Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Nobyembre, 2023

Hilagyô pala'y kaluluwa

Imahe
HILAGYÔ PALA'Y KALULUWA hilagyô pala'y kaluluwa, sagot pala rito sa palaisipan; Pahalang, bilang Labimpito aba'y bago kasi sa akin ang salitang ito na singkahulugan din ng diwa at espiritu ah, nakakatuwa, nabatid ano ang hilagyô may impit sa dulo, mabilis, katugma ng kulô di tulad ng siphayò at lahò, kapara'y sundô kaya palaisipang iyon ay aking nabuô kahulugan din pala'y diwa't anghel dela gwardya abstrakto o baliwag kung iisipin talaga sa palaisipan ay mahalaga ang pasensya magkunot man ng noo, yaring diwa'y may presensya buti't talastas ang bago ngunit lumang salitâ magagamit sa mga kwento, sanaysay at tulâ bagamat sakbibi ng luha at natutulalâ habang nagninilay dito'y nakapangalumbabâ - gregoriovbituinjr. 11.28.2023 * palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 11.23.2023, pahina 11 * kahulugan mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 448

Pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio

Imahe
PAGPUPUGAY KAY GAT ANDRES BONIFACIO Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan mahusay na organisador, marunong, matapang sa kanyang pamumuno'y dumami ang kasapian mga Katipon, Kawal, Bayani'y nakipaglaban dineklara ng Supremo ang paglaya ng bansa "Punitin ang mga sedula!"  ang kanyang winika ang sigaw niya'y inspirasyong pumukaw sa madla simula ng himagsikan ng armas, dugo't diwa O, Gat Andres, salamat sa iyong ambag sa bayan ngunit pinaslang ka ng 'kapanalig' sa kilusan taun-taon, ikaw ay aming pinararangalan tula't sanaysay mo'y pamanang sa amin iniwan salin ng  Huling Paalam  ni Rizal, ang  Tapunan  ng Lingap,   Ang mga Cazadores , ang  Katapusang  Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya , at ang Mi Abanico  sa Espanyol, nariyan din naman ang obra niyang  Pag-ibig sa Tinubuang Lupa  ating nauunawa bagamat matalinghaga, bayani, makata, mananalaysay, manggagawa pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila basahi't namnamin ang dalawa...

Banyakot pala'y kimono

Imahe
BANYAKOT PALA'Y KIMONO BANYAKOT  pala ang salita natin sa  KIMONO na nakita sa palaisipan sa isang dyaryo kaya agad kong sinaliksik ang salitang ito na wala sa U.P. Diksiyonaryong Filipino habang sa iba pang pananaliksik sa internet ito'y roba, sa Ingles pa'y swimsuit, aba'y kayrikit salamat sa palaisipan, ito'y magagamit sa mga kwento't sanaysay, tulang tanaga't dalit katugma'y balakyot, talukbong ba nila'y banyakot ang salita bang ito'y kaytagal nang nilulumot na hinukay ng palaisipan mula sa limot upang magamit ng manunula nang walang takot - gregoriovbituinjr. 10.17.2023 * litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 17, 2023, pahina 10 * nasaliksik sa https://glosbe.com/tl/en/banyakot na ang ingles sa banyakot ay swuimsuit * nasaliksik sa isang Palaisipan sa internet, na nasa kawing na: https://www.pressreader.com/philippines/balita/20180314/282041917651356 ay makikita ang tanong na Pahalang 34: Bata o banyakot; bata na roba at...

Maligayang ika-82 kaarawan po, Dad

Imahe
MALIGAYANG IKA-82 KAARAWAN PO, DAD Dad, maligayang kaarawan po pagbati nami'y mula sa puso buong-buo't tigib ng pagsuyo pagmamahal yaring aming handog manatili po kayong malusog kumaing mabuti at mabusog taospusong nagpapasalamat kami sa payo n'yo't lahat-lahat palagi po kayong mag-iingat kami po'y nasa mabuti naman katulad ninyo'y walang iwanan at tumitibay sa kalaunan tumagal pa kayo'y aming hangad maligayang kaarawan po, Dad! - greg at libay 11.17.2023

Muling nilay matapos ang lakad

Imahe
MULING NILAY MATAPOS ANG LAKAD naroon lang daw ako sa loob ng tula na nakapiit sa saknong, sukat at tugma ako ba'y laya na pag binasa ng madla o sa kawalan pa rin ay nakatulala ngunit naglakad kami mula kalunsuran mula Maynila hanggang pusod ng Tacloban at itinula ang mga nadaraanan itinudla ang mga isyu't panawagan nailarawan ba ang sangkaterbang luha ng nangalunod at nakaligtas sa sigwa dahil sa ngitngit ni Yolandang rumagasa tula nga ba'y tulay tungo sa pag-unawa ah, nakapanginginig ng mga kalamnan ang samutsaring kwento't mga karanasan masisingil pa ba ang bansang mayayaman na sa nagbabagong klima'y may kagagawan - gregoriovbituinjr. Tacloban City, 11.09.2023 * Climate Walk 2023

Pahinga muna, aking talampakan

Imahe
PAHINGA MUNA, AKING TALAMPAKAN pahinga muna, aking talampakan at narating na natin ang Tacloban nagpaltos man sa lakad na sambuwan ay nagpatuloy pa rin sa lakaran tuwing gabi lang tayo nagpahinga lakad muli pagdating ng umaga na kasama ang ibang mga paa sa Climate Walkers, salamat talaga - gregoriovbituinjr. Tacloban City, 11.07.2023 * Climate Walk 2023

Mahalaga'y naririto pa tayo

Imahe
MAHALAGA'Y NARIRITO PA TAYO mahalaga'y naririto pa tayo patuloy ang lakad kahit malayo tahakin man ay kilo-kilometro ngunit isa man ay di sumusuko nagkapaltos man yaring mga paa nagkalintog man yaring talampakan nagkalipak man, mayroong pag-asa tayong natatanaw sa bawat hakbang ilang araw pa't ating mararating ang pusod ng Tacloban, nang matatag ang tuhod, paa, diwa't puso natin na naglalakad nang buong pagliyag - gregoriovbituinjr. kinatha ng umaga ng 11.05.2023 Calbiga, Samar * Climate Walk 2023

Tugon sa pagbigkas sa aking tula

Imahe
TUGON SA PAGBIGKAS NG AKING TULA maraming salamat, mga kaPAAtid sa inyong pagbigkas ng tulang nalikha upang sa marami'y ating ipabatid isyung ito'y dapat pag-usapang sadya huwag nang umabot sa one point five degrees ang pag-iinit pa nitong ating mundo kaya panawagan nating Climate Justice nawa'y maunawa ng masa't gobyerno mahaba-haba pa yaring lalandasin maiaalay ko'y tapik sa balikat ang binigkas ninyo'y tagos sa damdamin tanging masasabi'y salamat, Salamat! - gregoriovbituinjr. 11.02.2023 * ang pinagbatayang tula ay kinatha noong Oktubre 11, 2023 na may pamagat na  "Pagninilay sa Climate Walk 2023" ; binigkas isa-isa ng mga kaPAAtid sa Climate Walk ang bawat taludtod ng tula * ang bidyo ng pagbigkas ng tula ay nasa pahina ng Greenpeace Southeast Asia, at makikita sa kawing na: https://fb.watch/omJl961Sel/