Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2025

Tampipì

Imahe
TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito pahalang: bagahe at naging sagot ko ay: TAMPIPÌ kaylalim na Tagalog kung tingni na kaysarap bigkasin ng labì sa Batangas ko unang narinig sa lalawigan ng aking tatay tampipì ang lagayan ng damit maleta o bagahe ngang tunay nababalikan ang nakaraan sa nawalang salitang ganito ay, salamat sa palaisipan muling napapaalala ito - gregoriovbituinjr. 01.18.2024 * krosword mula pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 16, 2024, p.10

Isa na namang kasabihan

Imahe
ISA NA NAMANG KASABIHAN animo'y makatang nagsalita yaong kolumnista sa balita: "Sa matuwid na pangangasiwa, mabubura ang 'tamang hinala'!" makabuluhan ang kasabihan sa mga isyu niyang tinuran paano ba pagtitiwalaan ng madla iyang pamahalaan tatlong ayuda'y tinurang kagyat ang TUPAD, A.I.C.S. at AKAP baka magamit ng trapong bundat sa pulitika't kunwang paglingap upang manalo lang sa eleksyon lalong magkaroon ang mayroon paano pipigilan ang gayon? talagang ito'y malaking hamon gahamang trapo'y dapat iwaksi dangal ng dukha'y h'wag ipagbili subalit kung sa gutom sakbibi dalita ba'y ating masisisi? paano tutulungan ang dukha kung walang ayudang mapapala lipunang ito'y palitang sadya ito ang aking nasasadiwa - gregoriovbituinjr. 01.17.2025 * mula sa kolum sa pahayagang Pang-Masa, Enero 17, 2025, p.3 * TUPAD - Tulong Pangkabuhayan sa Disadvantage * AICS - Assistance to Individuals in Crisis * AKAP - Ayuda para sa Kinakapos Ang Kita Program

Prayoridad

Imahe
PRAYORIDAD kayrami kong prayoridad na iniisip na kinakayang dalhin ang anumang bitbit pangalagaan ang misis na nagkasakit pagbabasa ng dyaryo't librong nahahagip pagsusulat sa Taliba ng Maralita publikasyon ng KPML, nalathala roon ang mga isyu at laban ng dukha pati isyu't tindig ng uring manggagawa talagang wala nang panahon sa inuman mayroon sa rali, inuuna'y tahanan gawaing bahay, luto, laba, kalinisan pagkatha ng nobela'y pinaghahandaan katha ng katha ng sanaysay, tula't kwento pahinga'y sudoku't pagbabasa ng libro sa ganyan umiinog ang munti kong mundo sa pamilya, sa Taliba't kakathain ko - gregoriovbituinjr. 01.17.2025 * KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Edad 6, ginahasa ng edad 8 at 10, anang ulat

Imahe
EDAD 6, GINAHASA NG EDAD 8 AT 10, ANANG ULAT ano't mga bata pa'y nanggahasa pinagtripan ang kapwa nila bata sa magulang ba'y anong natutunan bakit mga bata'y napabayaan ginawa nila'y karima-rimarim bakit ba nagawa ang gayong krimen napanood kaya nilang nagse-sex ang magulang, sa pornhub, o triple X suspek na dalawang batang lalaki hinila't ginahasa ang babae nang batang babae'y umuwing bahay nagsumbong sa ina't nagpa-barangay nasabing mga suspek ay nahuli at dinala sa DSWD marahil doon lang, di mapipiit dahil sa edad nilang mga paslit anong nangyayari sa ating mundo? dignidad ng kapwa ba'y naglalaho? mga bata pa'y nagiging marahas ano ang kulang? edukasyon? batas? - gregoriovbituinjr. 01.16.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Enero 16, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Pagpili ng wastong salita

Imahe
PAGPILI NG WASTONG SALITA pagpili ng wastong salita ay dapat gawin nating kusa hindi iyang pagtutungayaw na pag tumarak ay balaraw wastong salita ang piliin kapwa mo'y huwag lalaitin porke mayaman ka't may datung ay magaling ka na't marunong huwag kang mapagsamantala na ang kapwa mo'y minumura magsalita ng mahinahon mga problema'y may solusyon ang maling salita'y masakit lalo't ikaw ang nilalait ang wastong salita'y respeto at salamin ng pagkatao - gregoriovbituinjr. 01.16.2025 * litrato mula sa Daang Onyx, malapit sa Dagonoy Market sa Maynila

Pagbabasa ng kwentong OFW

Imahe
PAGBABASA NG KWENTONG OFW sabik din akong magbasa ng mga kwento hinggil sa tunay na buhay, dukha, obrero lalo na't aklat hinggil sa OFW na minsan na ring sa Japan naranasan ko nag-anim na buwan ako sa Hanamaki na isang lungsod sa probinsya ng Iwate alaala yaong sa buhay ko'y sakbibi bago pa sa lansangan ay makapagrali bagamat nakarating din ng ibang bayan sa Thailand, Burma, at bumalik muling Thailand bagamat sa Guangzhou, Tsina ay nilapagan sa Pransya'y higit sambuwang Climate Walk naman nais kong OFW'y kapanayamin obrero sa piketlayn ay makausap din upang maging bahagi ng aking sulatin at maging paksa sa nobelang susulatin - gregoriovbituinjr. 01.15.2025

Dalawang pagpapatiwakal

Imahe
DALAWANG NAGPATIWAKAL anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon: miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason ama at edad apat na anak ang nakabigti sa inupahang apartment sa Lungsod ng Makati ang una'y nasa cadaver bag ngunit may suicide note na umano'y napagod nang maghanap ng trabaho nagsawa na ba sa buhay? aba'y nakakatakot! nang matagpuan siya'y nangalingasaw sa condo ang anak at apo'y pinuntahan ng mag-asawa upang anak nilang may depresyon ay kamustahin subalit sila'y nabigla sa kanilang nakita wala nang buhay ang apo't anak nila nang datnin bakit pagpapatiwakal ang nakitang lulutas? sa mga problema't winawakasan ang sarili? nakalulungkot kahit may Mental Health Act na batas patibayin pa ang batas upang di na mangyari mapipigil ba ng batas ang pagpapakamatay? o sariling desisyon nilang ito'y di mapigil? o baka wala na silang makausap na tunay? upang problema'y malutas? sarili'y kinikitil - gregoriovbituinjr. 01.15.2025 * ulat mula sa pahayagang P...

Ramboletra

Imahe
RAMBOLETRA may nabuo sa ramboletra mga salitang  SOURCE  at  COURSE  na S  at  C  ay nagsalitan ba nilalaro pag nag-iisa sa nilatag na mga titik ilang salitang maiisip o mabubuo mo ng sabik na sa diwa mo'y nakasilid nilalaro sa app ng selpon tila iyan ay isang misyon na sa diwa ko'y humahamon paano masasagot iyon salamat at may ganitong app na sa puso'y nakagagalak kung lalasahan mo'y masarap parang alak na nakaimbak - gregoriovbituinjr. 01.15.2025

Pagsasama ng maluwat

Imahe
PAGSASAMA NG MALUWAT magkasama tayo sa hirap, sa ginhawa't pinapangarap ang bawat isa'y lumilingap at buong pusong tinatanggap kaya tayo'y naritong buo at tinutupad ang pangako na habambuhay na pagsuyo sa pag-ibig ay di mabigo pagmamahalan daw na tapat ay pagsasama ng maluwat sakaling mayroong manumbat ay magkasundo pa rin dapat bawat isa'y iniintindi kahit sa bayan nagsisilbi iyan ang aking masasabi sa asawang laging katabi - gregoriovbituinjr. 01.14.2025

Gamot mula sa balat ng bangus

Imahe
GAMOT MULA SA BALAT NG BANGUS talagang kahanga-hanga ang nadiskubre ng mga aghamanon mula Ateneo natuklasan nilang lunas pala sa lapnos ang balat ng bangus, oo, balat ng bangus kaysa nga naman basta itapon na lamang ang balat ng bangus, bakit hindi tuklasin ang gamit nito bilang panlunas sa paso o lapnos sa balat, isang alternatibo katulad din pala ng balat ng tilapya na ginamit namang ointment na pinapahid sa sugat sa balat upang ito'y gumaling at selula ng balat ay muling mabuhay talagang ako'y nagpupugay sa kanila upang matulungan ang mga walang-wala at sa mga aghamanon ng Ateneo taospuso pong pasasalamat sa inyo - gregoriovbituinjr. 01.14.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante, enero 11, 2025, p.6

Nilay sa munting silid

Imahe
NILAY SA MUNTING SILID nagninilay sa munting silid dito'y di ako nauumid bagamat minsan nasasamid minsan may luhang nangingilid kayraming napagninilayan pawang isyu't paksang anuman o kaya'y mga karanasan pati hirap ng kalooban sa mga sulatin ko'y paksa: may hustisya pa ba sa bansa para sa manggagawa't dukha sa kababaihan at bata bakit ba ang sistema'y bulok at gahaman ang nasa tuktok ito'y isang malaking dagok ang ganito'y di ko malunok kaya dapat pa ring kumilos nang ganyang sistema'y matapos wakasan ang pambubusabos at sitwasyong kalunos-lunos - gregoriovbituinjr. 01.14.2025

Denice Zamboanga, unang Pinay MMA World Champ

Imahe
DENICE ZAMBOANGA, UNANG PINAY MMA WORLD CHAMP kay  Denice Zamboanga , taasnoong pagpupugay dinala mo ang bandila ng bansa sa tagumpay unang Pinay Mixed Martial Arts fighter na kampyong tunay sa One Championship, O, Denice, mabuhay ka! mabuhay! ang kanyang tagumpay ay talagang makasaysayan pagkat mabigat na pagsubok yaong nalampasan kanyang na-second round technical knockout ang kalaban isang Ukrainian na katunggali sa Bangkok, Thailand bente-syete anyos lang ang Pinay na mandirigma tinalo niya'y ilang beses nang nakasagupa women's Atomweight title ang napanalunang sadya mayroon pang limampung libong dolyar na pabuya nawa'y makamayan ng mga tagahanga niya ang tubong Lungsod Quezon na si  Denice Zamboanga idol upang MMA ay itaguyod talaga sa ating bansa; si Denice - inspirasyon ng masa - gregoriovbituinjr. 01.14.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, p.12, at Abante, p.8, petsang 12 Enero 2025

Dugtungang haiku, hay naku

Imahe
DUGTUNGANG HAIKU, HAY NAKU ang magsasaka at uring manggagawa, nakikibaka kanilang asam ang bulok na sistema'y dapat maparam makatang ito ay katha ng katha ng haiku, hay naku pagkat tungkulin niyang buhay ng masa'y paksang tulain kamuhi-muhi iyang kapitalismong dapat mapawi ah, ibagsak na ang kuhilang burgesya't kapitalista walang susuko lipunang makatao'y ating itayo - gregoriovbituinjr. 01.14.2025 * ang haiku ay tulang Hapones na may pantigang 5-7-5

5-anyos, powerlifter na

Imahe
5-ANYOS, POWERLIFTER NA di nga, edad lima pa lang sila powerlifter na? at dalawa pa ikaw naman ba'y mapapanganga? o di kaya'y mapapahanga ka? tatlumpung kilo ba'y mabubuhat ng edad lima, nakagugulat! sa paglaki, buto'y mababanat lalo't sa ensayo'y walang puknat may sinusundan ba silang bakas? si gold medalist Hidilyn Diaz? batang mayroong magandang bukas na bubuhatin ang Pilipinas tungo sa asam nilang tagumpay ngayon pa lang, ako'y nagpupugay bata pa'y powerlifter na tunay kaya mabuhay kayo! mabuhay! - gregoriovbituinjr. 01.13.2025 * mula sa pahayagang Abante, 11 Enero 2025, p.8

Mental health problem na krimen?

Imahe
MENTAL HEALTH PROBLEM NA KRIMEN? kabaliwan ang ginawa ng anak sa magulang ay, kalunos-lunos ang balita sa pahayagan talagang punong-puno ng dugo at kalagiman matatanong lang natin, bakit siya nagkaganyan? aba'y pinaghahanap lamang siya ng trabaho! bakit siya nagalit? durugista? siraulo? mental health problem? o napika na ang isang ito? dahil kinukulit ng magulang na magtrabaho? ang edad ng nasabing tatay ay pitumpu't isa habang edad limampu't walo naman yaong ina at edad tatlumpu't tatlo naman ang anak nila ibig sabihin, adulto na, dapat kumikita talagang ang nangyaring krimen ay kahindik-hindik karima-rimarim, talagang kaylupit ng suspek magulang niya iyon, magulang niya'y humibik hiling lang ng magulang ay magtrabaho ang lintik sa follow-up operation, suspek ay nahuli rin parricide at frustrated parricide ang kaso't krimen ang  Mental Health Act  kaya'y ano ang dito'y pagtingin? ah, di ako mapakali! kaylupit ng salarin! - gregoriovbituinjr. 01.13.2025 ...

Two-time jiu-jitsu world champ Meggie Ochoa

Imahe
TWO-TIME JIU-JITSU WORLD CHAMP MEGGIE OCHOA tatlumpu't apat na anyos lang si  Meggie Ochoa kilalang  Pilipinang world champion jiu-jiteira ngunit sa pambansang koponan ay retirado na napabalita ang madamdamin niyang pasiya bente tres anyos siya'y pinasok ang jiu-jitsu pinagwagian ang pandaigdigang kampyonato ng dalawang beses, two-time world champion pala ito ah, napakabata pa upang siya'y magretiro nakamit ang Jiu-jitsu World Championship sa Sweden, United Arab Emirates, Turkmenistan, Asian Games, Hangzhou, Thailand, Cambodia, nang mga medalya'y kamtin nabanggit pa sa ulat, siya'y may hip injury rin bilang jiu-jitsu black belter, isa niyang misyon ay labanan din ang sexual abuse at eksploytasyon sa kabataan,  "Fight to Protect"  ang proyektong layon ay magturo ng martial arts sa kabataan iyon sa iyo,  Meggie Ochoa , salamat, pagpupugay dahil pinakita mo sa jiu-jitsu ang husay isang bayaning atleta, mabuhay ka! mabuhay! sa kasaysayan, pangalan mo'y nau...

Pluma

Imahe
PLUMA nakatitig muli sa kisame may pinagninilayan kagabi hanggang mga mata'y napapikit sa loob ay may kung anong bitbit madaling araw, tangan ang pluma ay isinulat yaong nakita kayrami ng mga isyu't paksa na naglabo-labo na sa diwa kaya dapat ko lang maisulat yaong samutsaring nadalumat sa papel, sa likod ng resibo o kaya'y sa munti kong kwaderno pagsusulat ang madalas gawin tutula bago pa man antukin nasa isip ay kwento't salaysay danas man ng dukha'y binabaybay - gregoriovbituinjr. 01.12.2025

Pagbabasa sa gabi

Imahe
PAGBABASA SA GABI madalas sa gabi ako nagbabasa pag buong paligid ay natutulog na napakatahimik maliban sa hilik aklat yaong tangan habang nag-iisa sa ibang lupalop ako naglalakbay sa ibang daigdig ako nabubuhay habang naririnig ang mga kuliglig sa ibang lupain ako'y nagninilay bukas pagkagising, babalik sa mundo at pakikibaka'y punong-puno rito mahal ang bilihin nagmumura ka rin namamayagpag pa'y gahaman at trapo nagbabasa ako hanggang hatinggabi at inuunawa ang tagong mensahe may planong kumatha ng kwento't pabula pag biglang inantok, tutulog na dine - gregoriovbituinjr. 01.11.2025

Tanong sa krosword: Ikli ng bakit

Imahe
TANONG SA KROSWORD: IKLI NG BAKIT ang kadalasang tanong:  Pamalo ng bola subalit ang tanong ngayon ay kakaiba tila nadadalian na o nauumay ang gumagawa ng krosword na anong husay tatlong titik lamang, Pamalo ng bola: BAT ngunit ngayon, tila ba tayo'y inaalat Tatlumpu't Siyam Pahalang: Ikli ng bakit  BAT pala, sa huntahan narinig malimit Bat ganyan ka? pinaikling Bakit ganyan ka? Bat di mo ligawan ang matandang dalaga? Bat kasi pumunta ka sa gubat na iyon? Bat mo pinabayaan ang anak mo roon? bagamat sa panitikan ay di magamit pagkat pabalbal ang Bat, ayos pa ang Bakit sa mga awit man, sanaysay, kwento't tula ay Bakit, at di Bat, di Batman ang makata maaari ring tanong:  Paniki sa Ingles na tiyak na masasagot mo ng mabilis Bakit ko gagamitin ang Bat kung di wasto maliban kung ipampalo ng bola ito - gregoriovbituinjr. 01.11.2025 * mula sa pahayagang Pang-Masa, 10 Enero 2025, p.7

Tagumpay

Imahe
TAGUMPAY oo, ilang beses mang dumating kaytinding kabiguan sa atin tayo'y magpatuloy sa layunin tagumpay ay atin ding kakamtin iyan ang bilin noon ni ama noong siya ay nabubuhay pa magsikilos tayong may pag-asa at huwag namang magkanya-kanya kapwa'y huwag hilahing pababa dapat ay sama-samang paggawa kahit kayo man ay maralita ay magkapitbisig kayong sadya sana'y kamtin natin ang tagumpay sama-sama, di hiwa-hiwalay ibahagi ang galing at husay hanggang ginhawa'y tamuhing tunay - gregoriovbituinjr. 01.11.2025 * mula sa cryptogram ng Philippine Star, 10 Enero, 2025, pahina 10 * "It is hard to fail, but it is worse never to have tried to succeed." ~ Theodore Roosevelt

Kasaysayan

Imahe
KASAYSAYAN bilin ni Oriang sa kabataan: matakot kayo sa kasaysayan walang lihim na di nabubunyag isang patnubay ang kanyang bilin tungkulin sa bayan ay ayusin at gawain nati'y paghusayin sa kasaysayan tayo'y matuto para sa kapakanan ng tao huwag ulitin ang mali nito si Gat Andres na ating bayani tulad nina Rizal at Mabini nagawa sa bayan ay kayrami O, kasaysayan, isinulat ka para sa bayan, para sa masa di para sa mapagsamantala - gregoriovbituinjr. 01.11.2025

Payo sa isang dilag

Imahe
PAYO SA ISANG DILAG aanhin mo ang guwapo kung ugali ay demonyo at kung di mo siya gusto dahil siya'y lasenggero ay bakit di mo tapatin ayaw sa kanya'y sabihin huwag mo siyang tiisin kahit ikaw pa'y lambingin pagsagot ba'y sapilitan? panliligaw ba'y takutan? aba'y marami pa riyan na sagad sa kabaitan matamis man yaong dila na kanya ka raw diwata tangi niyang minumutya ay baka ka lang lumuha suriin ang manliligaw huwag ka riyang magaslaw kinabukasan mo'y pakay kaya aralin mong tunay - gregoriovbituinjr. 01.10.2025

Ilang aklat ng katatakutan

Imahe
ILANG AKLAT NG KATATAKUTAN marahil, di libro ng krimen kundi multo ang paglalarawan sa nariritong libro akdang katatakutan ni  Edgar Allan Poe ang  On Writing  ni  Stephen King , ang maestro nais kong matutunan ang estilo nila kung bakit mga akda nila'y nakilala binigyan ko ng panahong sila'y mabasa bilang paghahanda rin sa pagnonobela magandang pagsasanay ang dyaryong  Talibà maikling kwento ko'y doon nalalathalà nasa isipan ko ang isang halimbawà ang paghahanda ng nobelang manggagawà manggagawang tinakot ng gahama't buktot subalit sila'y nagkaisa't di natakot nakibaka sila't tinuwid ang baluktot hanggang kapitalistang kuhila'y lumambot kayraming paksa't isyung dapat kong aralin inspirasyon ko nga'y milyones na bayarin na sadyang nakakatakot kung iisipin kaya pagkatha ng nobela na'y gagawin - gregoriovbituinjr. 01.10.2025

Magsulat upang may ipambayad sa utang

Imahe
MAGSULAT UPANG MAY IPAMBAYAD SA UTANG anong laki ang bayarin sa pagamutan kaya kinakailangan naming mangutang upang mabayaran ang doktor at ospital di iyon bigay ng mga kamag-anakan hanggang ngayon, dapat mag-isip ng paraan ang pagsusulat ang tangi kong kakayahan ako'y makatang pultaym na tibak din naman na dyaryong Taliba'y pinagkaabalahan makakalikha kaya ako ng nobela? na maisasalibro't milyones ang kita? na magiging matagumpay na pelikula? ngunit tagumpay na iyon ay kailan pa? susundan ko ba ang yapak ni  Stephen King ? at ang seryeng  Harry Potter  ni  J.K. Rowling ? at kay  J.R.R. Tolkien  na  Lord of the Ring ? dapat ko nang magsimula't huwag humimbing! kaya magsulat na't ayusin ang direksyon kung paano gagana ang imahinasyon matagal man ay darating din ang panahon na ako'y magtatagumpay sa nilalayon - gregoriovbituinjr. 01.10.2025

Isang tula bawat araw

Imahe
ISANG TULA BAWAT ARAW ang puntirya ko'y isang tula bawat araw sa kabila ng trabaho't kaabalahan sa pananaliksik, pagsulat ng pananaw at iba pang tungkuling dapat magampanan kayraming isyung binasa't inaaral ko nang masulat kong pasalaysay at patula iba'y inilalapat sa maikling kwento isyu man ng obrero, babae, dalita basta ba may paksa't isyung napapanahon o kaya'y balitang marapat bigyang pansin para sa hustisya't karapatan, may misyon ang makata kahit wala sa toreng garing kung kaya ko naman, kwento'y dalawang beses kada buwan, minsanan lamang ang salaysay subalit sa pagtula'y di dapat magmintis kada araw, kaya madalas nagninilay pagtula'y bisyong sa akin ay di maalis para akong kalabaw kung dito'y kumayod wala mang magbasa, pagtula'y di matiis pagkat ito'y gawaing ikinalulugod - gregoriovbituinjr. 01.10.2025

'Buwayang' Kandidato

Imahe
'BUWAYANG' KANDIDATO sa komiks ni Kimpoy sa dyaryong Bulgar natanong ang isang botante roon na bakit daw 'buwayang' kandidato ang sinusuportahan gayong sila ang sanhi bakit mahirap ang bayan sagot agad sa kanya ng botante: 'sa pagkatao nila'y walang paki pagkat ang mahalaga lang sa akin ay donasyon nila't mga ayuda nang sariling pamilya'y di gutumin' ganyan di ba ang pananaw ni Kimpoy? na kumatha ng komiks na naroon? na marahil sa isip din ng madla kaya walang bago sa pulitika pagkat sa trapo sila umaasa kung sumasalamin iyon sa masa aba'y Bayan Ko, saan ka papunta? - gregoriovbituinjr. 01.09.2025 * larawan mula sa pahayagang Bulgar, 9 Enero 2025, p.5

Kalendaryo

Imahe
KALENDARYO salamat po sa libreng kalendaryo ng  Mercury Drug  nang bumili ako ng  Revicon ,  Suki Card  pa'y gamit ko tiyak ngang gamot dito'y laging bago may kampanya pang makakalikasan na sa kalendaryo'y nasulat naman nakatatak din sa pinagbalutan sa magasing  Enrich  pinag-usapan walumpung anibersaryo na nila ngayong taon, nakatatlong dekada nang kapuso, kapulso, kapamilya kakampi sa kalusugan ng masa at muli, taospusong pagpupugay sa kalendaryo'y salamat na tunay sa tula ko kayo'y talagang tulay upang damdamin ay maging palagay - gregoriovbituinjr. 01.09.2025

Nasawi nang masabugan ng kwitis

Imahe
NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring nawala sino bang sa ganitong isyu nakatutok? dapat nang ang ganitong sistema'y matigil may ginagawa na ba ang pamahalaan? na pagpapaputok ay tuluyang mapigil? mabawasan, kundi man, wala nang masaktan? may isang lalaking nasabugan ng kwitis na ayon sa ulat ay agad na namatay matinding pinsala ang tinamong mabilis sa ganyang kalagayan, ikaw ba'y palagay? anong gagawin upang di mangyaring muli? at maiwasto ang ganyang pagkakamali? - gregoriovbituinjr. 01.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, 6 Enero 2025, tampok na balita sa pahina 1 at 2

Balik ospital

Imahe
BALIK OSPITAL  kahit mga tibak na Spartan ay marunong din namang masaktan nadudurog ang puso't isipan tila may tinik sa lalamunan nasa ospital na naman kami ni misis na kaytaas ng BP narito sa ospital sa QC mula pa ng hapon hanggang gabi nakauwi ng madaling araw habang tulog ko nama'y kaybabaw at nararamdaman ko ang ginaw paggaling niya sana'y matanaw tinungo nami'y public hospital mahirap sa private na kaymahal sa presyo, ako na'y nangangatal tila tanggap ko'y sanlibong buntal - gregoriovbituinjr. 01.08.2025 * nagtungo sa QC General Hospital ng enero 7, 2025 ng ikaapat ng hapon si misis, at tinawagan niya ako upang magtungo roon, ikaanim ng gabi na ako nakarating mula sa pasig, kinabukasan na ng alas tres ng madaling araw kami nakalabas at nakauwi ng bahay * 49 na araw at gabi kami sa silid 3437 ng St. Luke's Hospital mula oktubre 23 hanggang disyembre 10, 2024, na ang hospital bill ay umabot ng halos tatlong milyong piso

Paglalakbay

Imahe
PAGLALAKBAY sa pagbabasa nalalakbay ko ang iba't ibang panig ng mundo pati na kasaysayan ng tao ng digma, bansa, pananaw, siglo kaya hilig ko ang pagbabasa ng kwento, tula, dula, nobela ng kasaysayan, ng pulitika maging ng pagbabago ng klima talambuhay ng mga bayani kwento ng pag-ibig ng magkasi panawagang hustisya ng api pati na nakatagong mensahe magbasa't matututo kang sadya sa hirap ng masa't maralita sa misyon ng uring manggagawa sa gawa ng bayani't dakila - gregoriovbituinjr. 01.07.2025

Maligayang ika-41 kaarawan, sinta ko

Imahe
MALIGAYANG IKA-41 KAARAWAN, SINTA KO kahapon, nagising kang walang nakikita di ka kumain ng gabi't nagkaganyan ka di ka rin nakainom ng gamot mo, sinta mabuti ngayon, nakakaaninag ka na akala ko'y nabulag ka na ng sakit mo mataas na creatinine daw ay epekto buong maghapong di nakakitang totoo buong magdamag kang binantayan, sinta ko inom ng gamot ay dapat sa tamang oras pati sa pagkain ay huwag magpalipas kaarawan mo ngayon, dapat kang malakas sana'y gumaling ka na't gumanda ang bukas maligayang kaarawan, O, aking mahal magpalakas ka at huwag magpakapagal - gregoriovbituinjr. 01.06.2025     

Ang aklat

Imahe
ANG AKLAT nais kong basahin ang akda ni Nancy H. Kleinbaum ang  Dead Poets Society  na talagang bumabaon animo'y tinik na tumagos sa puso ko't diwa lalo't pelikula niyon ay napanood ko nga kung sakaling sa bookstore iyon ay matsambahan ko bilang collector's item agad bibilhing totoo upang mabasa't idagdag sa aklatan kong munti inspirasyon upang sa sariling berso'y idampi tumatak sa isip nang pelikula'y mapanood na talagang humagod sa aking diwa't gulugod mga makata noon ay para mong nakausap pag mga berso nila'y tinalunton mo't nagagap nais ko yaong nguyain na parang mga prutas na animo'y si Adan nang kumain ng mansanas ay, sadyang nais kong mahanap ang nasabing aklat upang kaibuturan nito'y aking madalumat - gregoriovbituinjr. 01.05.2025 * mga litrato mula sa google

Anapol adey

Imahe
ANAPOL ADEY sinunod ko na rin ang kasabihang "an apple a day keeps the doctor away" mahalaga kasi sa kalusugan ang mansanas kaya huwag pasaway upang gumanda ang pangangatawan nilantakan ang mansanas sa bahay habang akin namang pinagnilayan ang mga pinagdaanan sa buhay ngayon nga'y mansanas ang kailangan upang puso't diwa'y laging palagay maruming salik ay nilalabanan at maraming sustansyang binibigay bagamat di man araw-araw iyan buting may mansanas kaysa maratay sa sakit o banig ng karamdaman nang pati kalamna't pulso'y tumibay sa kasabihang iyon ay natanto bakit sa ospital walang mansanas? at naisip ko nga bakit ganito dahil kayrami roong doktor at nars... - gregoriovbituinjr. 01.04.2025

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

Imahe
PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS pag tinali, tinalo, tinola ang labas pulutan sa alak o kaya'y panghimagas isinabong ang tandang sa labanang patas subalit sabungero'y tila minamalas alaga'y ginawang tinola nang mautas tinali, tinalo at tinola'y tinala na tila magkakaugnay silang salita na sa masa ito'y madaling maunawa tatlong pantig na nilalaro ang kataga makata ba'y may nakikitang talinghaga kaytagal mong inalagaan ang tinali subalit sa sabungan ay agad nasawi sapagkat pakpak nito'y nagkabali-bali at pati leeg nito'y nahiwa ng tari kaya ang tinali sa tinola nauwi - gregoriovbituinjr. 01.03.2025

Ang matematika ay sipnayan

Imahe
ANG MATEMATIKA AY SIPNAYAN matematika pala'y  sipnayan habang aritmetika'y  bilnuran trigonometry ay  tatsihaan habang geometry ay  sukgisan statistics ay  palautatan iyang algebra ay  panandaan set algebra ay  palatangkasan habang ang calculus ay  tayahan fraction naman ay  bahagimbilang ang salin ng physics ay  liknayan ang chemistry naman ay  kapnayan habang biology ay  haynayan nang mga ito'y aking malaman ay agad kong napagpasiyahan pagsasalin ay paghuhusayan upang magamit sa panulaan - gregoriovbituinjr. 01.03.2025 * ilan sa mga salitang ito'y mula sa  https://www.scribd.com/doc/194410375/Mga-Salita-Sa-Agham-at-Sipnayan-sa-Filipino-Words-in-Mathematics-and-Science-in-Filipino  

Goodbye Daliri

Imahe
GOODBYE DALIRI Goodbye Daliri  ba ang paputok na iyon na pantaboy daw ng malas sa Bagong Taon subalit daliri niya yaong nataboy nasabugan ng labintador, ay, kaluoy bagamat sa komiks iyon ay usapan lang subalit batid natin ang katotohanan sapagkat maraming naging PWD nais lang magsaya, ngayon ay nagsisisi dahil sa maling kultura't paniniwala ay maraming disgrasya't daliring nawala di naman babayaran ng kapitalista ng paputok yaong pagpapagamot nila sana ang tradisyong kaylupit na'y mabago nang disgrasyang ganito'y maglahong totoo - gregoriovbituinjr. 01.03.2025 * larawan mula sa unang pahina ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, 2 Enero 2025

Pag-iipon sa tibuyô

Imahe
PAG-IIPON SA TIBUYÔ sa tibuyô, barya'y inipon ko pawang dalawampu't sampung piso pambili ng pagkain at libro lalo na't mga aklat-klasiko sa tibuyo'y ihuhulog ko na ang anumang barya ko sa bulsa wala lang doong piso at lima inipon na'y malakihang barya tibuyo'y di lang bangkong pambata kundi alkansya rin ng matanda kagaya kong tigulang na't mama mabuting may ipon kaysa wala dapat laanan din ng panahon ang pagtitipid upang paglaon nang may madukot pag nagkataon pag kakailanganin mo iyon may mga libro akong kayrami na mula sa tibuyô nabili kaya ngayon ako'y nawiwili magbasa-basa't magmuni-muni - gregoriovbituinjr. 01.03.2025 * tibuyô - Tagalog-Batangas sa salitang Kastilang alkansya

Batang edad 10, patay sa 'Goodbye Philippines'

Imahe
BATANG EDAD 10, PATAY SA 'GOODBYE PHILIPPINES' kamalasan ba, sinadya, o aksidente pagsabog ng  'Goodbye Philippines'  ay nangyari na ikinasawi ng batang edad sampu kaya kasiyahan nila'y agad naglaho 'Goodbye Philippines'  pala'y bawal na totoo ngunit may umabuso't iba'y naperwisyo kaya nangyaring iyon ay talagang  'Goodbye' dahil nawala ay isang musmos na buhay wala pa akong alam na klaseng paputok na  'Goodbye Daliri'  ang ngalang itinampok kung  'Goodbye Buhay'  man, baka di iyon bilhin kung may bibili man ay matatapang lang din ah, kung ako ang ama ng batang nasawi maghihimutok ako sa kulturang mali babayaran ba ng kumpanya ng paputok ang nangyari sa anak ko, di ko maarok bawat Bagong Taong darating, magluluksa hibik ko'y wala nang paputok na pupuksa ng buhay o ng daliring masasabugan at ang kulturang mali'y dapat nang wakasan! - gregoriovbituinjr. 01.02.2025 * tula batay sa tampok na balita sa pahayagang Pilipi...

Ang drawing ni Mayan

Imahe
ANG DRAWING NI MAYAN pamangking kong nagngangalang  Mayan ay walang makitang masulatan naghanap sa munti kong aklatan ng blangkong papel o kwaderno man nakita niya ang aking libro drinowingan ang blangkong espasyo papangit ang aklat, akala ko di naman pangit, di rin magulo sa drawing niya, ako'y humanga sa magandang aklat pa nakatha sa espasyo ng librong  The Nose  nga si  Nikolai Gogol  ang may-akda edad siyam pa lang na pamangkin ay kayhusay na palang mag-drawing baka balang araw, siya'y maging painter o artist pagkat kaygaling ituloy mo,  Mayan , ang pangarap magpursige ka lang at magsikap sarili'y sanayin mo nang ganap at magtagumpay sa hinaharap - gregoriovbituinjr. 01.02.2025