Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2023

Pag nag-1-2-3 ang nagpaputok ng baril

Imahe
PAG NAG-1-2-3 ANG NAGPAPUTOK NG BARIL madalas ay di nakikilala kung sino ang minulan ng ligaw na balang kumitil sa buhay ng bata o tinamaan nito walang makapagturo kung sino ang dahil o kaya'y nagwa-wantutri o tumatakbo yaong suspek sa pagpapaputok ng baril dapat maging alerto ngayong Bagong Taon baka may matamaan ng ligaw na bala dapat managot ang may kagagawan niyon lalo kung may nabiktima, may nadisgrasya paano kaya kung sa anak mo bumaon ang balang ligaw, tiyak sigaw mo'y hustisya! pag nagwantutri ang nagpaputok ng baril paano pa kaya tiyak siyang madakip bago pa mangyari, dapat siyang mapigil upang ating mga anak ay di mahagip - gregoriovbituinjr. 12.31.23

Mag-ingat sa Paputok na Goodbye Daliri

Imahe
MAG-INGAT SA PAPUTOK NA GOODBYE DALIRI ah, mag-ingat sa paputok na samutsari baka matamaan at biglang mapalungi may Sinturon ni Hudas, Bin Laden, Kabasi, may Bawang, Goodbye Philippines, Goodbye Daliri bata pa ako'y kayrami nang naputukan ng labintador na anong lalakas naman kayrami ngang isinugod sa pagamutan pati ligaw na bala ay may natamaan panoorin ang balita sa telebisyon kasiyahang nauwi sa disgrasya'y komon mga naputuka'y tila bata-batalyon ganyan madalas ang ulat pag Bagong Taon naroo't tangan ng kanyang Lola ang kamay ng apo na nagmistulang bawang at gulay naputukan ng Super Lolo, ay, kaylumbay kinabukasan niya'y nasayang na tunay di man iyon tinawag na Goodbye Daliri mapapaisip ka kapag gayon ang sanhi kapitalista lang ang tumubo't nagwagi di nila sagot ang nawalan ng daliri - gregoriovbituinjr. 12.31.23 * litrato mula sa google

12.31.23 (Sa huling araw ng taon)

Imahe
SA HULING ARAW NG TAON pinagmasdan ko ang kalangitan maulap, nagbabanta ang ulan bagamat umaaraw pa naman butas na bubungan na'y tapalan bagamat kaunti lang ang handa mahalaga tayo'y mapayapa ramdam ang saya sa puso't diwa kahit walang yaman at dalita mamayang gabi'y magpapaputok uulan ng sangkaterbang usok na talagang nakasusulasok habang Bagong Taon na'y kakatok mag-ingay lang tayo't magtorotot magbigayan, walang pag-iimbot pawang saya sana ang idulot ng Bagong Taon, hindi hilakbot wala sanang salbaheng bibira iputok ang baril na kinasa wala na sanang ligaw na bala na magliliparan sa kalsada - gregoriovbituinjr. 12.31.23

12.31.23 (Sa Bisperas ng Bagong Taon)

Imahe
12.31.23 SA BISPERAS NG BAGONG TAON nais kong magbilin sa bisperas ng Bagong Taon huwag magpaputok ng baril, pakinggan mo iyon ah, kayrami nang batang nakitil ang buhay noon hustisya ang sigaw sa alaala ng kahapon halina't Bagong Taon ay salubunging masaya na walang batang natamaan ng ligaw na bala magkita, kumustahan, buhay ay bigyang halaga buting huwag magpaputok kaysa makadisgrasya ayon sa tradisyon, dapat yanigin ng paputok  ang Bagong Taon sa kanyang pagdatal at pagpasok upang kamalasan daw ay palayasin sa usok subalit kayrami nang nadisgrasya't nangalugmok ilan na bang bata ang naputulan ng daliri dahil lamang nagpaputok, labintador ang sanhi ligaw na bala pa'y nakapatay, nakamumuhi paano ba wawakasan kung tradisyon na'y mali? - gregoriovbituinjr. 12.31.23 https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2021/01/01/2067529/12-anyos-patay-sa-ligaw-na-bala-ngayong-bagong-taon-injuries-bumaba-ng-85 http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/38120-sana-wala-n...

Nagdoble ang nabiling aklat

Imahe
NAGDOBLE ANG NABILING AKLAT Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa katuwaan ko marahil na mabili ang aklat ay hindi ko napagtantong mayroon na akong gayong aklat na matagal ko na palang nabili. Tulad na lang nang mabili ko ang aklat na  20,000 Leagues Under The Sea ni Jules Verne . Nais kong kumpletuhin ang mga aklat ni Jules Verne na nasa aking aklatan. Akala ko'y may pang-apat na akong aklat ni Jules Verne nang mabili ko ang 20,000 Leagues. Mayroon na kasi akong  Journey to the Center of the Earth  na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Enero 9, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classics, at ang  Around the World in Eighty Days , na nabili ko sa Book Sale sa SM Fairview noong Marso 9, 2023 sa halagang P125.00, na nilathala naman ng Great Reads. Pangatlo kong nabili ang 20,000 Leagues Under the Sea sa Fully Booked sa SM Fairview noong Mayo 7, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classic. Pang-apat ay nabili ko nga u...

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

Imahe
ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato? Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina. Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay:  "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)." Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo? Hindi ko kilala si Cruz habang k...

Pag ayaw, huwag. Wala siya sa mood.

Imahe
PAG AYAW, HUWAG. WALA SIYA SA MOOD. Dalawang pusa'y aking pinanood kung saan pusang puti'y nakatanghod sa isa pang pusa't siya'y sumugod upang katalikin itong may lugod tangi kong sabi nang sila'y magbukod: "Pag ayaw, huwag. Wala siya sa mood." - gregoriovbituinjr. 12.25.2023 * ang bidyo ng dalawang pusa ay makikita sa kawing na:  https://fb.watch/paxd8FlAtp/

Bata sa Gaza, hanap ni Santa

Imahe
BATA SA GAZA, HANAP NI SANTA walang Pasko sa Gaza dumating man si Santa mga bata'y wala na ibibigay ni Santa'y regalo sa kanila ngunit nasaan sila? mga bata'y patay na? natamaan ng bala? nabagsakan ng bomba? inosente'y biktima mga bata'y wala na napaluha si Santa - gregoriovbituinjr. 12.25.2023 * litrato mula sa fb page na Tribung Tagalog na nasa kawing na:    https://www.facebook.com/photo/?fbid=1397063814529032&set=a.101671560734937

Salamat, kasama

Imahe
SALAMAT, KASAMA salamat, kasama, sa magandang mensahe sapagkat pinasaya ako ngayong gabi sadyang tulad nating tibak ay nagsisilbi sa uri't bayan upang bansa'y mapabuti magpatuloy lang tayo sa pakikibaka laban sa pang-aapi't pagsasamantala bilang tibak na Spartan ay makiisa ng buong puso't giting sa laban ng masa magbasa-basa, magpakahusay, magsanay patuloy na gampanan ang adhika't pakay kumilos at magpakilos, tayo ay tulay upang laban ng obrero'y ipagtagumpay salamat, kasama, sa buhay at layunin sapagkat adhika'y sinasabuhay natin na bulok na sistema'y tuluyang baguhin at tayo'y sama-samang kumikilos pa rin - gregoriovbituinjr. 12.19.2023

Ang pakay

Imahe
ANG PAKAY pagod ang dama sa bawat hakbang matapos ang mahabang paglinang ng mga saknong at taludturan na gintong uhay ang pakinabang patuloy lang sa pakikibaka nang kamtin ang asam na hustisya na matagal nang hikbi ng masa na kaytagal ding sinamantala kaya naritong iginuguhit ang labanang abot hanggang langit ang tibak ay nagpapakasakit nang ginhawa ng masa'y makamit nawa makata'y di lang magnilay o kathain ang sugat ng lumbay kundi ipalaganap ang pakay: uring manggagawa'y magtagumpay! - gregoriovbituinjr. 12.18.2023

Sinong dakila o bayani?

Imahe
SINONG DAKILA O BAYANI? sino nga ba ang tinuturing na bayani? yaong dakilang taong sa bayan nagsilbi? lagay ng bayan ba'y kanilang napabuti? tulad nina Rizal, Bonifacio't Mabini? O.F.W. ay bayaning di kilala na nagsasakripisyo para sa pamilya sa ibang bansa sa kakarampot na kita mapakain, mapag-aral ang anak nila bayaning manggagawa, bayani ng bayan buhay nila'y inspirasyon sa mamamayan na ipaglaban ang hustisyang panlipunan nang lumaya ang bayan sa tuso't gahaman di lang dayuhan ang kalaban nitong bansa kundi mismong kababayan ngunit kuhila tulad ng pulitikong nagsisilbi kunwa ngunit sa kabang bayan ay nananagasa mahirap man ang magpakabayani ngayon tinuring raw na bayani'y patay na noon gayunpaman, kunin ang aral ng kahapon mabuting gawa nila'y gawing inspirasyon - gregoriovbituinjr. 12.17.2023

Kawikaan sa kwaderno

Imahe
KAWIKAAN SA KWADERNO "The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves."  ~ kawikaan sa pabalat ng isang kwaderno nabili ko sa Benguet ang kwadernong iyon dahil anong ganda ng kawikaan doon marahil tibak din ang nagsalita niyon na may tapang kapara ng oso o leyon ang tangi kong magagawa'y ang magsalita para sa tinanggalan ng tinig, dalita, maliliit, vendor, babae, manggagawa, magsasaka, pinagsamantalahang sadya kawikaang sinasabuhay na totoo kaya kwadernong yao'y iniingatan ko makabuluhang patnubay sa pagkatao,  pangarap, hustisya, karapatan, prinsipyo kung may gayong kwaderno pa'y aking bibilhin upang ipangregalo sa kapwa ko man din nang maging gabay din nila ang diwang angkin upang api't sadlak sa putik ay hanguin - gregoriovbituinjr. 12.17.2023

Paggising sa umaga

Imahe
PAGGISING SA UMAGA isusulat ko pa rin ang bulong ng puso kahit na ang sinta'y naroon sa malayo o naririto sa tabi't aking kasuyo lalo na't pag-ibig nama'y di naglalaho kapara ng tula paggising sa umaga bago mag-almusal o nag-uminat muna tula ang kinakape't pinapandesal pa kakathai'y nasa panaginip kanina iyon ay kung matatandaan ang naisip na pagkamulat pa lang ay agad nahagip may talinghaga kaya roong nasisilip at agad tinala sa notbuk ang nalirip nagtungo ang diwata sa dalampasigan nakapanguha ng masarap na halaan wala bang tambakol, tulingan o gulyasan na masarap ihanda sa pananghalian - gregoriovbituinjr. 12.17.2023

Nang maglaho ang musa

Imahe
NANG MAGLAHO ANG MUSA nang magsindi ng ilaw ay agad naglaho ang musa ng panitik na nirarahuyo na kanina'y kaniig sa munti kong mundo animo haraya'y inagaw ng liwanag imahinasyong materyal man o baliwag isang reyalidad na nakababagabag kaulayaw ko pa ang musa ng panitik habang sa kwaderno'y may isinasatitik na mga salitang sa puso'y isiniksik ibinubulong niya ang mga kataga upang maisulat sa mga kinakatha kong akda, sanaysay man o kwento o tula dapithapon na kasi't magtatakipsilim nang siya'y makaniig sa punong malilim nang magliwanag tanda ng gabing madilim na madalas mangyari habang nag-iisip nagigising sa mahaba kong pagkaidlip kailan siya babalik ay di ko lirip o, bakit ang musa'y bigla na lang nawala gayunman, salamat sa tiwala't salita na sa akin ay ibinulong niyang kusa - gregoriovbituinjr. 12.16.2023

Tula ko'y tulay

Imahe
TULA KO'Y TULAY tula'y kinakatha tuwina madalas sa gabi't umaga pagtula'y bisyo ko talaga iyon ang aking kaluluwa ang tula ko'y tulay sa tanan kaya ako'y tulay din naman tulay na aapak-apakan at nagsisilbi ring dugtungan ng magkalayong mga pulo na kung walang balsa'y dadako tulay din sa pagkakasundo at sa mutyang pinipintuho tula ko'y tulay at daanan patungong sinta o digma man tulay sa ating karapatan at upang hustisya'y makamtan tulay nang tao'y magkalapit nang magkita ang magkapatid mahaba man ito't maliit mahalaga'y nakakatawid tulay ay matulaing pook kahit masaya man o lugmok tula'y sa dibdib nakasuksok na nasang iyon ay maarok - gregoriovbituinjr. 12.16.2023

Tagilo (pyramid) at upaw (kalbo)

Imahe
TAGILO (PYRAMID) AT UPAW (KALBO) dalawang salita sa palaisipan habang nagsasagot nito'y natagpuan tagilo at upaw, bago o luma man ay dapat aralin, ito'y matutunan taal bang salita sa'ting bayan ito tiyak na ang upaw ay lokal sa kalbo ngunit ang pyramid, tawag ay tagilo ito ba'y salitang sadyang inimbento? magkagayunpaman, mabuti't nabatid bagong kaalaman ang sa krosword hatid na sa panulaa'y ating magagamit sagutan ang krosword, huwag kang sisirit mayroon daw upaw na nagpapalahaw na nasa tagilo, at uhaw na uhaw bakit nasa loob? anong hinihiyaw? ha? nagpasaklolo't di na makagalaw? - gregoriovbituinjr. 12.16.2023 * palaisipan mula sa  Pilipino Star Ngayon , 12.15.2023; 1 Pababa; at 23 Pahalang * matatagpuan din ang kahulugan ng  tagilo  at  upaw   sa  UP Diksiyonaryong Filipino , p. 1202 at p. 1307, ayon sa pagkakasunod

Ang bantay

Imahe
ANG BANTAY di ka basta makaparada pagkat anong higpit ng bantay kahit pa ika'y bumusina o sa daan pa'y maglupasay pag nagpilit baka mangalmot pag sasakyan mo'y hinambalang ramdam mong nakakapanlambot pag ganyang bantay ay kaytapang kanino ba siyang alaga baka gutom na sa maghapon bigyan kaya ng pritong isda nang siya'y maging mahinahon ganoon nga ang ginawa ko at nai-park ang motorsiklo - gregoriovbituinjr. 12.15.2023

Kapoy

Imahe
KAPOY kailangan ko'y pampasigla at di pampatay lang ng oras upang matupad ang adhika upang pagkilos ay magilas kailangan ko'y pampagana di iyang krosword o sudoku upang maalpasan ang dusa at pagkalugmok ng gaya ko dapat kong balikan ang bakit ng prinsipyong yakap kong tunay ang pakikibaka'y di saglit kundi adhikang habambuhay kaya heto, nagpapatuloy pa rin akong kapara'y langgam kahit pa dama'y kinakapoy upang kamtin ang inaasam - gregoriovbituinjr. 12.15.2023

Kaybigat o kaygaan?

Imahe
KAYBIGAT O KAYGAAN? magwalis-walis agad pag maagang nagmulat kaypangit kung bumungad ay naglipanang kalat isa itong tungkulin na gawin ng taimtim agiw man ay tanggalin upang di maging lagim kung lugar ay magulo kaybigat sa loob mo mag-iinit ang ulo di makapagtrabaho kung iyong malinisan ang bahay at bakuran opisina't daanan madarama'y kaygaan - gregoriovbituinjr. 12.15.2023

Notbuk

Imahe
NOTBUK dala ko lagi ang aking notbuk na tipunan ng anghang at bukbok na salitang minsa'y di maarok mga paksang aking sinusubok balang araw ito'y bubuklatin upang natalang paksa'y namnamin may salitang dapat pang hasain nang maging armas ng diwang angkin nagsusungit man ang kalangitan patuloy akong mananambitan upang mahanap ang katugunan sa sigwa't suliranin ng bayan isusulat kita, minumutya sa aking kwaderno, puso't diwa ang pluma ko'y laging nakahanda umibig man o dugo'y bumaha - gregoriovbituinjr. 12.15.2023

Likis - pagsukat ng sirkumperensya

Imahe
LIKIS - PAGSUKAT NG SIRKUMPERENSYA naintriga ako sa tanong sa palaisipan "pagsukat ng sirkumperensya",  anong katugunan di nagsirit, sinagot muna'y pababa't pahalang hanggang lokal na salitang  LIKIS  ang natagpuan LIKIS  ang tawag sa pagsukat ng sirkumperensya sirkumperensya nama'y  LIKOS  sa Waray talaga LIKIS  ang pagsukat ng  LIKOS , mapapatango ka sa palaisipan nati'y nahahasa tuwina sa geometriya, ang  LIKOS  ang sukat ng bilog pag binuksan at inunat, itinuwid ang hubog o yaong perimetro, haba ng arko ng bilog LIKIS  at  LIKOS , nalito ba't salita'y kaytayog? LIKIS  at  LIKOS  ay likas pala nating salita salamat at natagpuan din ang ganyang kataga na magagamit sa sipnayan, liknayan, pagtula lalo na sa pagtataguyod ng sariling wika - gregoriovbituinjr. 12.14.2023 * mula sa Krosword Puzzle Aklat 2, Tanong 8 Pababa, pahina 56 * mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 698 * sipnayan - math; liknayan - physic...

Salamat sa aklat

Imahe
SALAMAT SA AKLAT taospuso akong nagpapasalamat sa bigay sa aking anong gandang aklat ng bunying makatang kayhusay sumulat ng bugtong na tulang nakapagmumulat aming dinaluha'y isang pagtitipon ng mga makata nang iabot iyon sa pamagat pa lang ay mapapalingon: "Ang Tula Ko'y Bugtong, Ano'ng Iyong Tugon" ilang taon na ring di kami nagkita sa bahay ni Raul Funilas ang una kamakatang Jason Chancoco'y kasama na pawang makatang magaling talaga ikalawa nama'y doon sa tulaan nag-alay ng tula sa kapanganakan ng bunying Supremo nitong Katipunan piyesa'y binigkas sa harap ng tanan bagamat sa pesbuk magkitang madalas pagkat panulaan kapwa'y nilalandas sadyang sa personal, tuwa'y mababakas pagbati, makatang Danilo C. Diaz - gregoriovbituinjr. 12.14.2023 * ang nasabing aklat ay ibinigay sa inyong lingkod ng makatang  Danilo C. Diaz  sa aktibidad na  "Supremo: Konsiyerto ng Tula at Awit, Parangal sa ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio" , UP Hotel...

Sama-samang pagkilos

Imahe
SAMA-SAMANG PAGKILOS pag-uwing bahay galing sa rali animo'y di pa rin mapakali rali nama'y di kawili-wili gutom lang lalo't walang pambili subalit rali ay mahalaga upang maipaabot sa masa at gobyerno ang isyu talaga may rali dahil nakikibaka kaytaas ng presyo ng bilihin tulad ng gulay, bigas, pagkain pangangailangang pangunahin na araw-gabi nating gastusin karapatan nating manuligsa kung pinuno'y kuyakoy lang sadya barat ang sahod ng manggagawa walang disenteng bahay ang dukha tuloy ang sama-samang pagkilos kung may inapi't binubusabos labanang ito'y dapat matapos kaya maghanda sa pagtutuos - gregoriovbituinjr. 12.13.2023

Binendahan

Imahe
BINENDAHAN patay na kuko'y aking ginupit pagkat bumuka't baka sumabit ako na'y tinulungan ni misis at daliri sa paa'y nilinis nilagyan ng agwa oksenada daliri ko'y bumula talaga ang daliri kasi'y kaydumi na nilagay pa'y betadayn at gasa buti't tinulungan ng maybahay pagkat naritong di mapalagay anong sanhi ng kukong namatay? sa balat ay kusang humiwalay ang bilin ni misis ay tandaan paa't daliri'y dapat ingatan huwag hahayaang masugatan... kundi'y baka lumala pa iyan - gregoriovbituinjr. 12.12.2023

Pusa na naman

Imahe
PUSA NA NAMAN "Be kind to animals." ah, isang pusang gala na naman ang humilig sa aking kandungan aba'y bakit ako nilapitan siya'y akin na lang hinayaan may natira pa akong pagkain at naisip kong aming hatiin hasang, ulo't tinik, kanya lang din habang laman ng isda sa akin o, di ba't ito'y hating kapatid upang gutom namin ay mapatid may kasabihan ngang aking batid: "Be kind to animals"  yaong hatid nadama kong siya'y tuwang-tuwa bagamat siya'y di ko alaga nangapitbahay lang siyang sadya at sa akin na'y nangayupapa - gregoriovbituinjr. 12.12.2023

Patay na kuko'y ginupit

Imahe
PATAY NA KUKO'Y GINUPIT itong patay kong kuko ay agad kong ginupit buka na kasi ito subalit di masakit ito'y tubuan kaya ng panibagong kuko? sadyang nakabibigla kung mawala na ito kung iyan ang mangyari ay tatanggapin na lang wala nang masasabi kundi paa'y ingatan kuko lang ang namatay daliri'y nariyan pa mabuti't nabubuhay at nakasisipa pa - gregoriovbituinjr. 12.12.2023

Pagtula

Imahe
PAGTULA minsan nga'y natunganga sa langit o kisame animo'y natulala sa bughaw, pula't berde bawat tula ay tulay sa mga di maarok sa paksang naninilay ay magmanhik-manaog nakakunot ang noo maya-maya'y ngingiti niloloob ba'y suso nilalabas ba'y binti kayraming sasabihin sa karampot na papel tahimik kung isipin ngunit napakatabil ang makata ba'y ganyan sa tula nakalukob wala nang masulingan kundi loob at kutob - gregoriovbituinjr. 12.11.2023

Pagninilay

Imahe
PAGNINILAY patuloy pa rin ang pagninilay sa harap ng damang dusa't lumbay sa mga problema ba'y bibigay? o tatayo't lulutasing tunay? habang tangan yaong tasang kape na bigay ng katoto't kumpare nasa diwa'y paanong diskarte nang krosword ay masagutan dine malaki kayang palaisipan? paanong mundo'y maalagaan? kayraming basura sa lansangan plastik pa'y sa laot naglutangan ah, anong sarap pa rin ng Hi-ro na uso noong kabataan ko ang pakiramdam ko'y isang hero pag nakakatikim ng ganito heto't napapatingala muli sa langit taglay ang minimithi ako ba'y saan dapat maglagi upang katarunga'y ipagwagi - gregoriovbituinjr. 12.10.2023

Salakatâ

Imahe
SALAKATÂ kaysarap kasama ng  salakatâ sa kanila'y magagalak kang sadyâ tila suliranin mo'y mawawalâ masayahin sila't nakakatuwâ di naman payaso ang iyong hanap kundi katotong kasama sa hirap at ginhawa, masayahing kausap subalit  salakatâ  ay kay-ilap marami kasing tuso't manloloko ngingiti ngunit budol pala ito misyong tangayin ang laksang pera mo ah, di  salakatâ  ang ganyang tao tila ba mundo mo'y biglang sasaya kapag  salakata 'y naririyan na tila ba siya'y malakas na pwersa na naghahatid ng tuwa tuwina di naman laging salapi ang hanap kundi saya sa kabila ng hirap katoto, di haragang mapagpanggap nagpapasigla sa danas na saklap - gregoriovbituinjr. 12.10.2023 * 16 Pababa - masayahing tao; sagot ay salakatâ; Krosword Puzzle, Aklat 1 * salakatâ (pang-uri) - palaging masaya at nakangiti; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1083

Patay na kuko

Imahe
PATAY NA KUKO lubos ka bang makikiramay sa aking mga kukong patay walang sakit akong nadama tanong ko'y ganyan ba talaga? nitong nakaraan, natanggal ng kusa ang isa kong ngipin walang kirot, di naman bungal di ko batid bakit ganyan din nang ang paa ko'y nagkapaltos wala ring hapding naramdaman sa mahabang lakad naubos itong lakas ko't ng katawan bakit ba tila manhid ako na dapat dama ko ang sakit paltos, ngipin, patay na kuko dama ko lang ay hinanakit - gregoriovbituinjr. 12.10.2023

Sa minumutya

Imahe
SA MINUMUTYA paano ko ba sasabihing mahal kita kung katapatan ko'y tila di mo makita nagsisinungaling ba yaring mga mata o sa sarili mismo ako'y nagdududa sinta, ikaw ang aking pinakaiibig ikaw lang ang diwatang nais makaniig ako ma'y tibak na nakipagkapitbisig sa mga api nang hibik nila'y narinig ako ma'y makatang sa tula dinaraan ang bawat luha't hirap na nararamdaman ako ma'y mandirigmang handa sa labanan at karapatang pantao'y pinaglalaban salamat, sinta, tunay kitang minumutya bagamat ako'y madalas na walang-wala dumaan man ang mga ligalig at sigwa tangi kang nag-iisa sa puso ko't diwa - gregoriovbituinjr. 12.10.2023

Tambay sa lababo

Imahe
TAMBAY SA LABABO tambay na naman sa lababo si alaga animo siya'y mandirigmang laging handa pahingahan niya'y takbuhan din ng daga minsan bubuwit ay sinagpang niyang bigla kaysarap haplusin ng kanyang balahibo at pagmasdan ang tahimik niyang pagtakbo sasalubong agad pag dumarating ako may ibinubulong na tila ba ganito: "May isda ka bang dala?"  ang tanong sa akin kung tao siya'y batid na ang sasabihin kaya lagi akong may tira pag kumain isda'y kakainin niya't ayaw ng kanin dalawang taon na siya't nakapagsilang ng mga kuting na bagong aalagaan salamat naman, Muning, ikaw ay nariyan na laging nasa tabi, isang kaibigan - gregoriovbituinjr. 12.09.2023

Madaling araw

Imahe
MADALING ARAW di pa nagmamadali ang araw sa pagsikat habang naninilay ng makatang may biglang lilitaw na mutyang bantog sa gandang taglay tila siya naalimpungatan habang ang mga mata'y malamlam alalahani'y di matanganan pagluha'y kailan mapaparam karakaraka siyang bumangon upang kaharapin ang paghilom ng mga sugat niyang naipon habang bibig at kamao'y tikom nais niyang pumiglas, magwala habang damdamin ay hinihiwa ng balaraw ng laksang gunita umaasa pa ring makalaya - gregoriovbituinjr. 12.09.2023

Words can also be a sword

Imahe
"A pen is mightier than the sword." - ito'y palasak na kasabihan sa Ingles. "Words are mightier than the sword." "Words can also be a sword." - ang sabi ko naman nang makita sa app na Word Connect na pareho lang ang mga letrang bumubuo sa words at sword. WORDS CAN ALSO BE A SWORD may kasabihan nga:  "A pen is mightier than the sword." ang naisip ko agad: " Words are mightier than the sword." mula sa app na  Word Connect  ay aking natalisod na pareho lang ang letra sa salitang words at sword "Words can also be a sword,"  dito'y masasabi ko rin dahil nakasusugat din ang salitang matalim; pag nagtungayaw ka't nanira ng kapwa, malagim kaya may salitang pag humiwa'y kaysakit man din may salitang tagapagbungkal ng katotohanan na maaaring armas laban sa katiwalian may salita ring nananawagan ng katarungan na talagang patama sa mapang-api't gahaman madalas na mabisa ang ating pananalita nakasusugat o nakahihilom ya...

Hindi ka mawawaglit

Imahe
HINDI KA MAWAWAGLIT hindi ka mawawala sa aking mga tula pagkat ikaw ang mutya sa bawat kong adhika sa mundong pinangarap na ginhawa'y malasap makaraos sa hirap hustisya'y lumaganap hindi ka mawawaglit sa aking puso't isip diwata kang marikit sa aking panaginip mundo'y kakathain ko na magkasama tayo kaytamis na totoo nang ako'y tinanggap mo - gregoriovbituinjr. 12.06.2023

Pagsinta

Imahe
PAGSINTA anong kahihinatnan ng ating pag-ibig kung tuwing gabi ay di kita makaniig napapakinggan lang ang malamyos mong tinig ngunit di mayapos ng aking mga bisig tinig mo'y pawang oyayi sa aking taynga para bang hinehele ng mahal kong ina ang tinig mong kapara ng Ibong Adarna pag natulog ako'y parang bato talaga o baka naman ako ang may suliranin tumatanda na kasi't lagi nang antukin katawang nanlalata ang madalas angkin madaling araw na lang kung kita'y yakapin paghiwa ng dayap ay di na kailangan upang ipatak sa bisig na sinugatan pagkat sa oras na tulog ang sambayanan saka kita niyayapos at hinahagkan - gregoriovbituinjr. 12.06.2023

Gulag

Imahe
GULAG limang titik sa app ng  Word Connect  ay  GULAG pitong titik,  LUGGAGE , inuna kong sagutin di iyon tsamba, batid ko ano ang  GULAG kulungan iyon sa panahon ni Stalin kung sa Nazi Germany, may concentration camp na nagdulot ng kamatayan sa marami kay Stalin,  GULAG  ang tawag sa labor camp kulungan at kamatayang di mo masabi kayraming mga inosente ang biktima sa usaping pulitikal at emosyonal kayraming ikinulong na nakikibaka na namatay na lamang nang di makatagal minsan, mabuting magbasa ng kasaysayan nang sa palaisipan ay may maisagot anong nangyari sa laksa-laksang digmaan gunita ng  gulag  ay nakakakilabot - gregoriovbituinjr. 12.04.2023