakamahalin - gregoriovbituinjr. 02.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, p.7

Ingat sa 'hospital bill scam'

Imahe
INGAT SA 'HOSPITAL BILL SCAM' mabuti't di kami na-scam sa ospital nang naroon pa kami ng asawang mahal ng apatnapu't siyam na araw, kaytagal buti't di naloko ng scam na kriminal ingat po sa bagong modus, O, kababayan magti-text sa pasyente upang mabayaran ang bill, inengganyong makaka-discount naman kapag nagbayad daw ang pasyente sa online pag nabayaran, maglalahong parang bula padala sa e-wallet, natangay nang sadya pati kausap ay tuluyan ding nawala sa ganyang modus, pinag-iingat ang madla labingsiyam na pala ang dito'y nadale huli'y nangyari sa ospital sa Makati pa'no nabatid ang detalye ng pasyente sinong mga kasabwat na dapat mahuli - gregoriovbituinjr. 02.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Basa-nilay

Imahe
BASA-NILAY hatinggabi, pusikit ang karimlan kayrami pa ring napagninilayan nais nang magpahinga ng isipan alalahani'y makakatulugan ngunit madalas, nagbabasa muna ng dyaryo, libro't isyung may halaga nagbabakasakaling may pag-asa ang masang talagang nakikibaka bago matulog, magninilay-nilay sa isang isyu ba'y anong palagay pag naghikab ay tutulog nang tunay nang bukas, masa'y muling makaugnay isyung sa diwa'y nakakakiliti ay sadyang inaaral, sinusuri kung ramdam ng masang isyu'y masidhi kumilos kita't alamin ang sanhi - gregoriovbituinjr. 02.10.2025

Paglalaba

Imahe
PAGLALABA matapos ang misyong pampulitika bilang isang pultaym na aktibista gawaing bahay naman, maglalaba ng maruruming damit ng pamilya ganyan lang ang buhay ng isang pultaym may pampulitikal at pantahanan matapos na makipagtalakayan sa masa, sunod naman ay labahan kukusutin ang maruming kuwelyo, kilikili't malibag na pundiyo aktibista'y isa ring labandero makata'y naglalaba ring totoo habang naglalaba ay naninilay ang samutsaring isyu't bagay-bagay matapos banlawan ay isasampay at bukas, sa masa'y muling uugnay - gregoriovbituinjr. 02.10.2025

Isaaklat na ang mga kinathang tula

Imahe
ISAAKLAT NA ANG MGA KINATHANG TULA ako ba'y isinilang upang magmakata upang araw gabi'y kumatha nang kumatha upang anumang nanilay ay itutula kahit madalas nakatunganga't tulala natanto kong ang pagtunganga'y trabaho rin tititig sa malayo, sa langit, sa dilim inuunawa anumang naroong lihim na nais tuklasin kahit na may panimdim minsan, sa pagtunganga'y may nadadalumat paksang pag napagtanto'y agad isusulat nagbabakasakaling ang masa'y mamulat tungong pantay na lipunang kanyang nasipat walang pera sa tula kung paisa-isa subalit kung isasaaklat, may halaga tipunin na ang mga tulang nakatha na aklat na nalathala, sa madla'y ibenta - gregoriovbituinjr. 02.09.2025

Ang maskot pala'y wisit

Imahe
ANG MASKOT PALA'Y WISIT salitang  MASKOT  pala ay  WISIT kung ang pangalan ng maskot ay BU ngalan ng dula: si BU, ang WISIT paumanhin sa bagong pauso ako nga'y napaisip sa tanong sa Dalawampu't Anim Pababa ang maskot ay tulad ni Pong Pagong, o ni Kikong Matsing, ni Mang Muta mabuti't ako'y may diksyunaryo at sinangguni ano ang  MASKOT WISIT  ang ibang salita nito kaya krosword na'y aking nasagot buti't nabatid ang kahulugan upang magamit ko sa pagkatha isa itong dagdag kaalaman para sa mga kwento ko't tula - gregoriovbituinjr. 02.09.2025 * krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 9, 2025, p.10 * mula sa UP Diksiyonaryong Filipino: maskot, pahina 766; wisit, pahina 1337

Kakasuhan dahil sa P241B singit sa badyet

Imahe
KAKASUHAN DAHIL SA P241B SINGIT SA BADYET singit sa badyet ng pamahalaan ay matagal na ring usap-usapan blangkong badyet umano'y tinapalan kaya heto mayroon nang kakasuhan two hundred forty one billion pesos na ang siningit ng mga kongresista anang ulat, nang ito'y mabisita kaya tama lang tao'y magprotesta sigaw nga: Mandarambong, Panagutin! Mandarayang Kongresista, Singilin! ang twenty twenty five budget, alisin! dinastiyang pulitikal, durugin! ito'y pinakamasahol daw na badyet na may mga blangko't kayraming singit pang-ayuda't pang-eleksyon, pinuslit? O, Bayan, di ka pa ba magagalit! - gregoriovbituinjr. 02.09.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 9, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Walang tibay ang gawang balasubas

Imahe
WALANG TIBAY ANG GAWANG BALASUBAS sementadong flood control project, dumausdos gumuho sa walang hintong buhos ng ulan magkanong pera ng bayang dito'y ginastos kontratista pala nito'y di nasilayan bakit ba walang tibay ang ginawang ito ilang mason ang naglinaw nang kausapin di kumapit ang semento, kulang sa bato di type A o type B ang mixing ng buhangin proyekto'y tinipid? o kaya'y kinurakot? kaya flood control project ay bumigay agad sinong responsable? sinong dapat managot? ilang milyong piso ang dito'y kinulimbat? anang ulat, pagkakagawa'y balasubas ilang lokal na kontratista pa'y blacklisted apatnapu't siyam na metro ang nalagas nalusaw na milyones sa bayan pa'y hatid - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, p.3

Isang kahig, isang tuka

Imahe
ISANG KAHIG, ISANG TUKA tulad daw ng manok / ang buhay ng dukha pagkat sila'y isang / kahig, isang tuka sa bawat pagkilos / ay kakaing sadya pag di nagtrabaho, / pagkain ay wala parirala itong / palasak sa bayan upang ilarawan / yaong karukhaan maagang gigising / at paghahandaan ang isang araw na / lalamnan ang tiyan kaya tinatawag / silang mahihirap ng tusong burgesyang / pawang mapagpanggap sangkahig, santuka'y / wala raw pangarap mga maralitang / walang lumilingap bawat kinikita'y / para sa pagkain di sa luho, gamit, / o anupaman din bawat pagkahig mo'y / pang-ngayong pagkain wala para bukas / at kakahig pa rin - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 6, 2025, p.7

Sinagasaan? Di nasagasaan?

Imahe
SINAGASAAN? DI NASAGASAAN? kaybigat ng ulat sa pahayagan: ang  "Traffic enforcer sinagasaan sa busway" , rider pa ang suspek diyan sinagasaan! di nasagasaan! ibig sabihin, iyon na'y sinadya bakit traffic enforcer kinawawa? galit ba sa kanya ang nanagasa? gustong makatakas ng walanghiya? naiinis sa trapik, naburyong na? may matinding mental health problem siya? mabigat na problema'y dala-dala? nang dumaan sa bawal na kalsada? nawalan ng preno, ayon sa rider kaya nadale ang traffic enforcer nang makapunta ng bike lane ang rider ay nakabangga pa ng isang biker enforcer ay nanakit na ang braso at likod, nasa ospital na ito rider nama'y sasampahan ng kaso ng hit-and-run, tiyak na kalaboso - gregoriovbituinjr. 02.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Kwento ng kwento

Imahe
KWENTO NG KWENTO talagang pinaghuhusayan ko ang pagkatha ng maikling kwento nagbabakasakali lang ako na makatha ang nobelang plano simulan muna sa kwentong munti subukan ang pabula o dagli paksa ko'y kontrabida ang hari at bayani'y yaong aping uri batay sa dinanas bilang tibak at sa mga gumapang sa lusak ideya't isyu nga'y tambak-tambak di mauubos ang bala't pitak basta ako'y katha lang ng katha diwa'y sinasanay sa paglikha balang araw, nobelang inakda sa taumbayan mananariwa - gregoriovbituinjr. 02.07.2025

Trapo kadiri

Imahe
TRAPO KADIRI dati pang-marginalized ang party list ngayon mga trapo ito'y pinuslit di naman marginalize, nagpumilit na party list na'y kanilang magamit magbabalot na raw ang isang donya isang artista'y nominee ng gwardya asendero'y nagkunwang magsasaka nominado rin ay kapitalista nababoy na ang party list na batas pinaikutan na ng mga hudas kinalikot ng mga balasubas kinutinting ng mga talipandas kayraming billboard upang matandaan ng botante ang kanilang pangalan ngunit babawiin sa mamamayan ang ginastos nilang trapong gahaman mga trapo kasi ang nominado dinastiya'y pinasok na rin ito dapat sa kanila'y huwag iboto iba naman, di ang kupal na trapo - gregoriovbituinjr. 02.07.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 6, 2025, p.4

Sawing puso, sawing buhay

Imahe
SAWING PUSO, SAWING BUHAY "Handa na akong mawala sa mundo" mensahe sa pesbuk ng taga-Tondo nagkatampuhan ng nobya umano sariling buhay ay pinugto nito ang awtoridad ay inaalam pa kung nagpakamatay nga ang biktima isasailalim sa awtopsiya upang rason ay matukoy talaga O, Pag-ibig, pag nanalo'y karibal ang bigo'y bakit nagpapatiwakal? pinugto ang pusong umaatungal mga nasawi ba'y nagiging hangal? tanging taospusong pakikiramay sa pag-ibig niyang tigib ng lumbay sawing pagsinta'y nabaon sa hukay kanyang sinta kaya'y di mapalagay? - gregoriovbituinjr. 02.07.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante, Pebrero 7, 2025, p.2

Pagpupugay kay Cong. Edcel Lagman

Imahe
PAGPUPUGAY KAY CONG. EDCEL LAGMAN isang taaskamaong pagpupugay sa iyo ang aming iniaalay sa tapat mong dedikasyon at husay upang masa'y mapaglingkurang tunay isa kang magaling na mambabatas na kayrami nang naipasang batas: ang makabuluhang Anti-Torture Act pati Anti-Enforced Disappearance Act ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act, Responsible Parenthood and Reproductive Health Act at ibang mahahalagang batas tulad mo'y isang matatag na muog na di basta-basta nabubulabog sa debate, talagang nandudurog ng katunggaling matalino't subok tulad mo'y agila sa himpapawid puso'y bukas sa masa, di mapinid kung magmaneho'y di tumatagilid tulad sa Kongresong mensahe'y hatid tulad mo'y tala sa gabing madilim tinitingala sa diwang kaylalim karapatang pantao'y itinanim sa aklat at puso ng magigiting tulad mo'y dakilang lider-obrero na umalalay sa maraming kaso ng manggagawang nakibakang todo upang karapata'y maipanalo maraming salamat, Ka ...

Sa ikadalawampu't apat na anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy

Imahe
SA IKADALAWAMPU'T APAT NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG KAY KA POPOY dalawampu't apat na taong singkad katarungan pa rin ang hinahangad sa pumaslang ba'y sinong maglalantad? buong kwento ba'y sinong maglalahad? bagamat karaniwang tao kami na sa manggagawa ay nagsisilbi tuloy ang pagkilos araw at gabi ang bawat hakbang ay pinagbubuti tulad din ni Ka Popoy, ipanalo ang asam na lipunang makatao na tinatawag naming sosyalismo na mamumuno'y ang uring obrero hustisya para kay Ka Popoy Lagman ito'y adhika't ipinaglalaban itatag nati'y pantay na lipunan na walang mang-aapi at gahaman - gregoriovbituinjr. 02.06.2025 * binasa ng makatang gala sa programa ng paggunita sa UP Bahay ng Alumni, hapon ng Pebrero 6, 2025

Tala, tela, tila, tola, tula

Imahe
TALA, TELA, TILA, TOLA, TULA tala  - kahulugan ay bituin at lista itala mo sa kwaderno ang iyong ruta isinulat ko ang nasa aking memorya na baka sa kasaysayan ay mahalaga tela  - ito ang anumang hinabing hibla ng mahimaymay na bagay tulad ng seda tinatahi tulad ng t-shirt, polo't saya na isinusuot pananggalang ng masa tila  - pagtigil ng ambon, ulan o bagyo o singkahulugan ng mistula, animo tila ba ako'y matikas na kabalyero sa isang himagsikang dapat ipanalo tola  - ito pala'y nahihinggil sa butlig na sa mga bata'y namumuo sa bibig pag-unat din sa nakabaluktot na bisig salitang ugat din ng tinola kung ibig tula  - madalas gawin ng abang makata na sa araw at gabi ay katha ng katha nginunguya ang samutsaring isyu't paksa ng anuman, lipunan, kalikasan, dukha - gregoriovbituinjr. 02.06.2025 * krosword mula sa pahayagang Bulgar, Enero 29, 2025, p.11 * kahulugan ng tola - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1265

Sa hagdanan kong aklat

Imahe
SA HAGDANAN KONG AKLAT sa aking pagbabasa ako'y nakapupunta sa bansang iba't iba kahalubilo'y masa taos pasasalamat sa hagdanan kong aklat pagkat nadadalumat mga paksang nagkalat tara, kaibigan ko galugarin ang mundo tara, maglakbay tayo at magbasa ng libro salamat sa hagdanan kong aklat, sambayanan ay ating bahaginan ng tamong karunungan - gregoriovbituinjr. 02.06.2025 * litrato mula sa google